Katabi mo ba matulog si baby? Alamin rito ang mga benepisyo ng co-sleeping at kung paano papanatiliing ligtas ito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Benepisyo ng co-sleeping sa’yo at sa iyong sanggol
- Katabi si baby matulog? Gawing ligtas ito.
Nakaugalian na nating mga Pilipino ang matulog kasama ang mga anak natin, lalo na mga sanggol pa lamang. Wala naman tayong ibang alam na paraan kundi ang patulugin ang mga bata sa tabi natin. Sapagkat ayaw nating mawalay sila lalo’t napakabata pa.
Paano kung may mangyari sa gitna ng gabi, hindi ba? ‘Yon din ang ginawa ko sa panganay kong anak, dahil ‘yon ang kinagisnan ko at nakita ko sa nanay at ate ko.
Pagkatapos ng dalawa pang anak at taon ng pagsasaliksik at pag-aaral tungkol sa epektibong parenting, natutunan ko na mahalaga pala ang makahanap ng istilo ng pagpapatulog na aangkop sa magulang at anak. Kailangang maintindihan din ang pros and cons ng bawat istilo bago tuluyang pumili ng para sa inyo.
Katabi si baby matulog?
“Dapat bang patulugin si baby sa tabi namin, sa kama namin?”
Ito pa rin ang tanong ng maraming magulang. Pagdating kasi sa pag-aalaga ng mga sanggol, lalo na kapag newborn, ang co-sleeping, o ang pagtulog kasama ang sanggol sa iyong kama. Ang isa sa mga bagay na nagdudulot ng debate sa maraming magulang.
Para sa maraming medical experts, nilalagay mo sa panganib ang iyong sanggol kung itinatabi mo siya sa pagtulog sa iyong kama. Sa kabilang banda naman, ang mga proponents ng co-sleeping ay nagsasabing, “Exaggerated lang ang iba diyan.”
Ang siste, wala naman raw kasing masama kung gusto mong makasama ang iyong anak sa gabi. Bagkus nakakapagpatibay pa ito ng bond ng magulang at anak.
Pero sino nga ba ang dapat sundin? Ano ba ang tamang pagtulog ng baby? Kasama sa kama, o nakahiwalay? At paano naman sa mga lugar na maliit lang ang espasyo? O kaya walang kakayahang bumili ng ligtas na kuna para kay baby? Mayroon bang paraan para maging ligtas ang co-sleeping?
Para makarating ka sa isang desisyon na makakabuti sa iyong sanggol at iba pang miyembro ng pamilya, alamin natin ang mga panganib at benepisyo ng co-sleeping na dapat mong isaalang-alang.
Benepisyo ng co-sleeping
-
Attachment parenting
Para sa ibang eksperto, ang pangunahing benepisyo na kaugnay sa co-sleeping ay ang attachment parenting. Ayon kay Dr. William Sears, ang sikat na pediatrician na nagpakilala nito, ang attachment parenting ay isang approach na nagpapatibay ng relasyon ng isang magulang sa anak niya.
Para sa mga naniniwala rito, ang attachment parenting ay magbibigay ng isang solid emotional foundation sa isang bata. Makakatulong umano ito sa bata sa pagkakaroon ng healthy at emotionally fulfilling relationships sa kaniyang buhay paglaki ng bata.
Sa pamamagitan ng co-sleeping, nasa tabi mo lang si baby, kaya’t mabilis mong matutugunan ang pangangailangan niya kahit gitna ng gabi, at sa buong magdamag.
Gayundin, kung nagtatrabaho ang mga magulang, sa bahay o sa opisina, maghapon kang nakawalay kay baby. Gabi lang ang pagkakataon upang makasama mo siya.
-
Mas madali ang pagpapadede
Kung breastfeeding mom ka, magiging mas convenient para sa iyo ang co-sleeping. Sapagkat hindi mo na kailangang tumayo para mapadede si baby. Mapapadede mo pa si baby nang mas matagal, dahil komportable ka at hindi mo na kailangang buhatin pa ang iyong sanggol.
-
Mas mahaba ang tulog ni baby
Mas nakakatulog nang mahimbing si baby at hindi nagigising ng matagal o paulit-ulit dahil madaling natatapik ni Nanay, o naaaruga.
Parehong nakakatulog nang mahimbing ang mag-ina (pati na si Tatay), ramdam ang init ng haplos, yakap, at dampi man lang ng katawan ng isa’t isa. Nagiging in-sync din ang sleep cycle ninyo.
-
Mas mababantayan mo ang iyong anak
Samantala, ayon naman kay James McKenna, director emeritus ng Mother-Baby Behavioral Sleep Laboratory sa University of Notre Dame, kapag magkatabi matulog ang sanggol at kaniyang magulang, mas mababaw ang tulog ng ina.
Marahil iniisip mo kung paano nakakatulong ito. Aniya, mas ligtas raw ang ganitong set up sa mga unang buwan ng sanggol, dahil mas nababantayan mo ang iyong anak at malalaman mo agad kung nasa panganib siya.
-
Nakakatulong ito para maka-adjust si baby sa kaniyang bagong tahanan.
Matagal na nanirahan ang sanggol sa iyong tiyan kaya naman sa kaniyang paglabas, sinasanay pa niya ang katawan sa kaniyang paligid.
Ayon kay Mckenna, ang nanay ang nagsisilbing “jumper cable” o regulator sa isang newborn habang nagsasanay pa siya sa kaniyang bagong environment.
Aniya, ang mga batang katabi ng kanilang ina sa pagtulog ay mas nagiging malusog – mas maganda ang heart rates, brain waves, sleep states, oxygen levels, at maging temperature – dahil mas mabilis silang nakaka-adapt sa kanilang paligid.
-
Nakakatulong ito sa iyong mental health
Napakataas ng stress level ng isang bagong ina. Isa sa mga tinuturong dahilan nito ay ang kakulangan sa tulog o pahinga. Sa katunayan, sinasabing ang sleep deprivation ay nakakapagpataas ng posibilidad ng postpartum depression sa mga bagong panganak na ina.
Kaya naman isa sa mga benepisyo ng co-sleeping ay ang pagkakaroon ng pagkakataon ng ina na makapagpahinga. Ayon sa mga pag-aaral, kapag mabilis na nakakabalik sa pagtulog ang magulang, mas nakakapagpahinga sila at nagiging mas maganda ang kanilang emosyon at malinaw ang pag-iisip.
Mga panganib kapag katabi si baby sa pagtulog
Samantala, narito naman ang rason ng mga ekspertong kontra sa co-sleeping.
-
Tumataas ang posibilidad ng sudden infant death syndrom o SIDS.
Maraming naiulat na insidente ng mga batang nadaganan na ng mga magulang na pagod sa trabaho kaya’t bagsak kapag nakatulog.
Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa National Centre for the Review and Prevention of Child Deaths in America, sa mahigit 8,000 hindi maipaliwanag na pagkamatay ng mga sanggol, 74 porsyeno rito ang natutulog sa tabi ng kanilang magulang.
Mas mataas rin raw ang posibilidad ng SIDS sa mga premature babies, kaya hindi pinapayo ang co-sleeping para sa mga sanggol na ito.
-
Iba pang uri ng aksidente.
Paano rin kung mahulog ang bata sa kama o matabunan ng unan nang hindi mo namamalayan? Lumalaki lalo ang posibilidad nito kung mayroon pang isang bata sa kama.
-
Maraming batang ayaw nang umalis o hirap nang lumipat sa sariling kuwarto o kama paglaki.
Ayon sa mga sleep experts, ang ganitong sleeping arrangement ay nakakaantala sa pag-develop ng independence ng bata.
-
Mas mababaw na tulog.
Maraming nagsasabi na hindi ka makakatulog ng mahimbing o ng tamang oras dahil nga sa tuwing ingit ni baby, gigising ka, kahit hindi naman kailangan. Hindi tuloy nakakapahinga nang tuloy-tuloy ang magulang.
-
Nababawasan ang bonding ng mag-asawa.
Para naman kay Nanay at Tatay, natural lang na wala na silang oras para sa isa’t isa, lalo sa kama, dahil nga nakagitna si baby. Lahat ng atensiyon at oras ay mabubuhos lang sa bata. Di ba’t kailangan ring magkaroon ng “alone time” ang mag-asawa?
Marami pang potensiyal na problema ang madudulot nito. Ayon sa mga eksperto, ang co-sleeping o pagtulog nang magkasama ay nagtuturo ng independence sa bata dahil nagiging mas secure ang bata sa katagalan. Ang iba naman ay nagsasabing pinipigil nito ang kagustuhan ng batang maging assertive.
Ang American Academy of Pediatrics’ (AAP) ay nagsasabing ang mga sanggol ay dapat na natutulog kasama ang mga magulang, ngunit hindi sa iisang kama. Maaaring maglagay ng crib o tulugan ni baby na malapit sa mga magulang.
BASAHIN:
Mga panganib ng co-sleeping na dapat malaman ng mga magulang
Sleeping with his infant in his arms the biggest mistake of his life
6 parenting mistakes kaya hindi nasasanay si baby na matulog ‘pag gabi
Maaari nga bang magkasundo ang dalawang panig?
Sabi ni Kim West sa kaniyang libro, hindi imposibleng magkasundo at gamitin ang dalawang magkaibang paniniwala para sa ikabubuti ng bata.
Kailangang turuan ang mga bata na matulog nang kusa nang hindi hinehele. Hindi pwedeng palagi na lang tinatapik o hinehele—o pinapatulog ni Nanay at Tatay, Lola o Yaya. Tulog nga si baby, pagod naman lahat ng tao sa paligid niya.
Sa madaling salita, maaari mong simulang patulugin si baby sa piling mo, pero unti-unting turuan siyang makatulog nang sarili niya, para maihanda siya sa paglaki.
Ang gentle sleep coaching at attachment parenting ay maaaring pagsamahin. Mahalagang tandaan na sinisimulan ito para sa mga sanggol na hindi bababa sa 6 na buwan ang gulang, dahil mas mahaba na ang tulog ni baby sa ganitong edad.
Gawing ligtas ang co-sleeping
Sa huli, tanging ang magulang ang may huling desisyon sa kung ano ang epektibo para sa kanilang mag-ina at para sa pamilya. Kung ano ang importante para sa inyo at makakabuti sa iyong sanggol ang nararapat na gawin.
Kung ang desisyon mo ay ang co-sleeping, tandaan ang mga sumusunod upang maging mas ligtas at maisaalang-alang ang tamang pagtulog ni baby:
- Magpadede ng hindi bababa sa 2 buwan, dahil nakakabawas ito ng posibilidad ng SIDS.
- Ayusing mabuti ang tulugan. Siguruhing hindi mahuhulog ang bata sa kahit anong bahagi ng kama. Ang ginagawa ng iba ay ibinababa ang kama at may malambot na nakapaligid sa kama, kaya’t sakaling mahulog nga ang bata, hindi ito masasaktan. Siguraduhing walang mga espasyo o puwang kung saan maiipit ang sanggol tulad ng headboard, o sa dingding, sakaling nakasandal sa isang dingding ang kama ninyo.
- Iwasan ang pagswaddle kay baby kapag may kakayanan na siyang gumulong.
- Bawasan rin ang mga unan at iba pang kagamitan na maaring makatakip o makadagan sa iyong sanggol.
- Iwasan ang manigarilyo o uminom ng alak kapag may katabing sanggol sa iyong kama.
- Hangga’t maari, ang matutulog lang kay baby ay ang magulang. Huwag munang patabihin sa kaniya si Ate at Kuya hanggang wala pang isang taong gulang si baby.
- Huwag iiwan ang bata sa kama ng mag-isa.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
Very Well Family, Today’s Parent, AAP
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.