Anong dapat gawin at paano maiiwasan ang bulok na ngipin ng bata? Alamin rito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Kwento ng batang binunutang ng 18 ngipin dahil sa tooth decay
- Bakit nagkakaroon ng bulok na ngipin ang bata?
- Tamang pangangalaga sa ngipin ng bata
Gustung-gusto nating nasisilayan ang magagandang ngiti ng ating mga anak. Senyales kasi ito na sila ay malusog at masaya. Subalit paano kung sa kanilang pagngiti, napansin mo na mayroong itim at mga bungi sa kaniyang ngipin?
Ano nga ba ang dapat gawin sa bulok na ngipin ng bata?
Ang dental health ng mga bata ay karaniwang hindi nabibigyang-pansin. Madalas ay iniisip ng ilang mga magulang na okay lang mapabayaan dahil tutubuan rin naman sila ng permanent teeth.
Ngunit hindi biro ang panganib at sakit na mangyayari kapag mayroon nang bulok na ngipin ang bata.
4-anyos na bata, binunutan ng 18 bulok na ngipin
Kapag nagdede ang ating anak gamit ang kanilang baby bottle, minsan ay hinahayaan na lang sila ng mga magulang na matulog nang nakasubo pa ang kanilang dede sa kanilang bibig. Ayaw kasi nilang maabala ang pagtulog nito kapag tinanggal ang bote.
Subalit mali ang gawaing ito dahil bukod sa maaaring mabulunan at ma-choke ang bata sa kaniyang gatas, magkakaroon pa siya ng tooth decay.
Noong 2018, ibinahagi ng isang dentista sa Thailand ang nangyari sa isa niyang pasyente sa Facebook. Kuwento niya, kinailangan raw niyang bunutan ng 18 ngipin ang isang 4 na taong gulang na bata. Ito ay dahil nabubulok na ang ngipin ng bata, at malala na ang kaniyang tooth decay.
Napag-alaman niyang hindi raw madalas magsipilyo ang bata, at madalas pa raw itong natutulog na subo ang kaniyang dede. Dahil sa kombinasyong ito, mabilis na nabulok ang ngipin ng bata, dahilan para siya ay bunutan ng ganoon karaming ngipin.
Dagdag pa ng dentista, naaawa raw siya sa bata dahil 2 ngipin na lang ang natira matapos ang operasyon. Ibig sabihin rin nito na mahihirapan siyang kumain dahil matagal-tagal pa bago tumubo ang kaniyang permanent o adult teeth.
Aniya, hindi lang naman raw ito kasalanan ng magulang. Maraming bagay ang posibleng maging dahilan ng tooth decay, at nakakaapekto rin daw dito ang paglalaway ng bata.
Gayunpaman, mahalaga raw na huwag kalimutan ng mga magulang na turuang magsipilyo ang kanilang mga anak. At huwag rin hayaan na makatulog silang mayroong subo na dede, lalong-lalo na kung gatas ang laman nito dahil hindi ito mabuti sa kanilang ngipin.
Milk bottle tooth decay
Ang nangyari sa batang binunutan ng 18 ngipin ay isang matinding kaso ng milk bottle tooth decay.
Ang milk bottle tooth decay kung tawagin ay isang uri ng tooth decay kung saan nasisira ng mga matatamis na inumin ang ngipin ng isang bata. Hindi lamang ito limitado sa gatas, dahil posible rin ito mangyari sa ibang matamis na inumin. Ngunit madalas kasi ay gatas ang pangunahing dahilan nito, kaya’t ito ang naging pangalan.
Hindi ito dapat balewalain ng mga magulang dahil kahit baby teeth ay kailangang alagaan. Ito ay dahil napakasakit ang pagkakaroon ng tooth decay, at mahihirapan ring kumain ang mga bata na mayroong ganitong kondisyon.
Bukod dito, importante rin na habang maaga ay matuto na ng healthy habits ang mga bata pagdating sa kanilang dental hygiene.
Development ng ngipin ng mga bata
Para malaman kung ano ang tamang paraan ng pangangalaga sa ngipin ng bata, mas mabuting malaman ang panahon ng pagtubo ng kaniyang ngipin.
Ayon sa website na Healthy Children.org, narito ang ilang bagay na dapat tandaan ng mga magulang pagdating sa development ng ngipin ng mga bata.
-
Karamihan ng mga sanggol ay tinutubuan ng ngipin sa pagitan ng 6 at 12 na buwan.
Magkakaiba naman ang bawat bata pagdating sa oras ng pagtubo ng kanilang mga ngipin. May mga batang 5 buwan pa lang ay may ngipin na, pero mayroon rin naman na walang pang ngipin pagdating ng kanilang first birthday.
Pagdating ng kanilang ikatlong buwan, nagsisimula nang mag-explore si baby gamit ang kaniyang bibig at dumarami na ang kanilang laway.
Pag-aakala ng ibang magulang, ito na ang panahong nagngingipin si baby. Subalit kadalasan ay lumalabas ang unang ngipin pagdating ni baby ng 6 na buwan.
Madalas, sa ibabang gilagid makikita ang unang ngipin ni baby. Tuluy-tuloy na rin ang pagtubo nito hanggang sa makumpleto na nila ang lahat ng kanilang ngipin, kadalasan, sa edad na 3.
-
Maaaring makaramdam ng sakit o discomfort ang sanggol kapag nagsimula na siyang magngipin.
Mas dumarami rin ang kanilang laway. Paniniwala ng matatanda, ang pagngingipin ay isang posibleng dahilan kung bakit nagkakasakit si baby. Subalit pinabulaanan ito ng mga eksperto.
Maaaring tumaas nang bahagya ang temperature ng katawan ng bata, pero hindi ito sapat na dahilan para siya ay lagnatin. Kapag nakaranas ng lagnat o pagtatae ang iyong baby, huwag balewalain sa pag-aakalang nagngingipin lang siya. Tumawag agad sa inyong pediatrician.
Tanungin rin ang doktor ng bata kung ano ang mainam na paraan para mawala ang discomfort na nararamdaman kapag nagngingipin.
-
Dapat ay nabibigyan na si baby ng fluoride pagdating ng 6 n buwan.
Ang fluoride ay isang mineral na nakakatulong upang makaiwas sa tooth decay sa pamamagitan ng pagpapatigas ng enamel ng ating ngipin. Sa ibang bansa, ang tubig na kanilang iniinom ay mayroon nang fluoride. Kaya naman ipinapayo na kapag nagsimula nang kumain ng solid food si baby, painumin siya ng tubig pagkatapos kumain (Paalala: ang mga sanggol na 6 na buwan pababa ay hindi dapat bigyan ng tubig).
-
Kapag tumubo na ang ngipin ng bata, dapat na siyang mag-toothbrush.
Sa oras na lumabas na ang unang ngipin ni baby, dapat ay simulan na silang sipilyuhan ng may bahid ng fluoride toothpaste (kasing laki lang ng isang butil ng kanin) lalo na pagkatapos nilang kumain at bago matulog sa gabi.
Muli, huwag hayaang nakadede pa si baby kapag tulog na siya dahil ito ay magdudulot ng tooth decay.
Ayon sa American Academy of Pediatrics (AAP), American Dental Association (ADA), at American Academy of Pediatric Dentistry (AAPD), pagdating ng iyong anak sa edad na 3, dapat dagdagan na ang toothpaste na ginagamit niya. Mula sa smear, dapat ay pea-sized amount na ng fluoride toothpaste ang ilagay na sa toothbrush ng bata.
Kapag kaya na niya, turuan rin siyang dumura at magmumog. Mas makakabuti kung ikaw ang maglalagay ng toothpaste sa toothbrush ng iyong anak hanggang edad 6.
Bagamat kaya na niya, dapat ay bantayan pa rin ang pagsisipilyo ng bata hanggang sa edad na 7 o 8 para masigurong ginagawa niya ito nang tama.
Kung kaya na niyang isulat ang pangalan niya, ibig-sabihin ay kayang kaya na rin niyang magsipilyo.
-
Dapat ay bumisita na rin sa dentista ang bata kapag may ngipin na siya.
Mas mabuti kung kokonsulta na sa dentista si baby bagong dumating ang kaniyang 1st birthday. Ito ay para masigurong tumutubo nang maayos ang ngipin ng bata at walang dental problems.
Makakapagbigay rin siya ng payo sa tamang paraan ng pangangalaga sa ngipin ng iyong anak. Mas maganda kung pediatric dentist ang titingin sa ngipin ni baby dahil siya ay espesyalista pagdating sa ngipin ng mga bata.
Tandaan, bagamat hindi ito ang permanenteng ngipin niya, dapat ay pangalagaan pa rin ang baby teeth para maiwasan ang tooth decay at anumang problema sa ngipin ng iyong anak.
BASAHIN:
TAP Recommends: 5 Toothpaste brands para sa bata na panlaban sa tooth decay
Iba pang sanhi ng bulok na ngipin ng bata
Mula sa pagkakaroon ng malinis na ngipin, bakit nga ba nabubulok at nasisira ang ngipin ng bata?
Kadalasan nagsisimula ang tooth decay kapag ang ngipin ni baby ay ma-infect ng bacteria o mga dumi.
Alam mo ba na maaari mo pala itong mapasa sa iyong anak sa pamamagitan ng iyong laway? Isang halimbawa ay kapag naghahati kayo ng kutsara o baso, kapag tinitikman mo ang pagkain ni baby bago ito isubo sa kaniya, at paglilinis ng kaniyang pacifier gamit ang iyong bibig.
Gaya ng kuwento sa itaas, nagkakaroon rin ng tooth decay ang bata kapag ang kaniyang ngipin at gilagid o gums ay na-expose sa anumang inumin (maliban sa tubig) o pagkain ng mahabang oras. Ang mga natural o added sugars sa inumin o pagkain ay nagiging acid pagdating sa ating bibig. At ang acid na ito ang sumisira sa ating mga ngipin.
Ang pinakakaraniwang paraan na nangyayari ito ay kapag hinahayaan nga ang bata na magdede, o uminom ng anumang inumin na may added sugar habang natutulog o bago matulog sa gabi.
Taliwas sa kaalaman ng marami, hindi pala dapat pinapainom ng gatas ang bata bago matulog. Dapat raw ay i-offer ito kasabay ng kaniyang meals.
At bagamat nakakatulong ang breastfeeding para maging mas matibay ang ngipin ng isang bata, dapat ay siguruhin pa rin ang tamang oral hygiene sa mga dumededeng sanggol.
Senyales ng tooth decay sa mga bata
Maaaring hindi agad mapansin ang pagkasira sa ngipin ng isang bata, dahil lalabas ito bilang mga puting spots sa kanilang ngipin. Kaya naman kailangang makita agad ng dentista ang ngipin ng iyong anak para maiwasang kumalat ang tooth decay at hindi na dumami ang bulok na ngipin ng bata.
Kapag nangingitim na ang gilid ng ngipin ng iyong anak at may kasama nang pangingilo o pananakit, maaaring senyales ito na malala na ang tooth decay na nangyayari. Sa mga ganitong kaso, kailangang bunutin ang sirang ngipin upang hindi na kumalat ang bacteria sa iba pa.
Tamang pangangalaga ng ngipin ng bata
Kaya naman habang maaga, dapat ay matutunan talagang pangalagaan ang ngipin ng iyong anak at maagapan ang anumang pagkasira.
Narito ang ilang paraan ng tamang pangangalaga sa ngipin ng bata:
- Huwag hayaang makatulog ang mga bata na mayroong dede o bote sa bibig.
- Ugaliing turuan sila na magsipilyo matapos kumain.
- Hangga’t maaari, painumin sila ng tubig pagktapos uminom ng gatas o ng matamis na inumin.
- Iwasan ang pagbibigay sa kanila ng mga matatamis na inumin at pagkain.
- Turuan rin sila na gumamit ng dental floss upang malinis pati ang mga singit-singit ng kanilang ngipin.
- Sa toothpaste na gagamitin, siguraduhin na kapag maliit pa si baby ay walang flouride ang toothpaste.
- Kapag mas matanda na ang iyong anak, puwede na siyang bigyan ng flouride toothpaste para tumibay ang ngipin.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source: Asia One, Healthy Children.org
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.