Baby wipes banned in Baguio, may masamang epekto umano sa kalusugan.
Baby wipes banned in Baguio
May anim na brands ng baby wipes ang ipinagbabawal na ngayon sa Baguio City. Ito ang nakasaad sa pinakabagong ordinansang nilagdaan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong nito lamang Enero 28. Ang balita tungkol sa bagong ordinansa ipinaalam sa publiko sa pamamagitan ng official Facebook page ng Sangguniang Panlungsod ng Baguio.
May taglay itong harmful ingredients
Ayon sa Facebook post, ang mga ipinagbabawal na baby wipes ay may taglay umanong “hamful ingredients” na nakakasama sa kalusugan ng mga gumagamit nito. Partikular na sa mga baby na pangunahing target market ng nasabing produkto.
Ito ay base umano sa warning na inilabas ng EcoWaste Coalition.
Ayon sa environmental group, ang mga ipinagbabawal na baby wipes ay nagtataglay ng mga preservatives na kung tawagin ay methylchloroisothiazolinone at methylisothiazolinone (MCI/MIT). Ito ay uri ng chemical compounds na maaring magdulot ng skin allergies o allergic contact dermatitis. Ang pangunahing sintomas ng kondisyon na ito ay rashes o lesions sa balat.
Nagtataglay din ito ng kemikal na kung tawagin ay iodopropynyl butylcarbamate o IPBC. Ito ay kabilang umano sa carbamate family ng mga biocides na maaring pumasok sa balat ng mga infants at magdulot ng adverse effect sa functions ng kanilang thyroid gland. Ito ay ayon sa isang product alert na inilabas ng European Union patungkol sa mga baby wipes na nagtataglay ng kemikal.
Mga ipinagbabawal na baby wipes brands
Ang anim na brands ng baby wipes banned in Baguio ay ang sumusunod:
- Dong Bang
- Dong Bang Yao Baby Tender
- Family Treasure Baby Tender
- Sky Fire Baby Tender
- Giggley Baby Wipes
- Super Soft Skin Care Wet Towel.
Ang mga nasabing baby wipes ay nabibili umano sa mga groceries at supermarkets sa siyudad. Kaya naman mahigpit nilang ipapatupad ang ordinansa upang matigilan na ang pagbebenta nito.
“Some of these baby wipes/products were found to be sold at the city’s grocery stores, black market, supermarkets, and convenience stores; and the continued sale of these products supposedly for hygiene is disturbing.”
Ito ang pahayag na nakasaad sa ordinansa.
Pagpapatupad ng ordinansa
Para naman maayos na maipatupad ang ordinansa ay magtutulungan ang City Health Services Office (CHSO), Public Order and Safety Division (POSD) at mga barangay official ng lungsod ng Baguio. Sila ay magsasagawa ng inspeksyon sa mga establisyementong naiulat na nagbebenta nito. At saka nila ito kumpiskahin upang mai-dispose at hindi na muling mabenta pa.
Image from Unsplash
Ang sinumang hindi sumunod sa bagong ordinansa ay maaring makatanggap ng sumusunod na parusa:
1st offense: Multa na P1,000.00 at agarang pagsasara ng negosyo sa mga walang business permit.
2nd offense: Multa na P3,000.00 at pagsasara ng negosyo para sa mga walang business permit.
3rd offense: P5,000.00 at hindi na papayagan pang mag-renew ng kanilang business permit.
Samantala, ang sinumang indibidwal o establisyemento na kusang isusuko ang mga banned na baby wipes ay hindi makakatanggap ng anumang parusa.
Dagdag na paalala ng Ecowaste Coalition
May dagdag namang paalala si Thony Dizon, Chemical Safety Campaigner ng EcoWaste Coalition para sa mga mamimili at gumagamit ng baby wipes products.
“Consumers should carefully read the product labels, avoid wipes containing MCI/MIT and IPBC and shun those that have not been assessed by health authorities for their quality and safety.”
Ito ang pahayag ni Dizon. Dagdag pa niya ay hindi dapat i-flush sa inidoro ang mga baby wipes. At hindi rin daw dapat itapon ito sa mga kalye o kanal. Dahil maari itong magdulot ng pagbara sa mga drainage at sewer system. At maaring maging dahilan ng pagbaha at dagdag na plastic pollution sa mga bahagi ng tubig sa bansa.
Tips para makaiwas sa harmful ingredients na taglay ng baby wipes
Para maiiwas sa mga harmful ingredients ang mga baby ay may tips ding ibinahagi si Dixon sa mga mamimili. Ito ay ang sumusunod:
- Gumamit ng maligamgam na tubig, mild soap at cotton balls sa paglilinis ng puwet ni baby. Gumamit lang ng baby wipes kung hindi available ang tubig bilang panlinis.
- Huwag bumili ng mga produktong hindi nakasaad kung ano ang ingredients at expiry date.
- Basahing mabuti ang product label na binibiling produkto. Huwag bilhin kung nagtataglay ito ng nabanggit na mga harmful ingredients.
- Hanapin at gumamit ng alcohol-free at unscented wet wipes.
- Iwasang gumamit ng wet wipes sa paglilinis ng kamay, bibig at iba pang parte ng katawan ni baby. Ito ay para mabawasan ang tiyansa niyang magkaroon ng allergy mula rito.
- Pagkatapos gumamit ng wet wipes ay maghugas pa rin gamit ang tubig. Ito ay para maalis ang mga chemical residues sa balat na maaring magdulot ng allergy.
SOURCE: Manila Bulletin, ABS-CBN News
BASAHIN: Publiko pinag-iingat sa mga ibinebentang fake na baby wipes sa bansa
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!