Balakid ba talaga ang timbang sa pagkakaroon ng anak? Alamin dito kung paano mabuntis ang mataba.
“Kailangan mong magpapayat.”
May nakapagsabi na ba nito sa ‘yo? Kung hindi naman kayo close ng nagsabi nito, hayaan mo na lang.
Pero paano kung ito ay sinabi sa ‘yo ng iyong doktor o OB-gyn? Huwag pa ring sasama ang loob mo, mommy. Marahil mayroon siyang magandang eksplanasyon sa pagsasabi nito sa ‘yo.
Dumarating sa buhay ng mag-asawa na gusto na nilang bumuo ng pamilya. Malaki ang mga paghahandang ginagawa nila para masiguro na kaya na nilang magkaanak.
Pero bago sila makarating sa puntong iyon, dapat nilang alalahanin na ihanda ang pinaka-importanteng bagay sa pagbubuntis – ang kanilang katawan.
Paano masasabing may problema sa pagbubuntis?
Hindi ganoon kadali magbuntis, lalo kapag nagkakaedad na ang isang babae. Kaya mahalaga na kumonsulta sa doktor kung nagbabalak na kayong magkaanak ng iyong asawa.
Ayon kay Dr. Gergen Marie Lazaro-Dizon, isang OB-gynecologist at eksperto sa Infertility mula sa Makati Medical Center, hindi naman lahat ng mag-asawa na hindi magkaanak ay mayroong problema sa kanilang katawan. Kailangan ding isaalang-alang ang ilang bagay sa paligid nila, tulad ng dalas ng kanilang pagtatalik.
“Actually para sabihin mong hirap ang mag-asawa to conceive, dapat one year of trying o one year na nagta-try.
Hindi mo pipilitin, hindi mo sasadyain. Dapat one year kayong magkasama, one year kayong hindi magkahiwalay at nag-iintercourse kayo ng madalas. Kapag walang pagbubuntis, dun mo iisipin na may problema kayo.” aniya.
Kapag kumonsulta na kayo sa doktor, saka niyo malalaman kung mayroon kayong dapat ayusin o gamutin sa inyong katawan para mapadali ang pagbubuntis.
Paano mabuntis ang mataba?
Larawan mula sa iStock
Isa sa mga kadalasang balakid sa pagbubuntis ng isang babae ay ang pagiging overweight o mataba. Ito ay dahil may ilang bahagi ng ating katawan na may kinalaman sa pagbubuntis ang apektado kapag tayo ay wala sa tamang timbang.
Ano ba ang tamang timbang?
Sa isang pag-aaral noong 2018, napag-alamang 11.4 porsiyento ng kababaihan dito sa Pilipinas na may edad na 20 pataas ang sobra sa bigat o overweight. Pero paano mo ba malalaman kung ano ang iyong tamang timbang?
Isa sa mga ginagamit ng mga doktor para malaman ang tamang timbang ay ang pagkuha ng Body Mass Index o BMI.
Bagama’t hindi nito nasasabi ang eksaktong dami ng fat o taba sa iyong katawan, mabibigyan ka naman nito ng ideya kung ang timbang mo ay tama lang sa iyong taas o body structure, o kung ikaw ay overweight o obese.
Nasusukat ang BMI sa pamamagitan ng pagkuha ng iyong timbang (weight) at dini-divide sa iyong taas (taas). Mayroon ding mga BMI calculator sa internet para tulungan kang alamin ang iyong body mass index.
Larawan mula sa iStock
Bakit balakid ang katabaan?
Kapag nakumpirma mo at ng iyong doktor na sobra ang iyong timbang, sasabihin niya sa ‘yo na kailangan mong magpapayat bago kayo sumubok uli na magbuntis.
Pero ano bang kinalaman ng timbang sa pagbubuntis?
Bagamat pwede ka pa rin namang mabuntis kahit overweight, maaari itong makaapekto sa iyong fertility o tsansa na mabuntis. Narito ang ilan sa mga sumusunod na dahilan:
-
Naapektuhan nito ang dami ng estrogen sa katawan
Bago ang lahat, kailangan mong malaman na kailangang balanse ang hormones sa iyong katawan para makapag-ovulate o makapaglabas ng itlog sa iyong fallopian tube.
Ang ating ovaries ang gumagawa ng estrogen, isang female sex hormone sa ating katawan. Pero lingid sa kaalaman nang marami, ang ating adipose tissue o (o fat cells) ay may kakayahan ding gumawa ng estrogen.
Kapag ang isang babae ay overweight, sobra ang nagagawang estrogen ng ating fat cells na nagsasanhi ng hormonal imbalance at nagiging sagabal ito sa ovulation.
-
Maaari kang magkaroon ng insulin resistance
Ang insulin ay isang hormone sa ating katawan na tumutulong tunawin ang asukal papunta sa ating cells para maging enerhiya. Kapag hindi na tinatanggap ng cells ang asukal, patuloy na gumagawa ng sobrang insulin ang ating pancreas. Ito ay tinatawag na insulin resistance.
Kapag sobra ang insulin sa ating katawan, gumagawa ang ovaries ng sobra namang androgen, ang male sex hormone sa ating katawan. Kapag maraming androgen, nahihirapan mag-ovulate o maglabas ng itlog ang ating ovaries papunta sa fallopian tube.
Ang insulin resistance ay isa rin sa mga epekto o sintomas ng pagkakaroon ng polycystic ovarian syndrome.
-
Paglala ng sintomas ng PCOS
Ang polycystic ovarian syndrome o PCOS ay isang pangkaraniwang endocrine (hormonal) disorder na nakakaapekto sa mga kababaihan. Tinatayang isa sa sampung babaeng nasa edad na 15 hanggang 44 sa buong mundo ang meron ng kondisyong ito.
Ang PCOS ay isa rin sa sinasabing dahilan para magkaroon ng sakit na diabetes type 2 at cardiovascular disease. Isa sa mga pangunahing epekto nito ang pagkagulo o hindi regular ng menstrual cycle ng isang babae na nagiging sanhi para mahirapan siyang mabuntis.
Ayon kay Dr. Gen, PCOS ang isa sa dahilan kung bakit nahihirapan magbuntis ang isang babae. “Kasi ang PCOS parang lazy sila, ayaw nila mag-ovulate. Tamad sila.” aniya.
Nagdudulot ang PCOS ng hormonal imbalance at insulin resistance sa mga kababaihan, na siya dahilan kung bakit nahihirapang magpapapayat ang mga babaeng mayroon nito.
Bagamat walang gamot para tuluyang mawala ang PCOS, maaari namang labanan ang paglala ng sintomas nito. Ang pinakamabisang paraan ay ang pagbabawas ng timbang.
Larawan mula sa iStock
-
Mga komplikasyon sa pagbubuntis at panganganak
Marahil isa sa mga dahilan ng iyong doktor kung bakit ka niyang gustong magbawas ng timbang ay para maging malusog ang iyong pagbubuntis, at pati na rin ang iyong isisilang na sanggol.
Sa isang pag-aaral, napag-alaman na mas malaki ang tsansa na magkaroon ng birth defects o komplikasyon pagkapanganak ang mga sanggol na isinilang ng mga inang overweight o obese.
“Overweight and obesity in pregnancy increases risks of several severe complications in the mother and her child,” sabi ni Martina Persson, ang pangunahing researcher sa nasabing pag-aaral.
Ayon naman kay Dr. Gen, kapag may PCOS, overweight o obese ang isang babae, mas malaki ang posibilidad na magkaroon ito ng gestational diabetes.
Ito ang kondisyon kung saan tumataas ang blood sugar ng isang ina habang nagbubuntis. Maaari itong magdulot ng mga komplikasyon sa iyong panganganak kung masyadong malaki ang timbang ni baby.
Gayundin, kapag overweight ang isang ina, malaki rin ang posibilidad na overweight o sobra rin sa tamang timbang ang lalabas na sanggol. Mas malaki rin ang posibilidad na magkaroon sila ng mga sakit gaya ng diabetes o sakit sa puso sa kanilang paglaki.
Anong pwedeng gawin?
Larawan mula sa iStock
Ngayong alam mo na ang mga pwedeng mangyari at kung ano ang epekto ng iyong timbang sa iyong pagbubuntis, ano naman ang pwede mong gawin?
Una sa lahat ay kumonsulta sa doktor. Ang iyong OB-gyne ang makakapagbigay sa ‘yo ng tamang pag-aalaga para mapadali ang iyong pagbubuntis.
“Lifestyle talaga,” ani Dr. Gen. “Kung medyo on the heavy side, you have to lose 15% of your present weight. May malaking pagbabago ‘yun sa PCOS mo at makakatulong sa pagbubuntis.” dagdag niya.
Ano ba ang pinapayo ni Dr. Gen sa mga pasyente niyang overweight pero nais nang magbuntis?
“Number one, kung medyo on the heavy side nasasabihan ko medyo magpapayat ka. Titingnan ko ‘yong weight niya and then you give her the target weight.
Pati diet. Then papa-check mo rin ‘yung mga hormones to really document kung PCOS ba. And then pa-check mo rin ang sugar, so iyon ang basic.
Tapos ‘pag kunwari irregular talaga siya maski na pumayat na siya and everything, that’s when you give fertility medicine to help na mag-ovulate yung babae.”
Ayon sa mga pag-aaral, tataas ang posibilidad na mabuntis ang isang babae kung mababawasan ng kahit 5 porsyento ng kaniyang kasalukuyang timbang.
Paano mabuntis ang mataba?: Dapat pati si daddy
Pero hindi lang babae ang kailangang magbawas ng timbang para magkaanak.
Nakita rin sa pag-aaral na ang sobrang timbang ay nakakabawas din sa sperm count ng mga kalalakihan. Ayon kay Dr. Gen, dapat nasa 20 milyon pataas ang sperm count ng lalaki para mas malaki ang posibilidad na makabuntis.
Larawan mula sa iStock
20 porsiyento ng hindi pagkakaroon ng anak ng mag-asawa ay male factor infertility, kaya dapat na kumonsulta rin ang iyong asawa o partner sa doktor, lalo na kung siya ay overweight.
“That’s why when a couple embarks on a fertility work out, kailangan pareho kayo. Kailangan magpapa-checkup ng semilya ‘yung lalaki. ‘Yung babae magpagpapa-ultrasound siya, magpapa-check kung nag-oovulate siya.” ani Dr. Gen.
Wala namang imposible, basta gugustuhin ng mag-asawa at handa silang magsakripisyo ng ilang bagay (tulad ng pagbabawas ng timbang), maaari pa rin silang magkaanak at makabuo ng masayang pamilya.
Para naman sa mga ayaw pang magkaanak, dapat ding tandaan na hindi mapagkakatiwalaang pangontra sa pagbubuntis ang pagiging mataba o overweight. Pwede ka pa ring mabuntis at makabuntis kahit mabigat ang iyong timbang.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!