Pinakamaliit mang political unit, malaki pa rin ang ginagampanang papel ng Sangguniang Kabataan (SK) at Barangay officials. Kaya naman, mahalagang pumili nang tama sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) o barangay elections 2023.
Ilang araw na lamang ay magsisimula na ang pangangampanya ng mga kandidato para sa barangay elections 2023. At ilang linggo na lang ay magaganap na ang barangay at sk elections. Ito ay matapos ipagpaliban nang dalawang beses mula noong 2018. Alamin sa article na ito kung bakit mahalagang bumoto nang tama sa darating na halalan. Pati na rin ang ibang mga bagay na dapat tandaan kaugnay ng eleksyon.
Barangay at SK Elections 2023: Mga pipiliin
Bawat botante ay nakatakdang bumoto ng isang barangay chairman o punong barangay. Gayundin ng 7 kagawad o miyembro ng sangguniang barangay. Para naman sa boboto ng SK, isang SK Chairman din ang iboboto at pitong SK Kagawad.
Tungkulin ng Sangguniang Barangay
Ayon sa ABS-CBN News Research, ang mga sumusunod ang responsibilidad at kapangyarihan ng Barangay:
- Police power – Ayon sa batas, mayroong police power ang barangay upang pangasiwaan ang nasasakupan. Ibig sabihin, may karapatan at kakayahang magpataw ng batas ang barangay na may kaugnayan sa pag-promote ng kalusugan at kaligtasan ng mga nasasakupan. Gayundin ang pagpapaunlad ng moralidad, at pagpapanatili ng peace at order, at pagbibigay ng komportable at maayos na buhay sa mga nasasakupan.
- Power of taxation – May karapatan at kakayahan ding magpataw ng buwis ang barangay.
Mga kwalipikasyon ng Punong Barangay at Sangguniang Barangay members
- Mamamayang Pilipino
- Rehistradong botante sa barangay kung saan nais nitong maihalal
- Dapat na residente ng barangay kung saan kumakandidato, at least isang taon bago ang eleksyon.
- Marunong magbasa at magsulat sa wikang Filipino o ano mang local na wika at diyalekto.
- At least 18 years old sa araw ng eleksyon.
Tungkulin ng Sangguniang Kabataan
Ayon naman sa Rappler, ang mga sumusunod ang ilan sa tungkulin ng Sangguniang Kabataan:
- Magbalangkas ng mga programa at proyekto para sa mga kabataan sa barangay.
- Lumikha ng Comprehensive Barangay Youth Development Plan at maghanda sa preparation at implementation ng Annual Barangay Youth Investment Program.
- Magpatupad ng mga polisiya, programa, at proyekto base sa taunang programa kaugnay ng Sangguniang Barangay at ng Youth Development Council ng lungsod o munisipalidad.
- Mag organisa ng fund-raising events kaugnay ng Comprehensive Barangay Youth Development Plan.
- Bumuo ng mga grupo o komite upang epektibong mapatakbo ang mga programa at aktibidad ng SK.
Mga kwalipikasyon
- Mamamayang Pilipino
- At least 18 years old at hindi lalampas ng 24 years old sa araw ng halalan
- Aktibong miyembro at qualified member ng Katipunan ng Kabataan (KK).
- Marunong magbasa at magsulat sa wikang Filipino, Ingles, o local dialect.
- Dapat na residente ng barangay nang hindi bababa sa isang taon sa araw ng eleksyon.
Mga petsang dapat tandaan sa Barangay elections
Nagsimula ang election period noong August 28 at magtatapos ito sa November 29, 2023. Kaugnay nito ay ipinagbabawal na pagbibitbit ng armas o tinatawag ding gun ban.
August 28 hanggang September 2 ang nakalaang petsa para sa pagpapasa ng Certificate of Candidacy (COC).
Samantala, ipinagbabawal ang pangangampanya sa labas ng campaign period na mula October 19 hanggang 28. Tinatawag itong premature campaigning at may nakalaang parusa sa sino mang susuway rito.
Larawan mula sa COMELEC Facebook page
Sa October 30 ang araw ng halalan. Magsisimula ang botohan ng alas-syete ng umaga hanggang alas-tres ng hapon.
November 29 naman ang huling araw ng pagsusumite ng SOCE or Statement of Contributions and Expenditure ng mga kumandidato.
Maging mapagmatyag kontra vote buying
Bukod sa premature campaigning o maagang pangangampanya, tulad ng mga naunang halalan, bawal din ang pagbili ng boto o vote buying.
Ano nga ba ang vote buying? Ito ay ang pagbibigay, pag-aalok ng sino man ng mga sumusunod kapalit ng pagboto sa kandidato:
- Pera o ano mang bagay na may halaga
- Anumang opisina o trabaho
- Prangkisa o Gawad, pampubliko o pribado
- Gumawa ng paggasta, direkta o hindi direkta,
- Maging sanhi ng paggasta sa sino mang tao, asosasyon, korporasyon, entidad, o komunidad.
Ipagbigay alam sa COMELEC kung mayroon mang isyu ng vote buying sa inyong lugar.
Larawan mula sa COMELEC Facebook page
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!