Maraming paraan upang ipahayag ang ating pagmamahal. Ayon kay Gary Chapman, isang family counselor at pastor, may limang klase ng love language na nagpapahiwatig ng pag-ibig. Alamin natin kung ano ang love languages na ito.
Ano ang love languages? Ang limang uri ng love languages
1. Mga salitang nagbibigay ng affirmation
Ang isang paraan ng pagpapahayag ng pagmamahal ay ang mga salitang naghihikayat at nagbibigay pag-asa at lakas ng loob. Ang mga salitang ito ay makapangyarihan, at mas epektibo sa mga simpleng pahayag lang. Ang ilang halimbawa nito ay:
“Napaka-ganda mo ngayong araw!”
“Alam mo talaga kung paano ako pasayahin.”
Ayon sa psychologist na si William James, ang pinakamalalim na pangangailangan ng mga tao ay ang pakiramdam na pinahahalagahan sila. Kayang pawiin ng mga salitang pagpapahalaga ang pangangailangan na ito.
2. Quality time
Ang oras na binibigay para sa ating mahal sa buhay ay ang pangalawang love language—ang quality time. Hindi kabilang dito ang panonood ng TV nang sabay, dahil nasa TV ang iyong atensyon—hindi sa iyong kabiyak. Ang ibig sabihin ng pagbibigay ng de-kalidad na oras ay ang pagbibigay pansin sa iyong asawa. Kaya naman itabi muna ninyo ang inyong mga cell phone at i-enjoy ang pag-uusap.
Napakahalaga ng oras. Madami tayong kailangang gawin, ngunit iilan lang ang oras natin sa isang araw. Siguraduhing kapaki-pakinabang ang paggamit natin ng bawat minuto, at huwag kalimutang maglaan ng oras para sa mga mahal natin sa buhay.
Basahin ang simpleng trick na ito para magkaroon ng quality time sa iyong kabiyak.
3. Mga regalo
Lahat ng love languages na ito ay nangangailangan ng mapagbigay na kalooban. Para sa iba, ang pagtanggap ng pisikal na regalo ay ang pinaka-mabisa at pinaka-kongkretong paraan para maramdaman nila kung gaano sila kamahal.
Hindi kailangang bumili ng mamahaling regalo para ipahayag ang iyong nararamdaman. Ang mahalaga ay ang pagpapahalaga na ipinahayag mo sa tumanggap. Ang regalo ay nahahawakan at maaari maging remembrance na may nagmamahal sa atin.
4. Paglilingkod
May isang sawikain na nagsasabing ang aksyon ay mas malakas kaysa sa salita. Para sa mga tao na paglilingkod ang love language, totoong-totoo ito.
Ang paglilingkod ay isang magandang paraan upang ipakita ang iyong pagmamahal, lalo na kung positibo ang ating saloobin habang ginagawa ang mga ito. Maaari ito’y maging kasing simple ng paghuhugas ng pinggan o pagpalit ng lampin ni baby.
5. Physical touch
Ang paghaplos ay isang importanteng bahagi ng pagbatid ng pagibig. Ayon sa research, ang mga sanggol na madalas nayayakap ay lumalaking mas malusog kung ikumpara sa mga sanggol na wala masyadong nararamdaman na haplos.
Ang paghawak ng kamay, paghalik, pagyakap, at pagtatalik ay mga napaka-makapangyarihang paraan upang ipahayag ang pag-ibig ng mag-asawa. Kailangan ng ibang tao ng haplos para maramdaman na minamahal sila.
Tulad ng iba’t ibang wika sa mundo, iba’t iba din ang ating mga love language. Bagaman mas binibigyang halaga ng iba ang mga regalo, ang ilan naman ay mas tumutugon sa mga salita. Para maging mas maganda ang inyong komunikasyon, kailangan ninyong maintindihan kung ano ang love languages ninyong mag-asawa.
Ikaw, ano ang love language mo? Paano mo ito pinapakita? Mag-comment sa ibaba.
Source: Focus on the Family
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!