Aratilis o aratiles fruit may taglay umanong components na anti-diabetes. Iyan ang natuklasan ng isang Filipino student scientist mula sa Iloilo.
Aratilis bilang gamot sa diabetes
Isang young Filipino scientist ang kamakailan lang ay nakipag-kumpetinsya sa Arizona, USA para sa Intel International Science and Engineering Fair.
Siya ay si Maria Isabel Layson na isang Grade 11 student na mula sa probinsya ng Iloilo. At ang discovery na ipiniresent niya sa kumpetisyon ay ang pagkakatuklas niya sa aratilis bilang posibleng gamot sa diabetes.
Ayon kay Layson, ang aratilis na tinatawag na sarisa sa Ilonggo ay isang prutas na hindi pinapansin ng marami sa atin lalo pa’t maliliit lang ang bunga nito. Ngunit ito daw ay may taglay na medicinal properties na may potensyal na maging regulator ng diabetes.
Sa pag-aaral na ginawa ni Layson tungkol sa aratilis, ay natuklasan niyang may taglay itong bioactive compounds tulad ng anthocyanin, flavonoid at polyphenol na makakatulong malunasan ang diabetes. Mayaman din daw ito sa antioxidants na kailangan ng ating katawan.
Bagamat hindi nanalo sa ginanap na kumpetisyon ay masaya naman si Layson dahil nirepresenta niya ang bansa. Lalo pa’t hindi daw siya sumali sa kumpetisyon para makilala ngunit para makatulong sa mga naaapektuhan ng sakit na diabetes na hanggang ngayon ay wala paring nahahanap na lunas.
“I didn’t join the competition for fame. I joined this research competition because I wanted to address the problem of diabetes and how my research of aratiles could help solve that,” sabi ni Layson.
Kaso ng diabetes sa Pilipinas
Sa ngayon ay patuloy na dumadami ang bilang ng mga Pilipinong may diabetes.
Noong 2014 ay may naitalang 3.3 milyong Pilipino ang may diabetes, ayon sa datos ng PSEDM o Philippine Society of Endocrinology, Diabetes, and Metabolism. Wala pa umano sa bilang ang 2 milyong Pinoy na hindi pa alam na diabetic na sila.
Nakikinita naman ng PCP o Philippine College of Physicians na posibleng umakyat ng hanggang 7.8 milyon ang Pinoy na may diabetes sa darating na 2030. Dahilan para mailagay sa pang-siyam na bansa sa buong mundo ang Pilipinas na may pinakamaraming diabetics.
Bagamat ang sakit ay namamana, maari naman daw maiwasan ang pagkakaroon ng diabetes. Ito ay sa pamamagitan ng pagkain ng mga masustansiyang pagkain at pag-eehersisyo, payo ni Dr. Aurora Macabalug ng PSEDM.
Kaya naman maaring ang discovery na ni Layson ang sagot sa isa sa mga sakit na nagpapahirap sa mga Pilipino. Maaring ang maliit at matamis na aratilis o aratiles na ang gamot sa diabetes na pinoproblema ng maraming Pilipino.
Iba pang health benefits ng aratiles o aratilis
Samantala, maliban sa nagpapababa ang matamis na prutas na aratilis ng blood sugar sa katawan marami pa daw benepisyo itong maibibigay sa ating katawan. Ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
- Mayaman ito sa vitamin C na mabisang panlaban sa ubo at sipon at mas nagpapalakas ng immune system ng ating katawan.
- Ang tsaang gawa sa dahon ng aratiles ay may taglay na nitric acid na nakakapagrelax ng blood vessels na nagiging dahilan para mag-improve ang ating blood flow at heart health.
- Ang juice o extract nga aratilis ay may taglay na anti-inflammatory properties na pumipigil sa ulcer formation sa ating tiyan. Ni-neutralize rin nito ang acid sa ating tiyan at naikukumpara ang epekto nito sa omeprazole. Ang gamot na ginagamit laban sa heartburn, stomach ulcers, at gastroesophageal reflux disease o GERD.
- Ang anti-inflammatory properties na taglay ng aratiles ay mabisang lunas din sa sakit na dulot ng pamamaga ng joints o gout arthritis.
- May taglay ding antibiotic properties ang aratilis na mahusay na panglaban sa mga bacteria at virues tulad ng Staph infections.
Source: ABS-CBN News, Medical Daily
Basahin: 11 benepisyo ng luya sa kalusugan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!