Sadyang mahirap para sa magulang ang makitang may sakit ang anak, lalo pa’t sanggol ito na hindi masabi kung ano ang masakit o kung ano ang nararamdaman niya.
Bagama’t nandiyan naman palagi ang pediatrician ng bata, makakatulong pa din ang maging alerto at impormado pagdating sa mga karaniwang sakit na maaaring dumapo kay baby.
Ito ang pinakakaraniwang kondisyon o sakit sa unang taon ng iyong sanggol. Ang listahan na ito ay para makapagmasid ang ina at ama, at maipaalam agad sa pedia ang mga sintomas na napansin sa sariling anak upang mabigyan agad ng lunas ng eksperto sa medikal na pangangailangan ng anak.
Talaan ng Nilalaman
10 na mga karaniwang sakit ng baby sa kanilang 0-1 taon
1. Constipation
Constipation, ito ay isang karaniwang sakit ng baby. Walang “normal” o takdang bilang o oras ng pagdumi ng isang sanggol. Ibig sabihin, ito ay partikular sa bawat bata, at hindi pare-pareho sa lahat.
Kailangang obserbahan ang pattern ng anak at i-base ito sa kinakain at iniinom, at kung gano rin ito kadalas. Ang hindi pagdumi ng sanggol kahit regular ang oras ng pagkain ng baby, o constipation, ay karaniwan sa mga bata sa unang taon.
Kung napansin na hindi dumudumi si baby sa halos dalawang araw na, at ito ay taliwas sa nakita o alam na pattern ng anak, kailangang itawag ito sa pedia.
Mapapansin mo rin na umiiyak na ito at matigas ang tiyan. Bakit may dugo ang dumi ni baby? Minsan naman ay dumudumi nga ito, ngunit masyadong matigas at kitang hirap na hirap siyang umire.
Ito rin ay constipation. Minsan pa’y nagiging dahilan ito ng pagkasugat ng puwet, kaya’t may dugo nang kasama ang dumi.
2. Ubo at sipon
Dahil sa paiba-ibang panahon, karaniwan na ang pagkakaaroon ng sipon sa mga sanggol na wala pang isang taon, hanggang sa ikatlong taon nito.
Alam mo bang maaaring magkaroon ng sipon ang bata ng anim hanggang sampung beses sa isang taon, at hanggang labindalawang beses kung ito ay nasa day care?
Napakaraming virus sa kapaligiran na nagiging dahilan ng sipon at hindi ito kayang labanan ng sistema ni baby. Hindi pa kasi fully developed ang kanyang immune system.
Dagdag pa riyan, kapag siya ay nagsimula nang maglaro at magsubo ng iba’t ibang bagay tulad ng lampin, laruan, o kahit ang sariling kamay.
Tandaan na sa unang taon ng development ng bata, kiinikilala niya ang mundo sa pamamagitan ng kanyang pandama, o 5 senses.
Unang kailangang alamin ay kung ito ay karaniwang sipon o allergy. Ang sintomas ng common cold ay pagtulo ng sipon (madilaw o berdeng mucus), paghatsing, at minsan ay may kasamang pag-ubo at sinat.
Hindi naman naaapektuhan ang pagkain niya. Kung napapansin na walang gana, maaaring hudyat ito ng mas malalang sakit. Kung allergy, ito ay pabalik-balik o tuluy-tuloy ngunit walang lagnat.
Kapag ang pag-ubo naman ay napansing tuluy-tuloy na at lumagpas na ng isang linggo, kailangang itawag na sa pedia, lalo pa’t ito ay may kasamang lagnat, hirap sa paghinga, pagsuka, at may lumalabas ding plema. Maraming maaaring maging dahilan ng simpleng pag-ubo kaya’t kailangang patingnan agad sa doktor.
3. Rashes
Dahil palaging nakalampin o disposable diaper, hindi maiiwasan na magkaron ng rashes sa puwet ang sanggol. Maraming bata rin ang natural na may sensitibong balak lalo sa may likuran.
Unang kailangang iwasan ay ang naka-diaper siya ng napakatagal na oras. Huwag nang hintayin na mapuno pa ito o dumumi bago palitan.
Gawing regular ang pagpalit dahil hindi dapat nabababad ang kanyang balat sa diaper o lampin, lalo pa’t mainit ang panahon. Minsan naman, dahil kumakain na ang bata ng ibang pagkain at hindi lang gatas, naiiba ang komposisyon ng dumi nito, at naaapektuhan ang dalas ng pagdumi at uri ng dumi nito.
Maging alerto lang sa pagpapalit ng lampin. Gumamit ng bulak at tubig para sa unang 8 linggo ng sanggol, at iwasan ang paggamit ng matatapang na uri ng baby wipes.
Ipakita ang rashes sa pedia, kung ito ay mapulang mapula na o nagsusugat, at napapansin nang masakit para sa sanggol.
4. Pagtatae o Diarrhea
Ang madalas na pagdumi ng sanggol at kung ito ay matubig, diarrhea na ito. Iba rin ang amoy nito sa karaniwang dumi ni baby (paniguradong malalaman mo ang karaniwang amoy ng dumi ng iyong anak).
Tumatagal ito ng ilang araw at makikita mong nahihirapan o hindi komportable ang iyong sanggol kapag ito ay nagtatae. tulad ng sipon, maaaring dahil sa impeksyon dala ng virus, o dahil sa bacteria. Bakit may dugo ang dumi ni baby?
Minsan dala ito ng allergy sa pagkain o reaksiyon lamang ito sa gamot. Minsan, ang pag-inom ng fruit juice kung ang bata ay wala pang isang taon ay nagiging dahilan din ng pagtatae. Kapag may pagsusuka, sakit sa tiyan, o lagnat, ikunsulta na agad sa doktor.
5. Impeksyon sa tenga
Sinasabi ng mga doktor na ang ear infection ay karaniwan sa mga bata, lalo sa unang 3 taon. Kapag may sipon, naaapektuhan ang tenga.
Mas karaniwan ang pagkakaroon nito kung may naninigarilyo sa bahay at kung siya ay pinapadede sa bote ng nakahiga. Karaniwan din, nagkakaron ng impeksyon ng walang makitang dahilan kung bakit.
Kung napapansin na iritable at iyak ng iyak ang sanggol, nagigising sa gabi at umiiyak kahit pinadede na, nagkakamot sa bandang tenga palagi, may lagnat, nagsusuka at minsan pa’y may pagtatae, ipaalam na agad sa doktor.
6. Pagsusuka
Lahat ng bata ay dumaan sa pagsusuka. Minsan hindi lang kasundo ng tiyan niya ang kinain, kaya’t inilalabas nito. Minsan naman ay dahil ito sa sobrang pag-iyak, lalo’t kakatapos lamang kumain o dumede.
Maaaring sintomas ito ng mas malalang sakit tulad ng viral gastroenteritis, a urinary tract infection, ear infection, at iba pang mas malalang sakit. Minsan ang labis na pagpapakain ay hindi rin maganda.
Ito ay dapat maging dahilang ng pag-aalala kung madami ang sinusuka ng bata, at umiiyak ito ng labis, at kung madalas na ang pagsuka.
7. Lagnat
Kung iyong napansin, ang lagnat ay sintomas ng mas malalang sakit. Kapag nilagnat na ang bata, ito ay senyales na maaaring may impeksyon o mas malalang dahilan ng pag-iyak ng bata.
Ang lagnat na 100.2°F (37.8 celsius) para sa sanggol na 2 buwan pa lamang ay dapat itawag sa pedia. Para sa 3 hanggang 6 na buwan, 101°F (38.3 celsius), at sa higit sa 6 na buwan, 103°F (39.4 celsius) ang dapat itawag sa doktor. Kung ang lagnat ay may kasamang iba pang sakit na nakalista sa itaas, ikonsulta na agad sa pedia.
Bilang mga magulang, kailangang maging mas mapagmasid sa anak, lalo sa unang taon nito. Lahat ng iyong napansin o nakitang kakaiba sa karaniwang kilos o routing ng anak ay magiging susi upang malaman kung may dapat ikabahala.
Kung hindi naman ito sakit, mabuti pa ring mas nakikilala ang iyong anak upang lalong mapaigting ang kaniyang malusog at masayang paglaki.
Pansinin ang mga bagay na “sinasabi” sa inyo ni baby sa pamamagitan ng kilos at pakiramdam niya. Ang magulang ang unang makakaalam kung ang iyak ang paghingi ng tulong at pagsasabing “May sakit ako,” o ito ay paghingi lamang ng lambing.
Sa kabila ng pag-aalala para sa kapakanan ng anak, huwag ding kalimutang i-enjoy ang bawat sandali na kapiling si baby. Iwasan ang labis na pag-aalala.
Magtanong sa mga kaanak, kaibigan, at huwag mag-atubiling magtanong sa pedia. Basta’t alisto ay maaagapan ang paglala ng kahit anong sakit ni baby.
8. Colic
Kapag ang isang sanggol ay patuloy na umiiyak sa hindi malamang dahilan nang paulit-ulit at hindi pangkaraniwan, ang kondisyong ito ay tinatawag na “colic.”
Karaniwan, ang bata ay nakakaranas ng hindi komportableng pakiramdam ngunit hindi ito maipahayag. Ang colic ay kadalasang maaaring maiugnay sa gastroesophageal reflux, na kapag ang mga acidic na nilalaman ng tiyan ay masakit na nag-regurgitate pabalik sa esophagus.
Kung ang iyong anak ay patuloy na umiiyak lampas sa edad na tatlong buwan, maaaring oras na para tumawag ng doktor. Maaaring magrekomenda ang isang doktor ng ibang paraan ng feeding sa sanggol o ibang uri ng formula, o gamot.
9. Hand, foot, and mouth disease
Ang sakit na hand, foot, and mouth disease (HMFD) ay lubhang nakakahawa ngunit karaniwang hindi masyadong malubha. Ayon sa CDC, ito ay pinakakaraniwan sa mga sanggol at mga batang wala pang limang taong gulang.
Gayunpaman, maaaring makuha ito ng mga matatandang bata at matatanda. Kasama sa mga sintomas ang pantal sa balat, lagnat, sugat sa bibig, at mga sintomas na parang trangkaso.
10. Bronchitis
Ang bronchitis ay nangyayari kapag ang mga daanan ng hangin sa baga ay namamaga at gumagawa at nagdudulot ng mucus. Nagdudulot ito ng pag-ubo, pananakit ng dibdib, pagkapagod, pananakit ng ulo, pananakit ng katawan, at pananakit ng lalamunan.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), karamihan sa mga kaso ng bronchitis ay sanhi ng isang virus na kadalasang nangyayari pagkatapos ng upper respiratory infection.
Sintomas na dapat bantayan sa mga sanggol
Ang mga magulang ay may natural instinct kung ang kaniyang sanggol ay komportable o may iniindang karamdaman. Maging mapagmatiyag sa mga sintomas na ito lalo na kung ito ay napapadalas at hindi na normal.
- Anumang sintomas ng karamdaman tulad ng pag-ubo, pagtatae o pagsusuka
- Mga pagbabago sa paraan at oras ng pagkain o hindi nauubos ang pagkain.
- Nagpapawis habang kumakain
- Natutulog ng higit sa oras kaysa sa normal
- Pagbabago ng kulay (tulad ng maputla, mala-bughaw o kulay abong mga braso at binti)
- Lagnat sa sanggol na wala pang 12 linggong gulang. BABALA: Huwag bigyan ang iyong sanggol ng anumang gamot sa lagnat nang hindi ipinaku-konsulta sa pedia.
Karagdagang ulat mula kay Kyla Zarate
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.