Awra Briguela kalilipat lang sa bago nilang bahay. Sa bata niyang edad, Awra ibinahaging nakapag-ipon at may investments na. Masaya ring ibinahagi ni Awra ang malaki at supportive niyang pamilya.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paano pinalaki si Awra Briguela ng kaniyang ama.
- Mga aral mula sa pamilya ni Awra Briguela.
Awra Briguela tanggap at suportado ng kaniyang ama
Image from ABS-CBN
Nakilala si Awra Briguela bilang si Makmak sa teleseryeng “Ang Probinsyano” ng ABS-CBN. Ang nakakatuwa niyang role at personalidad sa naturang palabas ay hindi lang basta pag-arte. Sapagkat si Awra, isang proud gay na pagbabahagi niya ay dahil sa suporta ng kaniyang pamilya, partikular na ang kaniyang ama.
Sa isang panayam sa kaniya ng kilalang news anchor na si Karen Davila sa vlog nito ay ibinahagi ni Awra at kaniyang amang si Oneal Brian ang kakaiba nilang bonding at pagsasama.
Dahil hindi tulad ng iba, si Awra ay suportado ng ama pagdating sa gender preference niya. Katunayan ay hindi lang si Awra ang gay sa pamilya nila. Ang kaniyang kapatid na si Brion na sumunod sa kaniya ay isang proud gay din.
Kuwento ng ama ni Awra, 3 years old palang ito ay nararamdaman niya ng gay ang anak. Dahil umano sa mas gusto nito ang maglaro ng Barbie doll ng ate niya kaysa maglaro ng bola at iba pang laruan na kinahihiligan ng ibang batang lalaki. Pero imbis na magalit ay maagang tinanggap si Awra ng kaniyang ama.
“Noong naramdaman ko po na ganoon siya, tinanggap ko na po sa sarili ko. Kasi kung hindi ko po matatanggap, papaano pa ‘yong ibang tao?”
“‘Yong sakin naman po ano , kung saan masaya ‘yong anak ko, doon po ako masaya.”
Ito ang nasabi ng ama ni Awra na si Oneal Brian Briguela sa naging panayam sa kaniya ni Karen Davila.
Kuwento ni Awra, super thankful siya sa ama. Dahil ni kahit minsan umano ay hindi ipinaramdam nito na ikinahihiya siya bagkus ay very proud pa nga daw ito at ipinagmamalaki siya sa lahat ng tao.
“Hindi niya po ako ikinakahiya sa ibang tao lalo na po sa mga tropa o kaibigan niya. Bininbida niya pa po kaming magkapatid. Proud siya na may anak siyang gay.”
Ito ang sabi ni Awra.
BASAHIN:
Vicki Belo ayaw maging spoiled si Scarlet—”Ayoko ibigay lahat kasi hindi nakakatulong talaga”
Ogie Diaz: “Mas bakla ‘yong mga hindi humaharap sa responsibilidad”
11 Positibong kataga para sa mga batang ayaw makinig
Mga aral mula sa ama at pamilya ni Awra
Image from YouTube video
Sa kanilang bagong lipat na bahay ay kasama ni Awra ang ama at bagong kinakasama nito. Dahil ilang taon na rin ang nakalilipas ng tuluyang maghiwalay na ang mga magulang nila.
Kuwento ni Awra sa ngayon ay maayos naman ang relasyon ng kaniyang ama at ina kahit ang mga ito ay hiwalay na. Pagbabahagi pa niya, ay napatawad na ng ama ang ina sa nagawa nitong pagkakamali.
Isang aral umano ito na lagi ring pinapaalala sa kaniya ng ama lalo na sa tuwing may namba-bash o nanakit kay Awra sa career na tinahak niya. Dahil sabi ng ama ni Awra ang taong mapagkumbaba ay siya raw inaangat ng Diyos.
“Patawarin mo. Kasi sila hindi ka nila kayang tingnan sa mata. Ikaw kaya mo silang tingnan na nakataas pa ang ulo mo.”
Ito umano ay isa sa mga aral na itinuro ng ama ni Awra sa kaniya.
Maliban dito, ang ama rin umano ni Awra ang nagpursige na magkaroon ng savings at investment ang aktor. Proud niyang pagbabahagi ay natapos niya na kamakailan lang ang 1 million worth of life insurance niya. Siya rin ay may trust fund na at may savings mula sa mga perang kinita niya sa pag-aartista.
Awra tinulungan ang ama na makatapos sa pag-aaral sa kolehiyo
Kung may isa pang bagay nga raw na hinahangaan at proud si Awra sa kaniyang ama ay ang pagpursige nito na makatapos ng pag-aaral sa edad na 32-anyos.
Sa mga naunang panayam ay ibinahagi ng ama ni Awra na ang pagtatapos niya ng kolehiyo ay dahil sa anak niyang si Awra. Ito daw ang nag-finance ng pag-aaral niya.
Taong 2019 ng maka-graduate ang ama ni Awra sa 4 year course na pinili niya. Si Awra isa daw sa umakyat stage para saksihan ang pag-abot ng ama ng diploma at maka-graduate na.
“Gustong-gusto po kasi ni Papa bumalik sa pag-aaral. Kasi gusto niya ipakita sa amin na kahit anong edad mo pa puwede kang bumalik sa pag-aaral anytime. At gusto niyang panatunayan samin na sobrang halaga talaga ng pag-aaral.”
Ito ang proud na pagkukuwento ni Awra sa ama at sa mga aral na itinuturo nito sa kaniya.
Source:
Karen Davila’s YouTube Channel
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!