Puyat dahil ayaw matulog ni baby sa gabi? Hindi lang ikaw ang nakakaranas niyan Mommy! Pero huwag kang mag-alala, mayroon kang maaaring gawin para maging mahimbing ang tulog ni baby sa gabi.
Upang magkaroon ka ng mas mahabang oras na makapagpahinga at magkaroon ng special time kay Daddy mahalagang malaman kung bakit hindi makatulog ang bata sa gabi. Gayundin kung paano patulugin ang baby sa gabi kung ayaw niyang matulog o hindi makatulog.
Bakit nga ba mahirap patulugin ang sanggol sa gabi? Dapat tandaan ng mga magulang na natututo pa lang ang mga sanggol tungkol sa mundo na ginagalawan nila. Kaya naman mas makakabuti na habang maaga ay sanayin sila sa tamang sleeping habits.
Bakit hindi makatulog ang bata sa gabi?
Bakit ayaw matulog ni baby sa gabi? Narito ang ilang parenting mistakes na nagagawa mo kaya nahihirapang matulog si baby sa gabi.
Hindi man natin sinasadya, ang ating paraan ng pagpapatulog kay baby ay nakakaapekto kung bakit ayaw matulog ni baby sa gabi. Narito ang ilang parenting mistakes na maaring dahilan kung bakit ayaw matulog ni baby sa gabi.
-
Bakit kaya ayaw matulog ni baby sa gabi? Pinatulog nang mahaba si baby sa araw.
Nagbabago ang oras ng pagtulog ng isang sanggol habang lumalaki siya. Dumadalang ang oras na tulog siya sa umaga para humaba ang oras ng tulog niya sa gabi. Kapag tulog na kasi siya buong araw, asahan mo na mahihirapan na siyang matulog sa gabi.
Hindi mo naman kailangang gisingin si baby kapag napapaidlip siya, pero subukan na panatiliin siyang gising nang mas matagal. Makipaglaro at makipag-usap ka kay baby para maging alerto siya.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Laura Garcia
-
Baka hindi mo pinapatay ang ilaw sa gabi kaya ayaw matulog ni baby
Noong newborn pa si baby, natutulog tayo nang nakabukas ang ilaw para mabantayan natin siya nang mabuti. Pero habang lumalaki siya, nakasanayan na niya ang nakabukas ang ilaw. Kaya naman kahit antok na antok ka na, tila mataas pa rin ang energy ni baby at hindi pa siya handang matulog.
Pero sa katunayan, ang dilim ay maaring magbigay ng comfort kay baby at makatulong para maging mahimbing ang kaniyang tulog. Ito ay dahil madilim din ang kanilang paligid noong nasa loob pa ng tiyan ni Mommy.
Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa noong 2018, ang ilaw sa gabi ay nagsusupress o pumipigil para lumabas ang melatonin, ang hormone na nakakatulong para makatulog ang isang tao. Kaya naman mas matagal makatulog ang isang tao kapag maliwanag ang ilaw sa kwarto.
-
Ayaw matulog ni baby sa gabi, bakit kaya? Baka masyadong tahimik ang kapaligiran!
Ang mga baby ay mas magugulatin kaya naman kung nasanay sila na matulog nang sobrang tahimik at walang ibang ingay na naririnig, talagang mabilis silang magigising sa mga munting kaluskos at kaunting ingay lang.
Makakatulong ang kaunting katahimikan para hindi ma-overstimulate ang sanggol at makapag-relax, pero hindi naman kailangan na sobrang tahimik ng paligid para makatulog siya. Sanaying matulog si baby nang may kaunting ingay gaya ng white noise.
-
Laging tinatabihan si baby sa pagtulog.
Bakit nagigising ang sanggol sa oras na bumangon si Mommy mula sa pagkakahiga? O kapag nilapag mo na siya sa kaniyang crib?
Ito ay dahil nasasanay siyang matulog nang may katabi, at kapag naramdaman niyang wala na ito, mahihirapan siyang bumalik sa pagtulog.
Gayundin, may mga sanggol na nasasanay matulog nang kinakarga o hinehele, kaya magugulat sila kapag nararamdaman nila na ibababa mo na sila sa kanilang kuna.
“If Mom always rocks baby to sleep in her arms, baby will always rely on Mom,”ani Gina Song, MD, isang pediatrician sa Northwestern Medicine Delnor Hospital sa Geneva, Illinois.
Mas mabuting sanayin si baby na maging independent sa kaniyang pagtulog. Nirerekomenda ng American Academy of Pediatrics (AAP), ilapag si baby sa kaniyang crib kapag inaantok na siya at hindi kapag natutulog na.
-
Pinapagod nang husto si baby para makatulog siya.
Nasubukan mo na bang magpatulog ng isang pagod na sanggol? Hindi ito madali.
Sa ating matatanda, mahimbing tayong nakakatulog kapag tayo ay pagod na pagod. Subalit hindi ito ang kaso sa mga bata. Kapag napagod at na-overstimulate masyado ang sanggol, mahihirapan siyang intindihin kung ano ang nararamdaman niya. Ang resulta, magiging balisa si baby at mas mahirap siyang patulugin kapag ganoon.
“Baby will be too exhausted and tired to soothe themselves to sleep,” ani Dr. Song.
-
Konting ingit lang ay pinupuntahan na agad si baby.
Bilang magulang, ayaw nating naririnig na umiiyak si baby. At gusto natin masigurong nasa mabuti siyang kalagayan, lalo na kapag natutulog siya.
Ani Dr. Song, wala namang masama na mag-respond o puntahan si baby kapag siya’y umiiyak. Subalit hindi naman siya kailangang kargahin agad-agad kapag naririnig mo lang na nag-iingit o nagising siya. Antayin muna ng ilang segundo at tingnan kung makakabalik siya sa tulog ng kusa.
“If baby is making noises and fussing, it’s okay to wait and see what happens,” aniya. “Sometimes baby will learn to comfort themselves and fall back asleep.”
Subalit kung mas malakas na ang iyak ni baby, ito na ang senyales na dapat mo na siyang puntahan.
Iba pang dahilan kung bakit ayaw matulog ni baby sa gabi
1. Hindi niya pa alam ang pagkakaiba ng araw sa gabi
Ang mga bagong silang na sanggol ay hindi pa alam ang pagkakaiba sa araw at gabi. Bagama’t ito naman ay kaniyang matutunan habang siya’y lumalaki. Kaya naman hindi ka na dapat magulat kung si baby ay gising o mahirap patulugin sa gabi.
Lalo pa’t ayon sa mga pag-aaral ay mas mahaba ang oras ng tulog nila sa araw ng nasa 12-18 oras kumpara sa nightime. Pero may maaari kang gawin upang unti-unting i-introduce sa kaniya ang pagkakaiba ng araw sa gabi. Mas mapadali ang pagpapatulog sa kaniya at ikaw ay hindi na mahirapan pa. Ang mga ito ay ang sumusunod.
Larawan mula sa iStock
Paano patulugin ang baby: Paano maituturo kay baby ang pagkakaiba ng araw at gabi?
- Ituro ito sa kaniya sa pamamagitan ng pagpapatay ng ilaw sa kaniyang kwarto sa gabi. Sa ganitong paraan natuturuan mo siya na ang liwanag ay para sa araw at ang dilim ay para sa gabi.
- Kung hindi gustong patayin ang ilaw sa kuwarto ni baby sa gabi ay panatiliing mahina na lang ito. Kung maaari ilayo rin ang kaniyang kuwarto sa ingay na maaaring makaistorbo sa kaniyang pagtulog.
- Makakatulong din ang pag-swaddle kay baby sa tuwing matutulog sa gabi para hindi niya magalaw ang kaniyang braso at binti na maaaring makagising sa kaniya. Puwede ring ihiga siya sa maliit na crib na magbibigay sa kaniya ng feeling ng security.
- Makakatulong din kung magkakaroon ng routine si baby bago matulog sa gabi. Tulad ng pagpupunas sa kaniya o kaya naman ay pagbabasa sa kaniya ng kuwento o pakikinig sa kaniya ng musika.
- Ang mga ito ay maaaring maging palatandaan niya na kailangan niya nang matulog na kaniyang makakasanayan habang siya ay lumalaki. Ituro naman sa kaniya ang simula ng bagong araw sa pamamagitan ng pagpapalit ng kaniyang damit sa umaga pagising.
- Panatilihin ding gising si baby nang mas mahabang oras sa araw. Imbis na patulugin siya matapos pasusuin ay laruin siya. Ito’y upang mas antukin siya at magkaroon ng mahabang oras ng pagtulog sa gabi. Pigilan din siyang makatulog habang kumakain. Aliwin hangga’t maari sa araw para tuloy-tuloy ang pagpapahinga niya sa gabi.
Palatandaan na inaantok na si baby
Gaya ng hunger cues na binabantayan natin para malaman na gutom na ang isang sanggol, mayroon eing mga ikinikilos si baby na nagsasabing inaantok na siya. Makakatulong na alamin natin ang mga ito para matulungan siyang makatulog at maiwasan ng mag-iiyak o magwala pa.
- Pagkuskos sa kaniyang mga mata
- Pagkamot sa kaniyang tenga ng mga kamay niya
- Pangingitim sa paligid ng mga mata niya.
- Pagiging tulala at pagtingin sa kawalan.
- Paghikab at pag-stretch ng katawan niya ng paulit-ulit.
- Pagiging tahimik sa isang tabi.
Tulad din kapag gutom, ang pag-iyak ni baby ay isang late sign na gusto na niyang magpahinga. Kaya hangga’t maari ay huwag nang hintayin pa ito.
2. Gutom si baby.
Karamihan ng mga bagong silang na sanggol ay kailangang sumuso ng kada dalawa o tatlong oras o 8-12 beses sa loob ng 24 oras. Kaya naman ang isang bagay na maaaring dahilan kung bakit ayaw matulog ni baby sa gabi ay baka dahil gutom siya. Lalo na kung lampas 2 oras na noong huli mo siyang pasusuin.
Kaya naman subukan pasusuin o padedehin siya na madalas ay susundan agad ng pagtulog niya.
Subalit hindi naman sa lahat ng oras na gigising si baby ay dahil sa gutom siya. Tingnan mo rin muna ang ibang posibleng sanhi kung bakit nagising ang sanggol. I-check ang kaniyang diaper bago siya padedehin dahil baka kaya siya nagising ay dahil puno na ang lampin niya.
Imahe mula sa | istock
3. Masama ang pakiramdam niya.
Baka dahil masama ang pakiramdam niya kaya hindi siya makatulog. Maaaring dulot ito ng allergy o kaya naman labis siyang nilalamig o naiinitan.
Posible rin na dahil din sa siya ay may kabag o hindi natunawan. Pwede rin namang siya’y nag-iipin na maaaring magsimula sa ika-apat niyang buwan.
Kung dahil sa malamig na panahon kaya siya nahihirapang matulog ay kumutan siya. Bawasan naman ang kaniyang damit kung siya ay naiinitan. Kung matigas ang kaniyang tiyan, may kabag o siya’y hindi natunawan may mga home remedies na maaring gawin.
Tulad ng pagmasahe sa kaniyang tiyan para siya ay makadighay. Kung tingin mo naman ay allergy ang dahilan kung bakit hindi makatulog ang iyong anak, agad na dalahin siya sa doktor para magamot at maginhawaan.
4. Gusto ni baby na makatabi ka.
Oo ang mga baby ay may pagka-clingy. Mapapansin mo ito sa tuwing tumatahan sila sa tuwing kinakarga o naamoy ka. Kaya naman sa gabi isa sa maaaring dahilan kung bakit ayaw matulog ni baby ay baka dahil hindi ka niya katabi.
Bagama’t hindi ipinapayo ang matulog sa iisang kama katabi ang isang sanggol, makakatulong na saglit siyang ihele o ihiga sa iyong tabi hanggang sa antukin siya. Saka siya ilipat sa kaniyang higaan o crib kapag inaantok na.
5. Busy o maingay ang paligid ni baby.
Sensitive ang mga baby. Konting ingay o galaw lang sa paligid nila ay agad na silang magigising o mapupukaw na ang atensyon nila. Kaya naman tingnan ang iyong paligid, maaring masyadong busy o maingay ito para makatulog si baby. Kung oo ay ilipat siya sa mas tahimik na lugar na kung saan makakatulog siya nang mahimbing.
Muli, hindi naman kailangang tahimik na tahimik ang lugar. Dahil kapag nasanay siya rito, mas mahihirapan siyang matulog at mas mabilis na magigising kahit sa kaunting ingay lang. Makatutulong ang white noise.
Payo ng mga eksperto, nakakatulong talaga ang pagkakaroon ng bedtime routine at pagsanay kay baby sa tamang sleeping habits. Magiging mahirap man ito sa umpisa, kapag nakasanayan ito ng iyong anak ay magiging mas madali na at mas mahimbing ang kaniyang tulog sa gabi.
Paano patulugin ang newborn baby
Bukod sa mga nabanggit na paraan para maituro kay baby ang pagkakaiba ng araw at gabi, may mga paraan pa kung paano patulugin ang newborn baby. Narito ang ilang dapat gawin para makatulog nang mahimbing si baby sa gabi.
Paano patulugin ang baby na ayaw matulog sa gabi
Ayon sa Mayo Clinic, natutulog ang mga sanggol nang 16 na oras kada araw, madalas pa nga na lampas 16 na oras. Bagama’t paiba-iba pa ang sleeping pattern ng newborn baby, habang tumatanda o lumalaki ito ay magkakaroon ito ng consistent na sleeping schedule.
Kapag nasa 3 hanggang 4 na buwan na ang mga sanggol, hanggang 5 oras na bawat pagtulog nito. Paano patulugin ang baby sa gabi? Mahalaga na mag-develop ng rhythm upang makasanayan ng bata na magkaroon ng sleeping pattern.
Dagdag pa rito, maaaring patulugin sa kwarto ni mommy at daddy ang kanilang baby. Pero tandaan na huwag itong itatabi sa inyong higaan. Dapat na sa crib ito patulugin na hiwalay sa higaan ng magulang. Hindi ligtas ang higaan ng mga magulang para sa mga sanggol edad anim na buwan pababa. Mahalagang patulugin ang sanggol sa higaan na designed talaga para sa mga infant. Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang risk ng sudden infant death syndrome (SIDS). Mataas kasi ang tiyansa na ma-suffocate ang bata kung patutulugin ito sa mismong higaan ng mga magulang.
6 Tips para makatulog nang mahimbing si baby na ayaw matulog sa gabi
Larawan mula sa Pexels kuha ni John Finkelstein
Paano nga ba turuan si baby na magkaroon ng magandang sleeping habits?
Una, mahalagang magkaroon ng consistent na bedtime routine. Maaaring subukang yakapin at kantahan si baby. O kaya naman ay magpatugtog ng calming music o magbasa ng bed time story. Simulan ang activities na ito bago pa man lubusang mapagod ang bata. Mahalaga rin na gawin ito sa tahimik na lugar at malamlam lamang ang ilaw.
Ikalawa, ihiga ang iyong anak kapag antok na antok na ito pero gising pa rin. Sa pamamagitan nito, matutulungan mo siyang i-associate ang paghiga sa proseso ng pagtulog. Tandaan na ihiga ang iyong anak nang nakatihaya at ilagay ito sa crib na hindi crowded ng mga unan.
Ikatlo, normal lang na umiyak at maging iritable ang bata bago ito makahanap ng komportableng posisyon at makatulog nang mahimbing. Kung hindi naman tumatahan ang iyong baby, lapitan mo ito at i-comfort bago ka lumabas ng kuwarto. Minsan kasi presensya lang ng mommy ang nakapagpapatahan kay baby.
Ikaapat, puwedeng gumamit ng pacifier. Ayon sa Mayo Clinic, mabuti rin ang paggamit ng pacifier para maiwasan ang risk ng SIDS.
Ikalima, kung pasususuhin ang baby sa gabi, gumamit ng dim light o malamlam na ilaw, mahinang boses kung ito’y kakausapin, at kalmadong mga paggalaw. Sa pamamagitan nito matututunan ng bata na ang ganoong mga kilos ay associated sa gabi at pagtulog. Maiisip niya na oras na ng pagtulog at hindi na sandali para maglaro.
Panghuli, respetuhin ang kagusutuhan ng iyong anak. May mga baby na gabing-gabi na talaga kung makatulog at meron ding napakaaga kung magising. Kung ganito ang kaso sa iyong anak, pwedeng i-adjust ang routine at schedule base sa natural patterns na ito.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio at Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!