Attempted rape, ito ang kaso ngayon ng isang lalaking gagahasain sana ang 3-buwang gulang na sanggol na babae kung hindi nalabanan ng ina ng bata.
Lalaking balak sanang gahasain ang isang 3-buwang sanggol
Mga pasa, mabuti at ito lamang ang inabot ng isang ina sa San Paulo, Brazil matapos makipagbuno sa lalaking balak sanang gahasain ang kaniyang anak.
Kuwento ng 30-anyos na ina sa isang panayam, nangyari ang insidente noong Setyembre 20 bandang alas 5:30 ng umaga. Kaaalis lang daw noon ng kaniyang mister upang magtrabaho ng marinig niya ang maiingay na tahol ng aso sa paligid ng bahay nila. May naririnig din siyang yapak ng mga paa sa loob ng kanilang bahay sa bandang sala. Dahilan upang padalhan niya agad ng voice message ang kapitbahay niya at sabihing may ibang taong nakapasok sa bahay nila.
Ang matapang na ina, tiningnan at sinilip kung sino at ano ang ginagawa ng kahina-hinalang tao sa loob ng kanilang bahay. Doon niya nakita na ang isang lalaki na wala ng saplot pang-ibaba at nakapasok na sa kuwarto ng 3-buwang gulang niyang sanggol.
Sanggol pinotrektahan ng maternal instinct ng ina mula sa attempted rape
Pagkakita nito ay agad siyang sumigaw at humingi ng tulong sa kapitbahay niya. Doon siya inatake ng lalaki upang takpan ang kaniyang bibig. Ngunit siya ay nagpumiglas at nakipagbuno rito. Upang mapigilan ito sa masama niyang plano sa kaniyang anak na babae.
“I couldn’t think about anything, it was my maternal instinct acting, I just couldn’t let him get close to my daughter.”
Ito ang pahayag ng ina na matagumpay na naitaboy ang lalaki. Sinubukan umanong tumakas nito ngunit nahuli ng mga kapitbahay niyang sumaksalolo sa paghingi niya ng tulong.
Kuwento pa ng ina, ang naturang lalaki ay sumubok din pa lang manloob sa isa sa mga bahay ng kaniyang kapitbahay ng parehong umagang iyon. Ngunit ito ay nakatakbo. Kaya naman laking pasalamat niya na sa pagkakataong iyon ito ay nahuli na.
Ang lalaki nahaharap sa kasong attempted rape matapos ang tangkang panggagasahasa nito sa sanggol.
Ang attempted rape sana na balak ng lalaking iyon sa sanggol ay hindi magaganap kung may maayos na security sa bahay nila. Kaya naman iwasang mangyari sa inyo ang insidente sa pamamagitan ng pagsisiguro na secured ang bahay at pamilya ninyo. Ito ay magagawa sa tulong ng mga sumusunod na tips at paraan.
Paano mapoprotektahan ang iyong bahay at pamilya mula sa masasamang loob
Kapag nasa loob ka ng inyong bahay
- Siguraduhing maayos ang mga lock ng inyong mga bintana at mga pinto. Gawin ito sa tuwing bago matulog o aalis ng bahay. I-check din kung may mga espasyo malapit dito na maaaring pagdaanan o pagpasukan ng kamay ng ibang tao upang mabuksan ang lock na inilagay mo.
- Kung may budget, makakatulong ang pag-iinvest sa security system o CCTV camera. Pati na rin sa mga smart locks o smart lights na connected o maaaring operate ng smartphone mo. O kaya naman ang paglalagay ng grills sa mga pinto o bintana ng inyong bahay.
- Huwag din dapat masyadong magbahagi ng impormasyon sa social media. Tulad ng mga bakasyon o oras na walang tao sa bahay ninyo. Pati na ang mga detalye tulad ng iyong address o kung saan ka nakatira. Ganoon din ang pagbabahagi ng larawan o features ng mga bahay ninyo na maaring pag-aralang pasukin ng masasamang loob.
- Alisin ang mga bahagi o gamit sa inyong bakuran na maaaring pagtaguan o paglagian ng masasamang loob. Tulad ng mayayabong na halaman o mga luma at sirang sasakyan.
- Huwag basta-basta magbubukas ng pinto sa ibang tao. Silipin muna kung sino ang kumakatok sa inyong bahay bago magbukas ng pinto. Kung hindi ninyo kilala ay huwag basta magbukas ng pinto o huwag papasukin ito.
- Ang pagkakaroon ng alagang aso ay paraan din upang mataboy ang masasamang loob. Upang mabigyan ka ng palatandaan o alarm sa oras na may nakapasok na ibang tao sa bakuran ninyo.
- Maglagay ng blinds o kurtina sa inyong mga bintana upang hindi makita ng mga tao sa labas ang loob ng bahay ninyo pati na ang mga mahahalagang gamit dito.
- Siguraduhing nakatago sa lugar na hindi agad mahahanap ng ibang tao ang mahahalagang gamit sa bahay ninyo.
Sa tuwing walang tao sa inyong bahay
- Kung aalis ng bahay ng ilang araw ay pagmukhain paring may tao rito. Buksan ang mga ilaw sa loob ng bahay o kausapin ang iyong kapitbahay na sa harap ng inyong bahay mag-park.
- Makakatulong din ang pagbuo ng neighbor watch system. Ito ang sistema na kung saan magtutulong-tulong kayo ng iyong mga kapitbahay sa pagsisiguro ng security sa mga bakuran ninyo. Sa ganitong paraan ay mababantayan ng iyong kapitbahay ang bahay ninyo sa oras na walang tao rito. Agad kang makakahingi ng tulong sa kanila sa oras na may mangyaring hindi inaasahan sa loob ng bahay ninyo.
Hindi mo mapagsasabihan ang masasamang loob ng tumigil sa kanilang mga ginagawa. Ngunit mapipigilan mo sila na gawin ito sa pamamagitan ng mga paraan na poprotekta sayo at pamilya mo.
SOURCE:
Safewise, Mirror UK
BASAHIN:
Mga gastusin na dapat paghandaan bago bumukod ng bahay
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!