Ina ng 1-year-old baby na pumanaw sa COVID-19 may babala sa mga magulang. Ayon sa kaniya, huwag balewalain ang sakit para hindi magaya sa nangyari sa anak niya.
Sa artikulong ito ay mababasa ang mga sumusunod:
- Kuwento ng 1-year-old baby na pumanaw sa COVID-19.
- Babala ng ina ng bata sa ibang mga magulang.
1-year-old baby na pumanaw sa COVID-19
Image from Roxy Sibug’s Facebook account
Hanggang sa ngayon ay hindi matanggap ng inang si Roxy Sibug ang kinahinatnan ng anak niyang si Luther. Si Luther na isang taong gulang pa lamang ay nasawi dahil sa sakit na COVID-19 kamakailan lang. Ang nangyari sa kaniyang anak ay ibinahagi ni Roxy ang kuwento sa pamamagitan ng isang Facebook post.
Ayon kay Roxy na kasalukuyang naninirahan sa Dubai, isang malusog na bata ang anak niya. Ngunit sa isang iglap ay kinuha ito ng sakit na COVID-19.
Kuwento ni Roxy, nitong July 31 ay nilagnat ang anak niyang si Luther. Ito ay isang linggo matapos makaranas ng sinat at sakit ng ulo ang mister niya. Kaya naman dinala nila ito sa isang clinic para mapatingnan. Doon ay sinawab test ang bata at natukoy ngang positibo ito sa COVID-19. Pero dahil sa mild symptoms palang naman ang nararanasan niya ay niresetahan lang ang bata ng gamot sa lagnat at vitamins saka pinauwi. Pero sa pagdaan ng araw ay lumala daw ang kondisyon ng batang si Luther.
“Sinawabtest siya and it turned out that he is positive for COVID. So pinainom namin ng medicine for fever and vitamins lang. Nawala ang lagnat niya in 2 days. Pero napansin ko na biglang namaga ang mata niya at naging weak siya. Dinala namin sa hospital pero wala naman problema at ok ang blood and urine niya. Pinauwi kami. Pero lumalala till kinabukasan, di siya nakakatulog ng maayos at namumutla na siya.”
Ito ang pagkukuwento pa ni Roxy tungkol sa pinagdadaanan ng anak.
BASAHIN:
Tatay na hindi naniniwala sa COVID, pumanaw ang anak dahil sa COVID
5 sintomas ng bagong DELTA variant na iba sa karaniwang sintomas ng COVID-19
Eight things to do when caring for a COVID-positive family member at home
Bata namaga ang puso dahil sa COVID-19
Image from Roxy Sibug’s Facebook account
Dahil hindi mapakali at lubhang nag-aalala na sa nangyayari sa anak ay nakiusap si Roxy sa mga doktor na gawin ang lahat para malaman ang totoong kondisyon ng anak niya. Matapos ang maraming test ay doon nga natuklasan nila Roxy na seryoso na pala at delikado ang kondisyon ng anak.
“We told the doctors to do everything to figure out what’s wrong with him. They did the ECG, XRAY and so on. Nalaman namin na namaga ang heart niya dahil infected sa COVID. Walang tumalab na medicine sa kanya. Kawawa ang anak ko. Mula ulo hanggang paa merong aparato na nakalagay sa kanya.”
Matapos matubuhan ang anak nila ay pinauwi umano muna sila Roxy. Ito ay dahil hindi sila puwedeng mag-stay sa ospital. Pero makalipas ang ilang oras ay pinabalik sila sa ospital dahil bumababa daw ang BP ni Luther na sinundan na ng pinaka-kinatatakutan nila.
“Pinauwi kami dahil kaylangan siyang i-monitor ng mga doctors sa ICU plus we cannot stay in the hospital dahil COVID positive din ako. Sa loob ng 24 hours nawala samin ang anak ko.”
Babala ng isang ina tungkol sa COVID-19: Hindi siya joke e nangyari sa anak ko!
Image from Roxy Sibug’s Facebook account
Dahil sa nangyari, maraming tanong si Roxy. Pero sa ngayon ay mas balot siya ng lungkot at pagdurusa lalo pa na hindi nila makasama ang anak sa mga huling mga sandali nito sa mundo.
“Imbis na kasama namin siya sa huling sandali niya dito sa mundo, hindi namin siya makasama. Bawat pikit ng mata namin siya yung nakikita namin. Bawat galaw namin dito sa bahay, ganoon kami tino-torture. Grabe ‘yong pain na nararadamin namin. Siya lang ‘yong buhay namin, nag-iisang anak namin siya.”
Ito ang nag-iiyak na pahayag ni Roxy sa isa sa mga panayam niya sa GMA News.
Ang hinagpis ni Roxy hinihiling niya na huwag sanang maranasan pa ng iba. Kaya naman para sa mga magulang ay may paalala siya.
“Mga adults talaga kailangan talaga kung mahal ninyo yung mga anak ninyo kailangan talaga mag-iingat talaga kayo,” aniya. “Hindi puwedeng babalewalain ninyo ito. Hindi siya joke e nangyari sa anak ko e.”
Dagdag pa niya: “Kapag nakaramdam kayo ng symptoms kahit konting sinat lang, magpa-swab test na kayo please. Gastusan ninyo. Mas mabuting gumastos kayo sa magkanong halaga kaysa mawala yung mga mahal ninyo sa buhay.”
Ito ang babala ni Roxy sa lahat ng mga magulang at sa mga taong hanggang ngayon ay hindi parin naniniwala sa maaring gawin ng sakit na COVID-19.
Source: GMA News
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!