5-week-old baby na niyugyog dahil ayaw tumahan, nagkaroon ng brain injury

Bukod sa pagkakaroon ng shaken baby syndrome ay nakakaranas rin ng matinding takot, at developmental delays ang sanggol dahil sa nangyari.

Sanggol nagkaroon ng cerebral palsy dahil sa shaken baby syndrome.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Epekto ng shaken baby syndrome sa kalusugan ng isang sanggol.
  • Ang mga dapat malaman tungkol sa shaken baby syndrome.

Sanggol, nagkaroon ng shaken baby syndrome

Photo by Ryutaro Tsukata from Pexels

Isang 5-week-old baby mula sa Australia ang nagkaroon ng matinding pinsala sa utak dulot ng shaken baby syndrome. Ang kondisyon natamo ng sanggol matapos siyang alug-alugin ng kaniyang ama.

Ayon mismo sa pahayag ng suspek na si James Tipene, 33-anyos, nagawa niya umano alug-alugin ang sanggol upang mapatahan ito sa pag-iyak. Dahil paniniwala niya ang pagiging iyakin ay hindi gawain ng isang lalaki.

Kaya naman inalog-alog niya ito para umano tumapang ang sanggol at maging isang “warrior”. Ang kaniyang pag-alog ay naging malakas na laking gulat niya na bigla nalang nawalan ng malay ang sanggol.

Nang mawalan ng malay ang sanggol at saglit na tumigil ang paghinga nito ay agad umanong ginising ni Tipene ang ina nito. Nagsagawa siya ng CPR sa sanggol habang hinihintay na dumating ang emergency response team na tinawagan niya.

Epekto ng marahas na pagkakaalog sa sanggol

Noon una ay itinago ng suspek ang totoong nangyari sa naturang insidente. Pahayag niya ay natagpuan lang niyang nakaratay ang sanggol sa kama.

Matapos ang tatlong buwan ay umamin ang suspek sa nagawang krimen habang kinakausap ng mga pulis. Aniya, hindi raw niya mapigilan ang kaniyang sarili, at ginawa na lang basta ang krimen.

Bunsod sa kaniyang ginawa nakaranas ng pagdurugo sa utak ang sanggol. Nagkaroon din ito ng spinal injuries at pagdurugo sa retina sa kaniyang mata.

Dahil sa nangyari, ang sanggol ay nagkaroon ng neurological problems. Siya ay na-diagnosed na may cerebral palsy. Hindi siya makagapang o makalakad. Ayon pa sa mga doktor na tumingin sa sanggol, ito ay makakaranas ng developmental delay sa buong buhay niya.

Bukod dito, naging magugulatin at matatakutin rin umano sa tao ang sanggol na posibleng nagkaroon ng trauma dahil sa nangyari.

Para kahit papaano ay mabawasan ang lala ng epekto ng insidente sa kalusugan ng sanggol ay sumailalim ito sa occupational therapy.

Regular ding chini-check at ina-assess ang kondisyon nito. Bagamat ayon sa doktor, mataas ang tiyansa na mabulunan at mabilaukan ang sanggol sa tuwing kumakain o umiinom.

Ama ng sanggol kulong dahil sa nangyari

Base sa imbestigasyon at naging desisyon sa ginawang paglilitis sa krimen, si Tipene ay nahatulan na makulong ng pitong taon at 3 buwan. Dahil ayon sa husgado ay nabigo itong gampanan ang core duty bilang isang magulang na alaagaan at protektahan ang kaniyang anak.

Ang insidente ay naganap sa Melbourne, Australia. Ayon pa sa mga korte, maaring ma-deport pabalik sa New Zealand si Tipene sa oras na matapos na ang sentensya niya.

Ano ang shaken baby syndrome?

Image from BizGlob

Ang shaken baby syndrome ay ang nangyayari kapag naaalog ang baby ng marahas. Nagiging sanhi ito ng brain injury na pumapatay sa brain cells ng baby at hinahadlangan ang pagdaloy ng sapat na oxygen sa utak ng bata.

Ang kondisyon ay tinatawag ring abusive head trauma, shaken impact syndrome, at whiplash shake syndrome. Ito ay itinuturing na isang uri ng child abuse dahil sa ito ay nagdudulot ng severe brain damage sa isang sanggol.

Ang kondisyon maaaring agarang ikamatay ng sanggol o kaya naman ay magdulot ng permanenteng damage o disabilities sa kaniyang katawan.

Ang isang sanggol na nakakanas ng kondisyon na ito ay maaaring magpakita ng mga sumusunod na sintomas:

  • iritable o hindi mapatahan
  • antukin
  • hindi makahinga ng maayos
  • mahina dumede o kumain
  • nagsusuka
  • namumutla o medyo blue ang kulay
  • seizures
  • paralysis
  • coma
  • hirap na makatulog
  • imboluntaryong panginginig ng katawan

Hindi parating madaling makita ang mga sintomas ng kondisyon na ito, mas lalo na’t hindi ito makikita sa katawan ng baby. Minsan, mayroong pasa ang muha.

Ang mga nasabing sintomas ay maaaring magbigay ng clue sa pinsalang natamo ng baby. Maaari itong magkaroon ng pagdurugo sa utak, pagdurugo sa mata, pinsala sa spinal cord, at fracture sa ribs, bungo, legs o ibang buto.

Karamihan sa mga bata na may ganitong kondisyon ay nakaranas na dati ng child abuse.

Mayroong mga kaso ng shaken baby syndrome ngunit mild lang ito. Ibig sabihin, maaaring mukhang normal ang bata matapos itong maalog ng marahas ngunit kapag lumaon ay magde-develop ito ng health o behavioral problems.

Paano natutukoy kung may shaken baby syndrome ang isang sanggol

Photo by Sunvani Hoàng from Pexels

Ang shaken baby syndrome ay resulta ng malakas o galit na pag-alog sa sanggol na maaring dahil sa hirap itong mapatahan. Dahil sa mahina pa ang kaniyang leeg, hindi pa nito kayang suportahan ang kaniyang ulo.

Kaya naman maaalog ng maaalog ito ng hindi kontrolado, ganoon din ang utak na nasa loob nito. Ang resulta ang utak ng sanggol ay maaaring mamaga, magdugo at ma-damage na magdudulot ng epekto sa buo niyang katawan.

Sa tulong ng MRI scan, CT scan, skeletal X-ray at ophthalmic exam ay matutukoy kung may injuries sa ulo ang isang sanggol. Siya ay sasailalim din sa blood test para matukoy kung ang sintomas na ipinapakita niya ay hindi ba palatandaan ng sakit sa dugo.

Dahil ang sintomas ng shaken baby syndrome ay kahalintulad ng mga sintomas ng mga bleeding disorders at iba pang genetic disorders.

Mahalagang sa oras na magpakita ng sintomas ng shaken baby syndrome ang sanggol ay dalhin agad ito sa doktor. Ngunit sa oras na siya ay magpakita ng hirap sa paghinga matapos maalog ng malakas dapat ay mabigyan siya agad ng CPR o rescue breaths.

Paano ito malulunasan?

Sa ngayon ay wala pang gamot sa shaken baby syndrome. Ang brain damage na naidudulot nito ay itinuturing na irreversible at magdudulot ng mga sumusunod na permanenteng kondisyon.

  • permanent vision loss (partial o total)
  • hearing loss
  • seizure disorders
  • development delays
  • intellectual disabilities
  • cerebral palsy

Kaya naman paalala ng mga eksperto, iwasang alugin ng marahas ang sanggol. Kung galit o stress ay mabuting huwag munang hawakan ang sanggol at saglit na humingi ng tulong sa iba sa pag-aalaga rito.

BASAHIN:

Shaken Baby Syndrome: Kung bakit hindi dapat inaalog nang marahas ang baby

7 parenting mistakes kaya madali kang nagagalit sa anak mo

3 paraan para humaba ang pasensya kapag makulit ang anak

Tips kung paano pahahabain ang pasensya sa pag-aalaga ng bata

Photo by Sarah Chai from Pexels

Para humaba ang iyong pasensya sa pag-aalaga ng sanggol o bata ay narito ang ilang tips na maaaring gawin.

1. Lumayo muna sa iyong baby o sanggol sa oras na ikaw ay nakakaramdam na ng galit o kawalan ng pasensya sa mga nangyayari.

Hangga’t maari ay pigilan ang iyong sarili na gumawa ng kahit anong makakasama sa iyong anak. Subukang kumalma muna bago lumapit sa kaniya. Saglit na lumayo upang maiwasan mong masigawan o mapagbalingan ng galit ang iyong anak.

Para matulungang pakalmahin ang iyong sarili ay paulit-ulit na humihinga ng malalim. Sa pamamagitan nito ay bababa ang emosyon mong nadarama.

“If you’re able, take a time-out and walk into another room, even if it’s just for a minute or two.”

Ito ang payo ng psychologist na si Laura J. Petracek.

2. Isaisip na very sensitive pa ang iyong anak at wala pa itong alam sa mga nangyayari.

Laging isaisip na ang iyong baby ay very sensitive pa at siya ay nangangailangan pa ng maingat na pangangalaga. Sa pamamagitan nito ay maaaring mabago ang iyong mood at mapa-kalma ang galit na iyong nadarama.

3. Ikanta ang gusto mong sabihin sa iyong anak.

Bagamat kakatwa kung iisipin, ngunit ang pagkanta ng gusto mong sabihin sa iyong anak ay nakakawala ng galit o emosyon na nararamdaman mo. Pupukawin din ng style na ito ang interes ng anak mo. Ang resulta nito sa maliliit na bata, siya ay makikinig sa bawat sasabihin mo.

4. Magkaroon ng oras o break para sa iyong sarili.

Para mabawasan ang iyong iniisip ay dapat bigyan mo ng oras o break ang iyong sarili. Ito ay upang mas maging maaliwalas ang iyong pag-iisip at maiwasan na ikaw ay agad na nagagalit.

5. Magkaroon ng sapat na tulog at kumain sa tamang oras.

Ayon sa mga eksperto, isa sa madalas na dahilan kung bakit nagiging mainitin ang ulo o maikli ang pasensya ng isang tao ay dahil sa pagod, puyat o gutom.

Kaya naman panatalihing kalmado ang isip mo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na tulog o pahinga at pagkain ng mga masusustansya.

6. Humingi ng tulong sa iba kung kinakailangan.

Makakatulong rin ang paghingi ng tulong o pakikipag-usap sa iba upang mas humaba ang iyong pasensya. Mas mainam kung ang mga kakausapin mo ay mga magulang na nakaranas rin ng parehong sitwasyon.

Humingi rin ng tulong sa kapamilya o iyong asawa sa pag-aalaga ng iyong anak. Upang ikaw ay makapagpahinga at makapag-relax.

 

Source:

SBS, Psychology Today, The Age, DailyMail UK, Mayo Clinic

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara