Binati ang buong lungsod ng Maynila at ang Pilipinas ng balitang bawal magbenta ng secondhand phone simula ngayong araw saanmang bahagi ng nasasakupan ni Mayor Isko Moreno.
Ito ang inianunsyo ng mga opisyal ng pamahalaang lokal ng Lungsod ng Maynila, sa pamumuno ni Mayor Moreno, sa isang press conference nitong umaga ng Lunes, ika-7 ng Oktubre ng kasalukuyang taon.
Totoo bang bawal magbenta ng secondhand phone sa Manila?
Kasalukuyan nang binabalangkas sa konseho ng lungsod ang tiyak na ordinansang mag-iilegalisa ng bentahan ng mga secondhand phone sa lungsod.
Ayon sa alkalde, ito ang tugon ng pamahalaang-lungsod sa talamak na kaso ng nakawan ng cellphone sa kanilang nasasakupan. Ang sistema, diretso ang mga nakaw na cellphone sa kamay ng mga secondhand phone seller mapaindibidwal man o may mga opisyal na puwesto ng tindahan. Malaki ang paniniwala ni Mayor Isko at ng konseho na paniguradong ikapipilay ng operasyon ng mga kawatan ang kanilang hakbang na ito.
Wala rin daw pipiliin ang maparurusahan sa ilalim ng ordinansa. Sapagkat maging sa loob ng malalaki at kilalang establisimyentong gaya ng mga mall, shopping center, tiangge, o tindahan ay hindi papayagang magbenta ng mga secondhand phone.
Maaaring ipasara ang negosyo ng alinmang establisimyentong mangangahas na ipagpatuloy ang operasyong bentahan ng mga secondhand phone, at mapatunayan ang ginawang paglabag sa ordinansa.
Nagbanta rin ang punong-lungsod na tuluyan nitong ipasasara ang Isetan Mall sa Recto sakaling lumabas sa kanilang patuloy na imbestigasyong nagkakanlong ito ng mga nakaw na cellphone.
Pagbabahagi pa ng mayor, batay sa kanilang nakalap na testimonya ng isang mag-aaral na biktima ng nakawan natagpuan nito kinalaunanang nanakaw sa kaniyang cellphone sa isang stall sa Isetann Mall.
“Ipasasara naming ‘yung Isetann kapag napatunayan naming ‘yung claim ng bata. Matigas ang ulo ng Isetann, e, buong mall. E, kinakanulo nila ‘yung illegal activities, e. Bakit hindi? Basta napatunayan naming,” ang matapang na pahayag ni Mayor Moreno.
“Ako, I don’t mind kahit [anong mall] pa yan, I don’t mind. Basta kinalong ninyo ‘yung mga tindahan na nagtitinda ng nakaw. Basic iyon, it does not goes only to Isetann, it goes with everybody,”dagdag pa ng mayor.
Samantala, lusot pa naman ang mga sanglaan sa batas kung sakali. Bagama’t pinag-aaralan pa rin daw ng konseho ng lungsod kung paano matitiyak na ang mga isinasanlang cellphone sa mga ito ay hindi secondhand.
Sources: Inquirer.net, CNN Philippines
Basahin: 5-anyos pinaglaruan ang cellphone ng mommy, nag-order ng mahigit P5,000 sa Shoppee!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!