Sino ang mag-aakalang ooperahan ang aming anak ng dalawang beses? Mula pagkasilang hanggang anim na buwan, makikitaan na ng malusog at masiglang pangangatawan si Baby Lyric. Masayahin siya at aktibo. Subalit dumating ang madilim na pangyayari. Ito ang aming pandemic story.
Pandemic story: Pagsubok sa panahon ng pandemya
Pitong buwan na si baby, kumakain na siya ng solid foods. Sa oras na ‘yon, pinakain namin siya ng dinurog na pakwan. Makalipas ang ilang oras, namutla siya. Dumumi at sumuka ng limang beses.
Dinala na namin siya sa Tugon Medical Clinic and Hospital. Pagdating doon, hindi muna kami pinapasok dahil kailangan pang ma-antigen test si Baby Lyric.
Sa awa ng Diyos, naging negatibo nag resulta. Nung sa ER na kami hinanapan na si baby ng ugat. Pero ang hirap niyang hanapan.
Nagba-backflow agad ang dugo at lumulubo ang ugat. Ilang tusok din ang natamo ni baby. Sa kasamaang palad, hindi talaga makita. Pinahinga muna si baby. Binigyan ng Oral Rehydration Salt.
Kinaumagahan, hinanapan siya ulit ng ugat. Salamat, nakita na rin at na swerohan. Kinuhaan siya ng dugo. Nakita na may infection ito. Habang nasa kwarto na kami, nilalagnat na siya at lumalaki ang tiyan. Hindi bumababa ang kanyang lagnat-38°C, 39°C.Punas dito, punas doon.Gamot dito,gamot doon.
Kinumbulsyon ang anak ko
Pandemic story.
Kinumbulsyon na siya. Akala namin mawawala na siya. Bumalik ang kanyang hininga. Niyakap ko talaga siya. Sunod noon ay nagsuka na siya ng “poop like texture”. Hindi na rin lumiliit ang kanyang tiyan.
Nagparefer na kami sa Kalibo.Wala kasing bakante sa San Jose, Antique.Tinanggap kami ng St. Jude’s Hospital.Bago ulit kami pinasok sa ER, inantigen test ulit si baby. Naging negatibo ang resulta.
Alas-onse ng umaga nang pinasok kami ng ER.Maya-maya, dumating ang Pedia Doctor. Tiningnan niya anak namin at nagsabing,
“Mommy, hindi maganda ang kalagayan ng iyong anak.Tumigil na sa paggalaw ang kanyang bituka.Kailangan munang ipahinga.Wala munang dede.Tiisin mo kung ayaw mong pumutok ang tiyan niya.”
Gusto ko mang humagulhol pagkarinig ng mga salitang iyon ngunit kailangan kong magpakatatag para kay baby. Kailangan na makita niya ako na matapang.
Nilagyan siya ng OGT. Pinalitan ang kaniyang suwero.Dinagdagan ng iba pang mga electrolytes. Habang ako, pirma ng papel dito at doon. Hindi ko na alam kung para saan ‘yon. Iniisip ko lang sa panahong ‘yon ang kaligtasan ni Baby Lyric.
Ang anak namin nilalabas na ang dumi niya sa OGT. Talagang tutok talaga ako sa pagbantay sa aking anak .Gusto kong gumaling na siya agad. Pina-x-ray na si baby at pina-ultrasound.
Kailangan pa lang operahan ang aming anak
Nakita na mayroong sumasagabal sa loob ng kanyang tiyan. May dumating na surgeon.Tiningnan niya si baby, pati na rin ang resulta at nagsabing kailangang operahan ang aming anak. Hindi na kami nag dalawang isip na sumang-ayon.Ni refer ulit kami sa St Gabriel Medical Center dahil doon lang may bakanteng ICU.
Nilipat na kami ng St Gabriel. Hinanapan ulit ng ugat para sa isa pang swero. Maya-maya dumating na ang Anaesthesiologist,at dalawang Surgeon. Pagkadating alas-dyes, inoperahan na si baby.
Sa labas ng operating room, hindi kami mapakali mag-asawa. Naghahalo ang takot at kaba. Pero napakabuti ng Panginoon, at naging matagumpay rin ang operasyon. Nakitaan na mayroong “congenital band” si Baby Lyric.
Ang kaniyang diagnosis ay “Complete Intestinal Obstruction due to Congenital Band.”(Congenital bands are a rare cause of intestinal obstruction in infancy and childhood. Obstruction is caused by entrapment of the intestine between the band and mesentery or by compression of the bowel.)
Na-ICU si Baby Lyric
Kailangan siyang e ICU pagkatapos ng kanyang operasyon kasi bumaba ang hemoglobin niya Naging unstable ang mga vital signs niya siyam na araw siya loob siya ng ICU. Nagkaroon siya ng dalawang “cut down” dahil sa lumalaki/lumulubo ang ugat niya na may swero.Una, “cut down” malapit sa paa at ang huli ay sa leeg.
Nasa private room na kami.Medyo okay na si baby at pinayagan na kaming lumabas. Parang nanamlay ulit si baby ng sa bahay na kami. Sumuka siya ulit. Nilalagnat.
BASAHIN:
Sanggol hindi man lang napangalanan ng mga magulang niyang nasawi dahil sa COVID-19
Nanay ng namatayan ng 1-year-old na anak: “;Wag balewalain ang COVID dahil totoong-totoo siya”
Tatay na hindi naniniwala sa COVID, pumanaw ang anak dahil sa COVID
Kahit pandemic dinala namin siya sa Maynila, hindi namin akalain na ito ang magiging story namin
Nagdesisyon na kami na lilipad pa Manila. Kahit na pandemya, ginawa namin ang lahat para makaalis. Mas marami kasing pasilidad at mga espesyalista kung doon namin papagamot si baby.
Isinikaso namin ang ticket at medical records ni baby. Nabigyan kami at nakaalis papuntang Manila.Sinalubong kami ng DOH na sasakyan at inihatid kami sa Quirino Memorial Medical Center.
Nasa ospital na kami. Inobserbahan si baby. Nilagyan ulit ng OGT, catheter at dextrose. Pina-swab kami. Sa kasamaang palad, positibo si baby at tatay niya, negatibo naman ang aking resulta.
Nilagay kami sa COVID ward ni baby. Si Tatay niya naman ay naka-quarantine. Lahat ng desisyon sa loob ng ospital ay nakasalalay sa akin.
Dahil sa patuloy na tumitigas ang tiyan ni baby at pagsusuka, nagdesisyon na ang mga espesyalista na operahan ulit si baby.Pinirmahan ko lahat ng dokumento para sa operasyon ni baby.
Inoperahan ulit si Baby Lyric.
Nang iooperahan ang anak ko nasa loob lang ng kwarto. Naninikluhod sa Diyos na sana’y maging okay si baby at maging matagumpay ang operasyon.
Napakamakapangyarihan nang panalangin at sinagot ang aming dasal. Nakita sa kanyang operasyon na masyadong dikit-dikit ang kanyang mga bituka kaya pala tumigas ulit ang tiyan niya at lumalabas na ang dumi sa bunganga niya.
Sa kanyang operasyon, ang ugat na my swero ay lumulubo na naman kaya,”cut down” ulit ang leeg niya.Nakakadurog ng puso.Pinutol ang ibang parte ng bituka ni baby para di na lumaki ang tiyan niya.
Ang naging diagnosis niya ay “Small Bowel Obstruction secondary to Post-operative Adhesion”. Posible palang dumikit ulit ang bituka kapag nabuksan ang tiyan.Ito ang nagyari sa anak ko. Nakakapanghina na makita ko ang anak kong nahihirapan. Pero, siya? Napakatapang!Lumalaban talaga siya!
Mahirap man kinaya namin, naging okay ang aming baby
Labing tatlong araw na kami lang ng anak ko sa loob ng kwarto. Habang ang aking asawa naman ay naka-quarantine sa UP. Kaunting oras na tulog, hindi tama ang oras ng pagkain, madaliang pagligo, madaliang pag-ihi, lahat ito kinaya ko para lang sa anak ko.
Dahil sa katapangan ng anak ko at sa awa ng Panginoon, naging mabilis ang kanyang improvement. Pinalabas na kami ng ospital. Binigyan ng tagubilin para sa follow-up check up.Natapos na rin ang quarantine ni Tatay.
Nagtagal muna kami ng isang buwan sa Cubao, para ma patingnan namin ng maayos si baby at masiguradong okay na siya. Naging mabilis ang recovery ni baby. Naghilom na rin ang kanyang sugat.
Umuwi kami ng Antique. Ngayon, nakakapaglaro na si Baby Lyric.Regular na rin ang pagdumi.Masayahin na siya ulit. Dalangin namin ang patuloy na kagalingan at masiglang pangangatawan ng aming anak. Alam namin na ang Diyos ay handang tumulong at magbigay ng pag-asa!
Kahit na maraming pagsubok ang dumating sa ating buhay, hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa. Sa gitna naman ng pandemic ay nakaya namin, iba-iba tayo ng story nang pagsubok pero alam kong makakaya natin at malalampasan natin ito lahat.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!