Bilang isang magulang, nais nating masiguro ang kaligtasan ng ating mga anak sa kahit anong oras. Kaya kahit sa kanilang pagtulog ay gusto natin silang bantayan at itabi sa ating pagtulog. Ngunit maraming kaso ng pagtulog kasama si baby ang nauuwi sa trahedya. Alamin kung bakit hindi safe matulog katabi si baby sa pagtulog.
Panganib ng pagtulog katabi si baby sa higaan
Isang police department sa Amerika ang nag-post ng video sa kanilang Facebook account na nagbibigay-babala sa lahat ng magulang ukol sa kaligtasan ng mga bata sa pagtulog.
Ito ay matapos na magkaroon ng tatlong insidente ng pagkamatay ng mga sanggol sa Escambia, Florida dahil sa hindi safe na pagtulog katabi ang baby sa higaan.
Inilahad sa video ang nangyari sa tatlong insidente:
- Una, ang baby ay napuluputan ng kumot sa pagtulog
- Ang ikalawa ay na-suffocate sa isang stuffed toy
- At ang huli ay tumigil huminga nang nakatulog ang isang ina habang nagpapasuso sa kaniyang baby.
“You know, you’re tired and the baby is sleeping, and it’s not developed enough to let you know ‘Hey, I’m in a bad spot. I can’t move. I can’t breathe.’ It is just really sad when something like this happens,” sabi ni Captain Dawn James ng Escambia County Sheriff’s Office sa video.
Panoorin ang video dito:
Bakit hindi dapat katabi matulog si baby sa higaan
1. Maaaring madaganan ng mga magulang na pagod sa trabaho ang kanilang mga anak sa higaan.
2. Nagiging sanhi ng Sudden Infant Death Syndrome (SIDS) ang pagtulog katabi si baby.
3. Maaantala ang pagdevelop ng independence ng isang baby kung makakasanayan niya ang pagtulog na katabi ang mga magulang.
4. Mahihirapan ang baby na matulog nang walang katabi sa higaan sa kanyang paglaki, dahilan upang maging matatakutin ito kapag mag-isa sa kwarto.
5. Mas madalas na maaantala ang oras ng pagpapahinga ng mga magulang dahil sa puyat kung katabi niya ang baby sa higaan.
6. Nababawasan ang “alone time” ng mga mag-asawa kung naka-gitna sa higaan si baby. Malaki ang nagiging epekto nito sa pagsasama ng mga mag-asawa dahil napupunta ang lahat ng kanilang atensyon sa bata.
Mga dapat gawin kung hindi safe matulog katabi si baby
Sa tipikal na pamilyang Pilipino, sanay ang bawat pamilya na matulog nang magkakatabi sa higaan. Kung minsan, buong pamilya pa ang nagsasama-sama sa pagtulog sa iisang kwarto dahil sa liit ng espasyo ng tinitirahang bahay.
Ayon sa AAP, ang mga baby ay dapat na natutulog kasama ang mga magulang, ngunit hindi sa iisang kama. Patulugin sila sa baby crib o sarili nilang kama na malapit sa kama ng mga magulang.
Upang magawa ito, narito ang ilang tips mula sa AAP na puwedeng gawin:
- Ayusing mabuti ang higaan ng baby at siguraduhing hindi siya mahuhulog sa kahit anong bahagi ng kama. Huwag maglagay ng unan, kumot, mga stuffed toys at crib bumpers upang maiwasan ang suffocation.
- Siguruhin ding walang puwang o espasyo sa gilid ng headboard o dingding kung sakaling nakasandal ang higaan ng bata sa pader. Ito ay upang hindi maipit ang bata kapag ito ay bumibiling sa pagtulog.
- Huwag patulugin sa sofa, couch, o anumang upuan na may kutson ang baby dahil may tendensiyang mahulog sila kapag bumiling sa pagtulog.
- Mainam na bumili ng higaan na hindi gaano kataasan ang level at maglagay ng mga rubber mats sa paligid nito upang dagdag na proteksyon.
Kung hindi talaga maiiwasan ang co-sleeping, unti-unting sanayin si baby na matulog nang mag-isa sa sarili niyang higaan habang ito ay lumalaki.
Samahan muna sila hanggang sa makatulog sila sa sarili nilang kwarto o higaan sa pamamagitan ng pag-upo sa tabi ng kama. Maaari ring basahan ng story books ang bata upang mas mabilis itong makatulog.
Tandaan na ang bawat bata ay magkakaiba kaya mahalagang alamin ang mga bagay na naaangkop sa kanila upang matutong matulog sa sarili nilang higaan. Bigyan sila ng panahon upang makapag-adjust sa kanilang bagong routine. At kung kinakailangan, maaaring komunsulta sa pediatrician upang magabayan kayo.
Source: Health.com, Today’s Parent, American Academy of Pediatrics
Images: Shutterstock, File photos
BASAHIN: Study: Co-sleeping with a toddler is bad for mom’s mental health
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!