Batang responsable, ito ba ang gusto mong maituro sa anak mo? Pwes, narito ang ilang tips mula sa isang guro na makakatulong upang turuang maging isang batang responsable ang iyong anak na lalaki.
Sa ginanap na Lactum 3+ #Bibo Panalo Moments talk noong Oct. 27 sa Adventure Zone, Shangri-la at the Fort, Taguig ay nabigyan ng pagkakataon ang theAsianparent Philippines na makapanayam si Teacher Maricar de Ocampo. Siya ay isang educational consultant at faculty member ng De La Salle University Manila na nagtuturo ng early childhood at elementary education.
Ayon sa kaniya ang pagiging batang responsable ng mga anak na lalaki ay nakadepende sa personality nila. Pero napakahalaga ng papel na ginagampanan ng mga magulang lalo na ng mga ina para maituro ito sa kanila. Para nga maigawa ito ay nagbigay siya ng tips kung paano ito unti-unting maituturo sa mga batang lalaki.
Tips para maging batang responsable ang iyong anak na lalaki
1. Start small.
Ang pagtuturo ng pagiging batang responsable sa iyong anak na lalaki ay dapat magsimula sa maliliit na bagay na maari at kaya niyang gawin. Tulad ng paglilinis ng kaniyang kwarto, paglalagay ng kaniyang maruming damit sa labahan, pag-iingat sa kaniyang bag o paggawa ng kaniyang homework. Ang kailangan lang ay unti-unti itong ipagawa sa kaniya sa paraang hindi siya mabibigla at unti-unti ring makakasanayan niya.
2. Gumamit ng mga signs o pictures sa inyong bahay.
Para hindi maalis sa isip ng iyong anak at para maturuan siya na maging responsable sa lahat ng oras, makakatulong ang pagsusulat o paggamit ng signs o pictures sa inyong bahay. Tulad ng paglalagay ng “please flush the toilet after use” sa banyo. Dahil ang mga lalaki raw ay very visual at physical kumpara sa mga babae. Kaya ang mga signs o pictures ay makakatulong para maturuan sila ng mga bagay na nais mong matutunan nila.
3. Bigyan siya ng schedule o to-do list araw-araw.
Isa pang paraan para maging isang batang responsable ang iyong anak ay sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng schedule o listahan ng mga bagay na dapat niyang gawin sa araw-araw. Makakatulong kung bibigyan mo siya ng lugar sa inyong bahay tuwing umaga na kung saan pwede siyang maupo at basahin ang schedule o to do list niya. Pero ang mga ito ay hindi niya dapat gawin ng mag-isa. Dapat sa pagtupad ng mga responsibilities na ito ay kasama ka at unang-una ay dapat pumayag o naiintindihan niya ang mga task na ibinigay sa kaniya.
4. Gawin itong routine upang makasanayan niya.
Para tuluyang makasanayan at lumaking batang responsable ang iyong anak ay dapat gawin ang mga nasabing tips bilang isang routine para sa kaniya. Ngunit muli, hindi niya ito magpapatagumpayang magawa ng mag-isa. Ang iyong tulong at gabay ay kailangan niya upang lagi siyang paalalahanan ng mga bagay na dapat niyang gawin. Makakatulong rin ang mga papuri o praise mula sa iyo sa bawat job well done sa task na nagawa niya. Ito ay para mas ma-encourage siyang gawin pa itong muli na kinalaunan ay makakasanayan at madadala niya na sa kaniyang paglaki.
Photo: Freepik
Basahin: Iresponsable ba ng inyong anak? Huwag silang pagalitan, sa halip, ito ang inyong gawin!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!