Bakuna sa bata iprinopose ng DOH sa DepEd na gawing requirement sa enrollment sa darating na pasukan.
Bilang solusyon sa patuloy na lumolobo na kaso ng tigdas, nag-propose ang DOH sa DepEd ng “no vaccination, no enrollment policy” sa mga public schools ngayong pasukan.
Ito ay upang mahikayat ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang anak laban sa mga sakit gaya nalang ng tigdas.
Bakuna sa bata policy sa public school enrollment
Ayon kay Department of Health Secretary Francisco Duque III, ito ay isang ideya palang na dapat bigyan ng oras na mapag-aralan.
Ayon naman kay Department of Education Secretary Leonor Briones ay kanila itong pag-aaralan ngunit kailangan paring ikonsidera ang karapatan ng mga estudyante na makapag-aral at makakuha ng quality basic education.
Sa kasalukuyang guidelines para sa school-based immunization program ay pinapayagan ang mga magulang na i-decline ang bakuna sa bata sa pamamagitan ng hindi pagpirma ng required consent form na ibinibigay nila.
Habang pinag-aaralan pa ang proposal ng mandatory vaccination sa mga bata ngayong enrollment ay tumitingin ng ibang paraan ang DepEd para maibalik ang kumpyansa ng mga magulang sa immunization efforts ng gobyerno.
Umiisip din sila ng mas epektibong paraan para makumbinsi ang mga magulang na ang measles vaccination ay hindi tulad ng kontrobesyal na Dengvaxia vaccine na naibigay sa ibang mga estudyante sa ilalim ng school-based immunization program, ayon kay Briones.
Ilan sa mga paraan na naiisip ng DepEd na kanila ring commitment sa DOH para masigurong protektado ang mga mag-aaral mula sa sakit ay ang sumusunod:
- Pagkakaroon ng consent at evaluation forms na kung saan ika-categorize ang mga estudyante bilang “vaccinated”, “doubtful” at “not vaccinated”.
- Pagve-verify ng school records at vaccination cards ng mga mag-aaral
- Pag-gather at pag-share ng data ng mga mag-aaral na apektado ng measles
- Pakikipag-coordinate sa mga health center staffs sa kung sino sa mga mag-aaral ang absent at kung sinong mga magulang ang hindi nagbigay ng consent sa vaccination
- Pag-follow-up sa mga mag-aaral na hindi nakatanggap ng vaccination at sa mga piniling magpabakuna sa mga private practitioner
- Pagrereview at pagpapaigting ng Executive Order No. 663, series 2007 o ang pag-implement ng National Commitment ng “Bakuna ang Una sa Sanggol at Ina” bilang suporta sa layunin ng World Health Organization na i-eliminate ang measles, neonatal tetanus, polio, Hepatitis B at iba pang vaccine-preventable disease
Dagdag ni Briones, ay malapit na nakikipagtulungan ang kanilang ahensya sa DOH upang ma-monitor ang mga measles cases at mapaigting pa ang kanilang kampanya para malabanan ang sakit.
Para naman kay DOH Secretary Franciso Duque III, ay nangangailangang ng seryosong konsiderasyon ang proposal nila para sa mandatory vaccination policy.
Dagdag pa niya ay mayroong existing order ang inisyu ng dating presidente na ngayon ay kongresistang si Gloria Macapagal-Arroyo noong 2007 na nagre-require ng bakuna sa bata bago makapasok sa elementary at pre-school.
Bagamat ang panukala ay wala pang nakasaad na sanction sa mga hindi susunod rito.
Hindi pa man umiiral ang mandatory na pagpapabakuna sa mga school-age children sa public schools, may ilang private schools na matagal nang requirement ang vaccination records mula sa pedia bilang parte ng application ng bata sa naturang school. Isa itong dapat i-consider ng mga magulang sa desisyon kung papabakunahan ang anak o hindi.
Tigdas outbreak sa Pilipinas
Sa ngayon ay may naitala na ang DOH na 11,459 na kaso ng tigdas na kung saan 189 na ang namatay dahil sa sakit magmula lang nitong January 1 to February 20 ngayong taon.
Ang mga bilang na ito ay 329 percent na mas mataas kumpara sa 2,673 measles cases ng parehong period noong nakaraang tao, ayon parin kay DOH Sec. Duque.
Ang naitalang may pinakamaraming kaso ng tigdas ay sa National Capital Region (NCR) na umabot na sa 2,936 cases at 52 deaths.
Sinundan ito ng Calabarzon na may 2,635 cases at 61 deaths. Karamihan nga sa mga namatay dahil sa sakit ay nagpag-alamang hindi nabakunahan laban sa tigdas.
Samantala ay nag-deklara na rin ng measles outbreak sa apat na probinsya sa Cagayan Valley. Ito ay sa Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino na may naitalang 66 na kaso ng tigdas.
Ayon parin kay Duque ay ginagawa nila ang lahat para maabot ang kanilang target na ma-immunize ang 95 percent ng populasyon sa bansa para makontrol ang paglaganap ng sakit.
Dagdag pa ni Duque ay inaasahang bababa ang measles cases sa unang linggo ng Abril kung mababakunahan ang mga bata at iba pang vulnerable na makakuha ng infection.
Ang tigdas ay sakit na dulot ng isang virus na nagdudulot ng impeksyon sa respiratory system. Ito ay naihahawa sa pamamagitan ng direct contact sa taong mayroon nito o pagka-expose sa hangin na infected ng virus.
Ang mga kumplikasyong maaring idulot ng tigdas ay severe diarrhea, pneumonia, blindness at pagkamatay.
Ang sintomas nito ay lagnat, pamumula ng mata, ubo, sipon at mapupulang rashes.
Ang mga batang hindi nabakunahan na may edad limang taong gulang pababa ay mas mataas ang tiyansang madapuan ng sakit.
Samantalang ang measles vaccine naman ay maaring ibigay sa mga batang may edad na 6 months pataas.
Sources: ABS-CBN News, Philstar, DepEd, Philstar, ABS-CBN News
Basahin: Kaso ng tigdas sa Pilipinas, lumobo na sa 4,300 na biktima
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!