Bata naninigarilyo at umiinom ng alak na kasama ang ina, nakuhanan ng video. Nang makita ng ama ang video ng anak, agad na pinaaresto ang misis at sasampahan ng kaso.
2-anyos na bata naninigarilyo at umiinom ng alak
Hindi nagdalawang-isip ang ama ng isang 2 taong gulang na batang lalaki na kasuhan ang kaniyang misis matapos makita ang video ng anak na naninigarilyo at umiinom ng alak.
Ang video ay nakita umano ng ama ng bata sa mismong cellphone ng kaniyang misis.
Kuha daw ang video sa loob ng isang motel na kung saan kasama ng bata ang kaniyang ina at kaibigan nitong lalaki.
Sa video ay makikitang tumutungga ng bote ng alak ang batang lalaki habang nakatingin ang kaniyang ina. Maririnig rin sa video na sinabi ng bata na “magyoyosi ako” habang inaabot ang isang stick ng sigarilyo.
Isang lalaki ang nagsindi ng sigarilyo na kaibigan umano ng ina ng bata. Agad namang hinithit ng dalawang taong gulang na bata ang sigarilyong may sindi na hindi man lang pinagbawalan o pinigilan ng kaniyang ina na nasa tabi lang niya.
Kuha umano ang video noong June 3 sa loob ng isang motel sa Cubao, Quezon City.
Ina ng bata inaresto at sasampahan ng kaso
Lingid sa kaaalam ng ina ng bata na nakita ng mister niya ang video sa kaniyang cellphone. Agad namang humingi ng tulong ang mister sa iba niyang kaanak at sa mga pulis para aksyunan ang nangyari.
Inaresto ng mga pulis ang ina ng bata at haharap ito sa kasong child abuse kasama ang kaibigan nitong lalaki sa video, ayon kay Police Maj. Marlo Barruga ng QCPD Station 4.
Iyak namam ng iyak ang ina ng bata sa presinto at paulit-ulit ang paghingi ng tawad sa mister. Nangangako rin itong aalagaan na ng maayos ang anak. Ngunit nanindigan ang ama ng bata na sasampahan ng kaso ang dalawang suspek na nag-abuso sa anak.
“Hindi ho pwede yan. Child abuse yan. Latang-lata yung anak ko. Pinaglaruan yung anak ko”, mariing sambit ng ama ng bata.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan ang QCPD sa Department of Social Welfare and Development ukol sa kaso ng batang naninigarilyo.
Epekto ng paninigarilyo at pag-inom ng alak sa mga bata
Ang paninigarilyo sa mga bata ay masama para sa kanilang kalusugan. Sa mura nilang edad ay masyadong mahina pa ang kanilang katawan para labanan ang mga sakit sa puso o sa baga na maari nilang maranasan dahil sa paninigarilyo.
Maari rin silang maging dependent sa nicotine o ang substance na taglay ng sigarilyo na nakaka-addict. Kaya naman hahanap-hanapin nila ito at uulit-uliting gawin.
Masama rin para sa kanila na makalanghap ng secondhand smoke na maari ring magdulot sa kanila ng sakit gaya ng asthma, respiratory infections at sakit sa puso.
Nakakasama rin para sa mga bata ang pag-inom ng alak lalo pa’t naapektuhan nito ang pagkilos ng isang tao.
Makakapekto rin ito sa brain development at growth ng isang bata na napakahalaga para sa maayos niyang paglaki.
Ang pag-inom rin ng alak sa bata nilang edad ay isang rason para ipagpatuloy nila ito sa kanilang pagtanda.
Panoorin ang nakakabahalang video ng 2-anyos na bata naninigarilyo dito.
Source: ABS-CBN News, The Asian Parent, Kids Health
Basahin: Amoy ng sigarilyo sa kamay, masama para sa kalusugan ng bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!