Filipino meal plan for a month recipe ideas na perfect ngayon sa ipinatutupad na community quarantine.
Humaharap sa malaking pagsubok ngayon ang mga Pilipino. Hindi lamang dahil sa banta ng coronavirus, kung hindi pati narin sa pagsisigurong mabibigyan ng sapat at masustansyang pagkain ang buong pamilya sa kabila ng ipinatutupad na community quarantine. Dahil ayon sa CDC, maliban sa madalas na paghuhugas ng kamay ay dapat ring mag-stock ng pagkain ang bawat household o kabahayan. Ito ay upang maiwasan na ang paglabas ng bahay at hindi na mahawa pa sa kumakalat na virus.
Pag-freeze ng pagkain para maka-save: Filipino meal plan ideas
Isang paraan nga upang maka-save ng pagkain na pang-matagalan ay ang pag-frefreeze nito. O ang pagluluto ng pagkain ahead of time, saka ito itago at ilagay sa freezer. Upang ito ay hindi masira at makain sa mga susunod na araw pa o linggo.
Ito ay ayon sa dietician na si Alice Henneman mula sa University of Nebraska-Lincoln sa Lancaster Country, USA.
“A simple quick-cooking technique is to make extra food at one meal and freeze for future meals. Or, to prepare food ahead and freeze for enjoying at a later time.”
Ito ang bahagi ng artikulong isinulat ni Henneman tungkol sa kahalagahan ng pag-frefreeze ng pagkain. Dagdag pa niya halos lahat ng pagkain ay maaring mailagay sa freezer. Kahit ang mga liquid foods tulad ng soups at stews. At ang mga ito ay ligtas paring kainin ng hanggang sa tatlong buwan. Basta’t ito ay hindi pa nakikitaan ng freezer burn o discoloration at damage.
Kaya naman sa panahong ito na sumasailalim sa malawakang quarantine ang ilang parte ng bansa ang pagfrefreeze ng pagkain ang isa sa mga paraang makakatulong sa mga Pilipino upang maka-survive. Ang kailangan lang ay maging madiskarte sa pagluluto at paghahanda ng pagkain. Ito ay upang makatipid habang sinisiguro na masustansya ito para sa buong pamilya.
Ang sumusunod na family meal plan for a month ay maaring gamiting halimbawa:
Filipino meal plan for a month recipe ideas
Upang masigurong magkakasya ang inyong budget sa loob ng isang buwan ay mabuting magluto ng isang beses na maramihan. Saka ito palimigin at ilagay sa mga freezer bags na nakahati-hati na base sa mga araw na ihahanda ito sayong pamilya. Ilan sa mga putahe at meal plan ideas maari mong ihanda ay ang mga sumusunod:
Ginisang giniling na baboy
Maliban sa puwede itong pang-ulam sa tanghalian at hapunan, ay maari ring itorta ang ginisang giniling na perfect naman sa agahan. Puwede ring magtabi nito bilang pang-sahog sa gulay. O kaya naman ay gawin itong burger patty na pwedeng ipalaman sa tinapay para sa meryenda. Pwede rin itong gawin torta. Lagyan lang ito ng patatas at carrots para healthy at enticing tingnan para sa mga chikiting.
Adobong manok
Ang adobong manok ay isa ring putahe na budget-friendly. At maliban sa pang-ulam ay marami rin itong puwedeng pag-gamitan tulad ng ginisang giniling. Puwedeng himayin ang adobong manok para isahog sa ginisang gulay. Tulad ng ginisang sayote o repolyo. Puwede rin itong isahog sa sopas pang-agahan. O kaya ihalo sa mayonnaise at cheese at ipalaman sa tinapay. Puwede ring gamitin itong toppings sa pizza. Dagdagan lang ito ng cheeze at ketchup o spaghetti sauce.
Paksiw na isda
Ang paksiw na isda ay isa rin sa pang-matagalan at tipid na ulam para sa pamilya. Dahil sa ito ay may suka, hindi na kailangan itong i-freezer pa. Itabi lang ito sa ref at prituhin saka i-pares sa ginisang gulay. O kaya naman ay igisa sa kamatis at itlog para maging sarciadong isda. Pwede ring haluan ito ng toyo para maging adobo. O himayin ng maliliit na piraso, haluan ng pinong piraso ng carrots at patatas at gawing lumpia.
Nilagang baboy
Ang nilagang baboy ay isa ring paboritong putahe ng mga Pinoy. Tulad ng mga naunang putahe ay marami ring maaring gawin pang putahe mula rito. Perfect itong ulam sa tanghalian at hapunan. Lalo na kung ito ay may halong patatas at repolyo na puno ng sustansya. Puwede ring ilevel-up ang lasa nito sa pamamagitan ng pagdagdag ng saging na saba para maging pochero. Maari ring magtabi ng bahagi ng nilagang baboy para gawing sinigang o adobo sa mga susunod na araw. O kaya naman ay maghimay ng piraso nito na maaring isahog sa ginisang gulay o pancit. Kaya naman ay himay-himayin ito saka gawing shredded pork na pwedeng i-partner sa pritong itlog sa agahan. O kaya naman ay ipalaman sa tinapay na may timplang magugustuhan ng buong pamilya.
Ang mga nabanggit na putahe ay ilan lamang sa mga puwede ninyong ihanda na pasok sa budget at maraming ibang putahe pa ang magagawa. Siguraduhin lang na tama at maayos ang pagtatabi ng mga ito. At hati-hatiin sa bahaging sasapat sa pangangailangan ng buong pamilya sa buong buwan.
Iba pang meal plan ideas na pwedeng gawin
Maliban sa mga nabanggit na Filipino meal plan ideas, may iba pang options na pwedeng pagpilian ng mga mommies na nagiging busy din sa work. Instant at swak sa budget ang mga ito pero sinisugurado at garantisadong healthy rin para sa inyong chikiting.
- Ginisang sayote w/ egg
- corned beef na may patatas
- tuna omelet o tuna w/ patatas
- ginisang munggo with chicharon o tinapa
- steamed kangkong with bagoong
- tortang talong
Tandaan
Maraming pagpipilian at abot-kayang meal plan ideas para sa iyong pamilya lalo na sa mga anak na healthy. Tiyakin na maliban sa gusto ng inyong mga anak ang kanilang kinakain, ay may sapat itong nutrisyon para sa kanilang paglaki.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!