Hindi nga napigilan ng mga netizens na mag-react sa Ateneo bullying incident na naging viral sa social media nitong mga nakaraang araw. Ang iba nga rito ay nagpakita ng galit sa insidente sa pamamagitan ng mga komento at pagbibigay detalye tungkol sa estudyanteng sangkot dito. Isa na nga sa impormasyong kumalat sa social media ay ang address na tinitirhan daw ng Ateneo bully.
Kaugnay rito ay nakatanggap ng iba’t-ibang deliveries mula sa fast food restaurants at online shops ang naturang address na naging dahilan upang umalma ang tunay na may-ari nito na hindi umano konektado sa Ateneo bully. Ang pekeng address na kumakalat ay sa bahay ng isang pastor!
Nadamay na sa Ateneo bullying incident
Sa isang Facebook post ay ipinahayag ni Jewel Taculod, anak ng pastor, ang kaniyang pagka-dismaya sa nangyayaring pagkakamali na lubhang nakaka-abala at nakakaapekto na sa kanilang pamilya lalo na sa kaniyang mga magulang na matatanda na.
“THE ADDRESS POSTED IN THE COMMENT SECTION OF THE BULLY VIRAL PERSON IS NOT LEGITIMATELY HIS!! Please be responsible of what posts you’re sharing!! May pamilya kayong naapektuhan, na walang kamalay-malay sa issue! Matanda na mga magulang ko para patulan kayo. Please naman.”
Ang fake address umano ng Ateneo bully na kumalat sa social media ay nakatanggap ng mga food deliveries mula sa ibat-ibang fast food chains na kung susumahin ay umabot na sa P10,000 worth of orders. Maliban rito ay mayroon ding mga orders ng mga gadgets mula sa mga online shops na umabot naman sa P54,000.00.
Mabuti na nga lang daw ay agad nilang na-cancel ang mga order maliban nalang sa mga food deliveries na magkakasunod na dumating sa kanilang bahay ilang oras matapos kumalat ang kanilang address sa social media, ayon kay Taculod.
“Earlier that day, nagulat kami sa Facebook kasi address namin yung kumakalat. Nung una, hindi kami masyado nagwo-worry. Tapos nung hapon na nagka-delivery dun na kami nagulat,” pahayag ni Taculod sa isang interview ng Inquirer.
Dahil sa insidente ay nababahala ang pamilya ni Taculod sa kanilang kaligtasan na kahit anong oras pala ay maaring kumalat ang kanilang address ng hindi nila nalalaman. Kaya naman humihiling siya sa mga netizens na maging responsable sa pag-sheshare ng mga impomarsyon sa social media.
“Let us be quick to hear and understand but be slow to speak. Always think first of what you’re gonna spread online, do a research if it’s a fact or not para lahat tayo peaceful,” dagdag niya sa kaniyang interview.
Dahil sa stress at abalang idinulot nito sa kanilang pamilya, pinaplano ni Taculod na makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation o NBI para ma-track ang kung sinumang responsable sa gulong ito.
Ipinagdiinan niya rin sa kaniyang interview na sila ay hindi kunektado sa Ateneo bully na hindi nila kilala pati ang kaniyang pamilya.
Maliban rito ay nilinaw rin ng Philippine National Police o PNP na hindi rin kunektado at walang record ng sebisryo sa kanila ang ama ng estudyanteng sangkot sa Ateneo bullying incident. Ang paglilinaw ay ginawa matapos rin kumalat ang sabi-sabing ang ama ng Ateneo bully ay isang pulis na may mataas na katungkulan sa PNP.
Sa ngayon ang junior high school student ay tuluyan ng nakick-out at hindi na maaring makabalik sa Ateneo dahil sa kinasangkutang insidente. Nagsasagawa rin ng kanilang imbestigasyon ang Philippine Taekwendo Asscociation o PTA sa kanilang magiging hakbang para sa Ateneo bully na kilalang black belter at gold medalist Taekwondo athlete.
Sources: Inquirer, Philippine Daily Inquirer, Manila Standard, Rappler
Basahin: Ateneo bully, na-kick out na sa eskwelahan