Bacoor National High School teacher na nag-upload sa Facebook ng mga pictures ng CR na ginawang faculty room kakasuhan umano ng principal ng paaralan.
Bacoor National High School trending issue
Matapos mag-trending sa social media ang post ng isang guro mula sa Bacoor National High School na si Maricel Herrera ukol sa mga CR na ginawang faculty room ay matagumpay na nakarating ito sa kinauukulan.
Base sa Facebook post ni Teacher Maricel Herrera na faculty president din ng Bacoor National High School ay kinailangan nilang maglabas ng pera mula sa kanilang bulsa at ipaayos ang mga CR na hindi na nagagamit ng paaralan para gawing faculty room.
Maliban nga daw sa CR, ang ibang guro ng paaralan ay nagsisiksikan sa ilalim ng hagdan at sa hallway ng isa sa mga gusali ng paaralan.
Ayon parin kay Herrera, pinaalis sila sa dating faculty room na kanilang ginagamit para gawin itong classroom ngayong pasukan. Lalo pa’t umabot na sa 7,000 ang estudyante ng paaralan.
Kaya naman humiling ng isang dayologo si Herrera mula sa kanilang principal para mai-address ang sitwasyon nilang mga guro. Ngunit hindi daw ito pinansin ng principal ng kanilang paaralan kaya napilitan siyang idaan ang kanilang hinaing sa social media para mapansin at maipaabot sa kinauukulan.
Reaksyon ng principal ng paaralan
Sa panayam ng ABS-CBN sa principal ng Bacoor National High School na si Anita Rom, inihayag nito na pinag-iisipan nilang sampahan ng kaso ang guro na si Maricel Herrera dahil sa pagpapakalat ng mga litrato sa social media.
Ayon sa kaniya, hindi niya inutos na mag-opisina ang mga guro sa CR. Inalok niya daw sa mga ito ang ang library, conference room, at social hall na kasya ang 700 guro.
“Ang faculty room is not mandated by the DepEd. Ang function ng teacher ay magturo at hindi magpahinga sa faculty room,” pahayag ni Rom.
Dahil daw sa masasakit na salitang natanggap niya at ng paaralan mula sa publiko ay inihahanda nilang kasuhan si Herrera kabilang na ang administrative case, cyberlibel at destruction of government property.
“Ang sinira ay hindi lang imahe ng Bacoor National High School kundi buong imahe ng DepEd (Department of Education),” dagdag pa ni Rom.
Kasunod nito ay inutos rin ni Rom na bakantehin na ng mga guro ang CR at lumipat sa social hall ng paaralan upang doon mag-opisina.
Bwelta ng mga guro
Paliwanag naman ni Herrera hindi niya intensyong sirain ang imahe ng paaralan at ng DepEd. Nais niya lang maiparating ang totoong kalagayan ng mga gurong nagbibigay karunungan sa mga batang mag-aaral.
Dagdag pa niya kinakailangan daw ng mga guro ang faculty room bilang lugar na kung saan puwede silang magpahinga kapag break time o tapos na ang kanilang klase.
Kailangan din nila ng lugar na paglalagyan ng teaching materials nila gaya ng laptop, projector at iba pa. At ang mga lugar daw na inalok ng principal ay malayo sa mga classrooms ng mga estudyanteng tinuturuan nila.
Ayon parin sa guro, higit sa sampung CR ang ginawa nilang faculty room at karamihan sa mga ito ay hindi na nagagamit.
Dagdag pa ni Herrera labing isang Math teachers ang nagsisiksikan sa loob ng CR na ginawang faculty room. Samantalang, 20 Science teachers naman ang pinagkakasya ang kanilang mga sarili sa isa sa mga hallway ng paaralan habang ang iba ay nasa ilalim ng hagdan.
“Hindi ho kami pinilit pumunta dito pero wala kaming choice na puntahan kasi wala kaming pupuntahan,”, pahayag ng isa Science teacher ng paaralan na si Corazon Ber Ardo.
Sa isang interview ay naglabas naman ng komento si Education Secretary Leonor Briones sa isyu na kung saan sinabi niya na “The situation does not speak about the entire picture of education itself.”
Sa ngayon ay patuloy na nanawagan ang mga guro sa kanilang kalagayan na hindi na daw bago sa bansa at ang totoong nangyayari sa karamihan ng pampublikong paaralan sa Pilipinas.
Source: ABS-CBN News, ABS-CBN
Basahin: Teacher’s heartfelt post reminds parents why we need to appreciate preschool teachers
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!