Bakit nangangaliwa ang isang tao - Hindi laging sex ang dahilan!

Bakit nauuwi sa lokohan at hiwalayan ang ibang relasyon? Hindi lang laging sex ang dahilan. Alamin rito kung bakit may mga taong cheater.

Bakit nga ba nagloloko o nagtataksil ang isang tao? Sex lang ba ang laging dahilan? Basahin rito kung ano ang posibleng dahilan kung bakit may mga taong cheater.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Mga posibleng dahilan ng pangangaliwa ng isang tao
  • Anong dapat gawin kapag may nangaliwa sa isang relasyon

Nakakalungkot man, mayroon talagang mga relasyon na nauuwi sa hiwalayan. At marahil, ang pinakamasaklap na dahilan ng paghihiwalay ay kapag mayroong nangaliwa o nagtaksil sa relasyon.

Bakit may mga taong cheater?

Kadalasan, sa mga kuwento at mga pangyayaring nababasa mo sa social media. Ang tinuturong dahilan ng pangangaliwa o pagloloko ng isang tao ay dahil sa sex.

Maaaring ang isang taong nasa eksklusibong relasyon ay naakit sa iba o mayroong sexual attraction sa isang tao bukod sa kaniyang asawa. Kaya naman nagawa niyang mangaliwa o lokohin ang kaniyang karelasyon.

Bagama’t ito ang isa sa pinakakaraniwang dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawa, alam mo ba na hindi laging sex ang dahilan ng pangangaliwa ng isang tao?

Marahil ang pakikipagtalik sa iba ang pinakamasakit na magagawa ng isang tao sa kaniyang asawa. Ito na rin ang pinakasukdulang pangyayari kaya nagdedesisyon ang naloko na hiwalayan ang kaniyang asawa.

Pero sa kabila nito, mayroong mga ibang dahilan na nagtulak sa isang tao para pagtaksilan ang kaniyang asawa,

Sa isang pag-aaral noong 2017, napag-alaman na mayroon pang ibang dahilan ang mga tao kung bakit sila nangangaliwa o nagtataksil sa kanilang partner. Ilan sa mga dahilan ay ang pagkakaroon ng mababang self-esteem, pagiging malayo sa asawa at iba pa.

Larawan mula sa Freepik

Mga posibleng dahilan ng pangangaliwa

Paalala: bagama’t nililista namin ang mga dahilan ng panloloko, hindi namin sinasabing tama at may basehan ang pangangaliwa. Walang excuse ang pangloloko sa kapwa, lalo na sa iyong asawa. Kahit kailan ay hindi tama na magtaksil ang isang tao sa isang relasyon, kahit ano pa ang kaniyang dahilan.

Bakit may mga taong cheater? Narito ang mga posibleng nagtulak sa kaniya para gawin ito:

  • Bilang pagganti sa partner

Maaaring mayroon kang nagawa sa iyong asawa na hindi niya nagustuhan o nakasakit sa damdamin niya. Kaya naman gusto ka niyang saktan pabalik, o ipadama sa’yo ang naramdaman niya.

Madalas, gumaganti ang isang tao kapag nakakaramdam siya ng selos. Halimbawa, nakita ng iyong partner na kinausap mo ang iyong ex sa social media at nagselos siya. Kaya gagawa siya ng bagay na ikakagalit o ikakaselos mo.

Isa rin itong paraan para makuha ang iyong atensyon, kung sa palagay ng iyong asawa na wala ka nang oras para sa kaniya.

  • Nawawala ang kilig sa pagsasama

Maraming nagsasabi na kaya nila nagawang mangaliwa o pumasok sa isang panibagong relasyon ay dahil na-“fall out of love” na sila sa kanilang asawa.

Kapag nawala na ang kilig sa isang relasyon, maaaring hanapin ng iyong partner ang pakiramdam na ito sa ibang tao.

  • Pagiging malayo sa isa’t isa

Bahagi ng benepisyo ng pag-aasawa o pagiging parte ng isang relasyon ay mayroon kang taong maaasahan at masasandalan kapag kailangan mo. Pero paano kung malayo ang taong ito sa’yo?

Maraming mga pagsasama ang nasisira kapag nangungulila ang taong nasa malayo. Halimbawa, ang mga OFW, naghahanap siya ng makakaramay at makakasama na malapit sa kaniya.

  • Walang kakayahang manatili sa isang eksklusibong relasyon

Madali at masaya ma-in love. Pero ang mahirap na bahagi ay ang pagiging tapat sa isang tao lang habang kayo ay nasa isang relasyon, o kung kayo ay kasal, habang-buhay. Kapag pumasok ka sa isang relasyon, inaasahang magiging tapat o committed ka sa taong iyon.

Pero may mga tao na nahihirapang mag-commit, o ibigay ang sarili nila ng buong-buo sa isang tao. Maaaring hindi nila nakita ang ganitong klase ng relasyon o pagsasama sa kanilang pamilya. Kaya hindi nila magawang maging tapat sa isang tao lamang. Ito rin ang dahilan kaya nauso ang mga “open relationship.”

BASAHIN:

Mister huli sa pangangaliwa, habang nagle-labour ang kaniyang misis

7 bagay na maaaring pagmulan ng pag-aaway ng mag-asawa at tips para maiwasan ito

7 lessons na matutunan ng mag-asawa pagkatapos manood ng A World of Married Couple

  • Naghahanap ng bago sa kanilang buhay

Sa simula ng isang relasyon, mapapansin na masaya ang pagsasama ng magkasintahan. Minsan, tinatawag itong “Honeymoon stage.” Pero kapag natapos na ang masayang panahon na ito at nasanay na kayo sa isa’t isa. Maaaring makaramdam ng pagkabagot o ma-bore ang isang tao sa relasyon at magawa niyang maghanap ng bagong karanasan mula sa iba.

Kapag parang paulit-ulit ang nangyayari sa inyong relasyon, maaring maghanap ng variety ang isang tao. Kaya hindi siya nakukuntento sa isang partner lang.

Mayroon ring mga taong nakakaramdam ng “thrill” o excitement sa paggawa ng bawal. Ginagawa nilang “adventure” ang pagloloko at tinitingnan kung hanggang kailan nila magagawa ito nang hindi sila nahuhuli ng kanilang asawa.

  • Mababang self-esteem

May mga tao na nagagawang pumasok sa isang affair dahil mababa ang tingin nila sa kanilang sarili; na kailangan nila ng ibang tao para maramdaman na importante sila.

Maaaring nai-insecure ang iyong partner sa kaniyang sarili, at kapag may isang tao sa labas ng relasyon na nakakapansin ng mga kagandahan niya o maakit sa kaniya. Maaaring matukso siyang makipagrelasyon dito, o patulan ang kaniyang flirting o sa Tagalog, makipaglandian.

Larawan mula sa Freepik

  • Hindi natutugunan ang kaniyang emosyonal na pangangailangan

Bagama’t ang hindi natutugunang sekswal na pangangailangan ng tao ang karaniwang sanhi ng pangangaliwa. Tandaan na hindi sa sex laging nagsisimula ang mga affair.

Maaaring nagsisimula ito sa “harmless” na pagkakaibigan, o kaya nararamdaman ng isang tao na pinakikinggan siya ng kaniyang officemate na hindi na nagagawa ng kaniyang asawa. Hanggang lumalim na ang kanilang pagtitinginan at pumasok sa isang bawal na relasyon.

Anong dapat gawin kapag may nangaliwa sa isang relasyon?

Kung mayroon ka mang dapat matutunan sa mga bagay na ito, ito ay hindi sa lahat ng oras, sex o physical attraction ang dahilan ng pangangaliwa. Gayundin, hindi kasalanan ng taong naloko kung bakit nangangaliwa ang kaniyang partner.

Tandaan, kahit kailan ay hindi tama na magtaksil ang isang tao sa isang relasyon. Maging ano pa man ang kaniyang dahilan.

May mga tao rin na mahal ang kanilang asawa at walang balak na saktan ito, kaya nila itinatago ang kanilang relasyon. Subalit laging mabubunyag ito at kapag nangyari iyon, paniguradong magkakalamat ang pagsasama.

Pero mayroon pa bang pag-asa ang inyong relasyon kung mayroong nangaliwa? Narito ang mga bagay na maaari mong subukan

Kapag nangaliwa ang iyong partner …

  • Kausapin siya ng masinsinan kung ano ang naging dahilan ng kaniyang pagtataksil.
  • Tanungin ang iyong partner kung gusto pa niyang ipagpatuloy at ayusin ang inyong relasyon. Maaaring hindi na talaga siya masaya sa inyong relasyon, at masakit man, kailangan mo na siyang hiwalayan.
  • Tanungin mo ang iyong sarili kung kaya mo pang makipagrelasyon sa kaniya sa kabila ng kaniyang nagawa. Kaya mo pa ba siyang pagkatiwalaan?
  • Kung oo ang sagot niyo pareho sa mga tanong, humingi ng tulong sa mga eksperto. Kagaya ng marriage counselors para maayos niyo ang inyong relasyon. Hindi madali at mabilis ang prosesong ito, pero kakayanin kung gugustuhin niyo pareho.

Larawan mula sa Freepik

Kapag ikaw naman ang nagkasala, isipin mo ring mabuti kung bakit mo nagawa ang pagtataksil at kung gusto mo pa bang maayos ang pagsasama niyong mag-asawa.

Humingi ng tawad sa iyong partner at siguruhing hindi mo na uulitin ang pagkakamaling iyon. Maaaring hindi ka niya patawarin agad, kaya manging handa ka sa mga epekto nito sa inyong relasyon at inyong pamilya.

Humingi kayo ng tulong mula sa mga eksperto para masolusyunan ang problema niyong mag-asawa.  Pati na rin ang dahilan ng iyong pangangaliwa.

May kasabihang, “Once a cheater, always a cheater.” Subalit hindi naman ito totoo sa lahat ng oras. May mga relasyong nasisira dahil sa pangangaliwa o pagtataksil. Pero mayroon pa rin namang mga mag-asawa na naaayos ito at lalong napapagtibay ang kanilang pagsasama.

Source

Psychology Today, Healthline

Sinulat ni

Camille Eusebio