Mahalaga sa mga magulang na laging ligtas at malayo sa gulo ang kanilang mga anak. Kaya nga, madalas ay inaalam nila ang mga paraan kung paano maiiwasan ang bullying para sa mga anak nila.
Ngunit paano kung ang anak mo mismo ang bully sa ibang mga bata? Paano ba dapat disiplinahin ang ganitong pag-uugali?
Photo by Rye Jessen on Unsplash
Paano ba didisiplinahin ang bully na anak?
Para sa isang ama, pinilit niyang maglakad ng 8 kilometro ang kaniyang 10 taong gulang na anak papuntang paaralan dahil sa ginawa nitong pambubully ng kaklase.
Ginawa itong parusa ng amang si Matt Cox, mula sa Ohio sa USA, dahil na-suspend ang anak niyang si Kirsten ng pangalawang beses sa schoolbus, dahil sa ginawa niyang pambubully sa kaklase.
Dahil walang masakyan papuntang paaralan, nagtanong si Kirsten kung puwede ba siyang ihatid ng ama. Ngunit bilang parusa, hindi pumayag si Matt, at pinilit na maglakad ang bata ng 8 kilometro para pumasok sa paaralan.
Kinuhanan ni Matt ng video ang parusa sa anak, at inupload ito sa Facebook. Aniya, mahalaga raw na maging accountable ang anak niya sa kasalanan nito, at kinailangan daw niyang matutunan ang leksyon. Mukha namang ligtas ang kaniyang anak, dahil nakasunod lang sa sasakyan si Matt habang naglalakad ang anak niya.
Panoorin dito ang video:
Hindi lahat ng magulang ay sumang-ayon sa kanya
Bagama’t para kay Matt, tama ang kaniyang napiling parusa sa anak, maraming hindi sumang-ayon sa kaniya. Ayon sa ibang netizens, baka raw masyadong malamigan ang bata dahil pinaglakad niya ng 8 kilometro ang anak niya.
Sabi naman ng iba na sobra naman daw ang parusa dahil 10 taong gulang lang daw ang bata, at hindi naman dapat pinaparusahan ng ganoong katindi.
Dagdag pa ng ibang netizen, baka raw kaya naging bully ang bata, ay dahil binubully rin ng ama ang kaniyang anak.
Ngunit mayroon din namang mga ibang netizen na magulang rin na sumang-ayon sa ginawa niyang parusa sa anak. Aniya, mahalaga raw na matutunan ng mga bata ang disiplina at matutunan din nilang mali ang pangbubully.
Paano maiiwasan ang bullying kung ang anak mo ang bully?
Madalas ay pinoproblema ng mga magulang ang pagkakaroon ng bully ng kanilang mga anak. Ngunit hindi gaanong napag-uusapan kapag ang mismong anak nila ang bully sa ibang mga bata.
Siguro ay mahirap para sa ibang magulang na tanggapin na nang-aaway o nananakit ang kanilang anak, kaya hindi ito gaanong natatalakay. Pero mahalagang alamin ng mga magulang kung paano didisplinahin ang kanilang anak na bully. Heto ang ilang mga paraan:
- Ipaalam sa iyong anak kung ano ang bullying, at bakit ito hindi dapat ginagawa.
- Ipaunawa mo sa kaniya ang epekto nito sa ibang bata, at kung ano ang nararamdaman ng mga batang binubully nila.
- Bantayang mabuti ang mga kaibigan at barkada ng iyong anak, dahil baka napapasama siya sa mga hindi mabubuting kaibigan.
- Alamin kung biktima ng bullying ang iyong anak. May mga pagkakataon kung saan ang bully ay siya ring biktima ng bullying. Baka ito ang dahilan sa mga aksyon ng iyong anak.
- Kausapin ang iyong anak at alamin kung mayroon ba silang problema sa school. Minsan ang bullying ay epekto ng pagkakaroon nila ng emotional problem.
- Disiplinahin ang iyong anak, pero huwag silang saktan o sigawan. Mahalagang ituro sa kanila kung ano ang tama, at hindi basta parusahan dahil sa nagawang kasalanan.
Source: Yahoo
Basahin: Paano disiplinahin ang iyong anak: 8 Mga bagay na dapat tandaan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!