Viral ngayon sa social media ang video kung saan ang isang mag-aaral ng Ateneo high school ay nahuli sa aktong binubugbog ang kaniyang mga kaklase sa loob ng isang CR sa binansagang Ateneo bullying incident. Bakit kaya ito ginagawa ng mag-aaral, at ano nga ba ang dapat gawin sa mga ganitong bata?
Ateneo bullying incident: ano ang nangyari?
Sa screenshot na ito makikitang tinatakot ng bully ang kaniyang kaklase.
Kitang-kita sa video kung paano dinuduro ng isang mas maliit na bata ang kaniyang mga malalaking kaklase habang sila ay umiihi sa CR. Una itong nai-upload sa Facebook account ni Butch Ruiz Baliao, ngunit paglaon ay tinanggal na rin ang video.
Ngunit kahit tinanggal na ang video, marami na ang nakapagdownload nito kaya’t nai-upload rin ito sa iba-ibang mga Facebook page at account.
Ang estudyante ay di umano’y isang mag-aaral ng junior high sa Ateneo. Dagdag pa ng ilang netizen, ang bully raw ay isang red belter sa taekwondo, at ginagamit niya ang kaniyang kakayanan sa martial arts upang manakit ng kapwa mag-aaral.
Sa video, makikita na nilalapitan ng bully ang kaniyang mga mag-aaral na umiihi sa CR. Nilapitan niya ang isa rito at pinapili kung bugbog raw o dignidad. Lumapit pa ang bully sa camera at sinabing kung dignidad raw ang pinil ng mag-aaral kailangan niyang halikan ang mga sapatos pati na ang maselang bahagi ng kaniyang katawan.
Ngunit dahil hindi raw ito ang pinili ng mag-aaral, bubugbugin raw niya ito.
Nahuli rin sa video kung paano pinagsisipa at pinagsasapak ng bully ang walang kalaban laban na bata. Walang tigil sa pananakit ang bully, at tuloy tuloy lang sa pananakit kahit hindi pumapalag ang kaniyang kaklase.
Sa bandang dulo ng video ay makikitang napuruhan ang bibig ng kawawang mag-aaral, at pumutok at nagdudugo ang kaniyang labi.
Duguan ang labi ng kawawang mag-aaral dahil sa pananakit ng bully.
Ano ang reaksyon ng mga netizen sa nangyari?
Dahil sa mabilis na pagkalat ng video, maraming netizen ang nagkundena sa ginawang pananakit ng bully sa nangyaring Ateneo bullying incident. Sinabi nila na hindi raw dapat ginagamit sa masama ang kaniyang kakayahan sa taekwondo.
Heto ang naging reaksyon ng ilang mga netizen sa pangyayari:
Dagdag pa ng iba, sayang lang daw ang husay ng bully sa Taekwondo dahil ginagamit niya ito para manakit ng iba.
Ito naman ang naging statement ng Ateneo tungkol sa Ateneo bullying incident:
Magsasagawa raw sila ng imbestigasyon ukol sa pangyayari, at nagpasalamat sa mga taong nagbigay atensyon sa insidente.
Ano ang magagawa ng mga magulang tungkol sa pambubully?
Isa sa pinakakinakatakot ng mga magulang ay maging biktima ng bullying ang kanilang mga anak. Kaya nga hangga’t-maaari, sinisigurado nila ang kaligtasan ng kanilang mga anak sa loob at sa labas ng paaralan.
Ngunit sadyang mayroong mga pagkakataon kung saan hindi mapoprotektahan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Dahil dito, ginawa ang Republic Act No. 10627, o “Anti-Bullying Act of 2013”.
Sa ilalim ng batas na ito, kinakailangang mayroong mga patakaran ang mga paaralan laban sa bullying. Sa batas na ito, puwedeng mag-report ang mga mag-aaral ng patago, o anonymously kapag mayroon silang nakitang insidente ng bullying.
Kung makita naman ng principal ng paaralan na mayroong krimen na naganap, puwede siyang dumeretso sa pulis upang ireport ang pangyayari.
Sa ilalim ng batas na ito, ang mga sumusunod ay maihahalintulad sa bullying:
- pananakit ng kapwa mag-aaral
- pananakot ng mag-aaral, sa salita man, sa pagsulat, o kaya sa internet
- pambabastos ng kapwa mag-aaral na nakakasakit ng damdamin
- cyber-bullying, o paggamit ng computer at internet upang i-bully ang isang mag-aaral
- kahit anong gawain na sanhi ng matinding sakit, pisikal man, o sa damdamin ng isang mag-aaral
Naglalayon ang batas na ito na matulungan ang mga bata at ang kanilang magulang upang matigil na ang pambubully sa ating mga paaralan.
Ano ang dapat gawin kapag ang anak mo ay biktima ng bullying?
Heto ang mga dapat tandaan ng mga magulang kapag sa tingin nila ay biktima ng bullying ang kanilang anak:
- Ipaalam sa iyong anak na puwede siyang dumulog sa iyo kung mayroon man siyang problema.
- Wag mong sabihin sa iyong anak na kasalanan niya ang nangyari, o kaya na dapat ay may ginawa siya upang lumaban.
- Intindihin ang problema ng anak, at tulungan siyang mag-isip ng paraan kung paano mareresolba ang pangbubully sa kaniya.
- Kung kinakailangan, lumapit sa paaralan upang ireport ang insidente.
- Puwede ring kausapin mo ang bully, o kaya ang mga magulang ng bully upang maresolba ang nangyari sa iyong anak.
Kung ang anak mo naman ang bully, ito ang mga kailangan mong gawin:
- Ipaalam sa iyong anak kung ano ang bullying, at bakit ito hindi dapat ginagawa.
- Ipaunawa mo sa kaniya ang epekto nito sa ibang bata, at kung ano ang nararamdaman ng mga batang binubully nila.
- Bantayang mabuti ang mga kaibigan at barkada ng iyong anak, dahil baka napapasama siya sa mga hindi mabubuting kaibigan.
- Alamin kung biktima ng bullying ang iyong anak. May mga pagkakataon kung saan ang bully ay siya ring biktima ng bullying. Baka ito ang dahilan sa mga aksyon ng iyong anak.
- Kausapin ang iyong anak at alamin kung mayroon ba silang problema sa school. Minsan ang bullying ay epekto ng pagkakaroon nila ng emotional problem.
- Disiplinahin ang iyong anak, pero huwag silang saktan o sigawan. Mahalagang ituro sa kanila kung ano ang tama, at hindi basta parusahan dahil sa nagawang kasalanan.
Basahin: Ama, pinalakad ng 8 kilometro papuntang paaralan ang kaniyang anak na nang-bully
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!