Gusto kong ibahagi ang karanasan ko sa aking anak noong siya ay ayaw na uminom ng gatas na formula at ano ang ipinalit ko dito.
Unexpected ito for me dahil naalalala ko pa ngang nag-eenjoy siya noong tinuturuan ko siya kung paano magtimpla ng milk niya.
28 months old ang anak ko nang pinalitan ko ang gatas niya dahil napansin kong medyo matamis ‘yong dati niyang gatas. Naengganyo din ako sa claim ng brand na ito ay no added sugar. Pinainom ko ito sa kanya at nagustuhan din naman niya.
Pumasyal kami sa kapatid ko at marami silang stock ng gatas kaya sabi niya, ‘yon na muna ang ipainom ko. Okay lang naman din dahil same brand lang naman sa dating gatas ng anak ko.
After 2 weeks, umuwi na kami sa amin na may dala-dala pang pabaon ng parehong gatas.
Iniinom niya pa din ito pero hindi na nauubos gaya ng dati. kaya napagpasiyahan kong ibalik na siya sa dating brand pero chocolate flavor na.
Kala ko magugustuhan niya pero nangalahati lang sa baso ‘yong naubos niya. Nilimitahan ko din ang pag-inom niya ng mga flavored drinks pero ganun pa rin.
Senyales na ayaw na sa gatas ng anak ko
Ito ang mga nakita at napansin kong senyales sa anak ko noong ayaw na niyang uminom ng gatas:
Hindi na nauubos
Kabisado ko ‘yong anak ko laging simot ang baso niya pag iinom ng gata. Pero napansin ko lagi nang may natitira at minsan parang tinitikman lang.
Tuwang-tuwa pa nga noon ‘yong ibang nakakakita sa kanya dahil dire-diretso talaga siya kung uminom.
Tumatanggi na tuwing inaalok ng gatas
Dahil nga napansin ko na hindi naman niya inuubos, nanghinayang na ako timplahan siya ulit. Kaya tinatanong ko na siya kung gusto ba niya pero umaayaw na din siya.
Hindi na humihingi
Dati rati, mapapabalikwas pa ko sa gabi kapag gusto niyang uminom ng gatas dahil syempre kailangan ko siyang timplahan. Pero ngayon, wala na ito sa bokabularyo niya.
Substitute sa formula milk
Marahil problema ng ilan sa ating mga nanay minsan ang pambili ng gatas. Kaya hindi ko alam kung anong mararamdaman ko dahil huminto na nga siya ng kusa.
Matutuwa ba ako dahil nakamenos kami sa gastusin, o malulungkot dahil baka mangayayat siya at makaapekto ito sa kalusugan niya?
Gayunpaman, sinimulan ko na din pala siyang ipurga noon galing sa reseta ng pediatrician niya para lalo akong mapanatag.
At siyempre naghanap din ako ng alternative para naman kahit papaano bago siya matulog ay may iinumin pa din siya na parte na rin ng night routine niya.
‘Yon ay ang full cream milk pero sanay kami na tawag dito ay fresh milk. Nagustuhan niya ito at tuwang tuwa pa dahil malamig ito kumpara sa dating gatas na maligamgam kung inumin.
Siya na mismo ang nagpapaalala sa akin sa gabi, “Mommy inom na ako fresh milk.” Kaya naman alam ko na totoong nagustuhan niya.
Sa ngayon ay 32 months old na siya. Aktibo at madaldal pa din siyang bata. Minsan malakas kumain, minsan sakto lang, pero sinisiguro ko na nakakakain siya ng gulay, isda, karne at prutas.
Ang naging advantage nito sa kanya ay hindi na siya laging constipated at mas nahilig na siya kumain at wala naman ako napansing disadvantage.
Nagulat ako dahil habang nagri-research ako ay may nakita akong post ng isang Mommy from 7 years ago na humihingi din ng advice na kapareho ng sa akin. Ayaw na dumede ng anak niyang 2 and a half years old.
BASAHIN:
Proper storage of breastmilk: A Breastfeeding Pinay Nanay’s Guide
Mom Confession: “Naging pabaya akong nanay dahil inuna ko ang aking trabaho.”
Payo sa ibang mommies
Nagbasa pa ako ng ilang reaksyon mula sa mga mommies. At naka-relate din talaga ako sakanila tulad ng nakailang palit na sila ng brand pero ayaw pa din. Pinalitan ng chocolate variant pero ayaw pa din.
May nagsabi din na ayos lang daw ito basta ba malakas kumain ng solid food ang bata. ‘Yong iba naman sinabing sana daw ay ganun din ang anak nila dahil ang kaniya ay 7 years old na pero gusto pa din sa gatas.
Karaniwang reaksyon nating mga nanay ay hangga’t wala tayong kaparehong sitwasyon ay iniisip nating hindi ito normal. Hanggang sa makahanap tayo ng mga kapareho natin tsaka natin masasabing normal lang pala.
But of course it doesn’t apply to all situations because some things related to our child has to be consulted to the health professionals.
Sa case ng anak ko, napatunayan ko naman na normal phase lang ito para sa kanya at masaya ako dahil napagtagumpayan niya ito.