Hindi natin maiiwasan na mag-aalala kapag nakakaranas ang ating mga anak ng sintomas ng COVID-19 lalo na sa panahong ito. Siyempre mas naroroon ang kaba natin kapag nagpositibo ang ating mga anak sa naturang sakit. Pero ano ang dapat gawin kapag may COVID ang bata? Alamin dito parents.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang dapat gawin kapag may covid ang bata
- Sintomas ng COVID-19 sa bata
- 11 na dapat tandaan sa pag-aalaga ng batang may COVID
Bilang mga magulang gusto nating maging handa kapag ang ating mga anak ay may sakit, kahit na ang kinakatakutan nating COVID. Pero madalas kasi sa atin ay natataranta kaya naman gumawa kami ng gabay na dapat mong gawin kung ang iyong anak ay nag-positibo sa COVID-19.
Bata o matanda ay maaaring magkaroon o mahawaan ng COVID-19 mas vulnerable ang mga bata dahil wala pang bakuna para sa kanila, lalo na ang mga 11 years old pababa na mga bata.
Ano ang sintomas ng COVID-19 sa bata?
Ayon sa binigay na gabay ng Department of Health ng Pilipinas, narito ang mga sintomas ng COVID-19 sa bata na dapat alam natin parents. Ito ay ang mga sumusunod:
- Lagnat
- Ubo
- Sipon/Pagbara ng ilong
- Walang ganang kumain
- Nahihirapang huminga
- Nagsusuka
- Pananakit ng tiyan
- Diarrhea
- Sakit ng lalamunan
- Pananakit ng kasu-kasuan
- Walang pang-amoy
- Walang panlasa
- Pananakit ng ulo
- Pagkakaroon ng rashes
- Kombulsyon
Kapag nakaranas nang ganito ang inyong anak mas mainam na ipatingin na siya sa isang doktor, lalo na kung hirap siyang huminga at may ubo siya. Ganun din kapag hirap siyang huminga habang bumibilis ang paghinga at may tila pag-alon sa tiyan.
Ayon sa DOH, ito ang gabay para malaman ang tamang paghinga,
- Bilang nang paghinga sa isang minuto:
- 2 months old pababa – higit sa 60
- 2 months old hanggang 11 months old – higit sa 50
- 1 – 5 na taong gulang – higit sa 35
Para naman sa mga teenager nating mga anak o nasa adolescent period, ipatingin sila sa doktor kapag nakakaranas sila ng tila pulmonya (lagnat, ubo, hirap huminga, mabilis huminga).
Kailan dapat ipa-test ang inyong anak kung siya ang may COVID?
Narito ang mga dapat tandaan kung kailan dapat ipa-test ang iyong anak sa COVID-19. Ito ay ang mga sumusunod:
- Kapag nakakaranas na siya ng sintomas ng COVID-19
- Nagkaroon siya ng close contact sa isang pinaghihinalaang postibo sa COVID-19 o positibo sa COVID-19
- Mga sanggol na may nanay na pinaghihinalaang positibo o positibo sa COVID-19.
Paano ang isolation ng inyong anak?
Kapag siya’y nakakaranas na ng mga sintomas na ito, mas mabuting i-isolate na siya agad. Para kung may iba ka pang anak ay hindi na sila mahawa pa. Lalo na kung wala pa siyang bakuna.
Mas maganda na kasama ka ng inyong anak sa isolation, lalo na bata pa sila at hindi nila alam ang gagawin. Maganda ring ihiwalay muna ang mga gamit ng inyong anak. Katulad nang ginagamit niyang baso, plato, kutsara at iba pa.
Isa sa kung ano ang dapat gawin kapag may COVID ang bata ay i-quarantine siya ng 14 days, subalit obserbahan pa rin sapagkat maaaring malala o lumalala ang mga sintomas na nararanasan niya. Kapag lumalala mas mainam na dalhin na siya sa ospital. Sa gayon, mabigyan siya nang nararapat na panlunas.
BASAHIN:
REAL STORIES: “Dalawang beses inoperahan ang baby namin at nagpositibo pa sa COVID”
6-month-old baby, aksidenteng nabakunahan ng COVID-19 vaccine
11 na dapat tandaan sa pag-aalaga ng batang may COVID
Narito ang mga dapat tandaan sa pag-aalaga sa batang may COVID. Ito ay ang ang mga sumusunod:
1. Ihanda ang mga kakailanganin para sa isolation o quarantine.
Kapag nasa isolation at nagpositibo na sa COVID-19 ang bata, mahalaga na bago mag-isolate ay nakahanda na ang mga bagay na kakailanganin niyo. Katulad ng mga stock na pagkain, toiletries, mga gamot, at iba pa.
2. I-monitor ang kaniyang temperature.
Mahalaga na time to time ay titignan natin ang temperature ng ating mga anak. Tignan ang temparature niya kada 4 na oras. Para ma-monitor kung lumalala o gumaling na ba siya. Sa ganito ring paraan malalaman natin kung kinakailangan nang dalhin sa ospital ang bata.
3. I-monitor ang kaniyang oxygen level.
Para malaman ang oxygen level ng inyong anak, bumili ng Pulse Oximeter. Maaaring makabili nito sa mga botika at ilang mga authorized store na nagbebenta nito.
Ang device na ito ay makakatulong para malaman at ma-monitor mo ang oxygen level ng inyong anak. Para rin malaman kung dapat na ba siyang dalhin sa ospital.
Kung wala namang pulse oximeter ay maaaring malaman ang oxygen level, pagmasdan ang pattern ng paghinga ng inyong anak kung ito’y bumibilis at nahihirapan na siya.
4. Tignan at i-monitor ang dami at kulay ng ihi.
5. Bigyan ng maraming tubig ang iyong anak.
Mahalaga ang fluids sa ating katawan. Kaya naman mas mabuting painumin ng maraming tubig ang inyong anak kapag nasa isolation siya o nakakaranas nang maraming sintomas ng COVID-19.
6. Pakainin siya ng masustansiyang pagkain.
Ang pagkain ng masustansiyang pagkain ay maraming benepisyo. Pinapabalik nito ang lakas ng pangangatawanan ng isang tao. Mabuting pakainin ang iyong anak ng mga masusustansiyang pagkain katulad ng gulay at prutas.
Iwasan muna ang pagpapakain sa kaniya ng mga junk foods o mga fast food na pagkain.
7. Painumin ang iyong anak ng paracetamol kung siya ay may lagnat.
8. Kung nagbe-breastfeed pa siya ipagpatuloy mo ang pag-breastfeed sa kaniya.
9. Abisuhan ang inyong Local na Pamahalaan o barangay.
10. Sabihan ang mga tao na nakasalamuha ng iyong anak o ninyo na kayong nagpositibo sa COVID-19.
11. Turuan ang iyong anak sa kahalagan ng paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol.
12. Kausapin ang iyong anak patungkol sa inyong sitwasyon at sabihan siya na maging malakas at matatag upang hindi rin siya makaranas ng stress at anxiety.
Tandaan mas mainam na maging handa at hindi mataranta kapag nagpositibo sa sakit na ito o kaya naman kapag nakaranas ng mga sintomas. Kinakailangan lamang na maging handa para malampasan ang pagsubok na ito.
Huwag mahihiyang magtanong sa inyong doktor o dalhin ang inyong anak sa doktor kung palagay ninyo ang hindi na tama ang kaniyang nararamdaman at kinakailangan niya ng atensyong medikal.
Source:
Department of Health, MakatiMed, Mayo Clinic
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.