Silent reflux sa mga baby, bakit mahalagang malaman ng mga magulang kung ano ang sintomas ng kondisyon na ito.
Ang 3-buwang gulang na sanggol na si Amedee habang nakikipaglaban sa kondisyon na silent reflux sa ospital. | Image source: The Nursery Collective.
Silent reflux sa mga baby
Sa isang panayam sa The Nursery Collective, ay inalala ng ina na si Sarah kung paano ang naging karanasan niya at ng kaniyang anak na si Amedee laban sa kundisyon na silent reflux sa mga baby.
Ayon kay Sarah, ang naging karanasan nila sa kondisyon na ito ng kaniyang anak ay parang boxing fight. Dahil umaatake ito nang umaatake ng hindi nila alam ang gagawin. Ngunit hindi tulad ng boxing fight, sa laban nilang iyon ay walang bell na palatandaan na ito ay tapos na.
“Imagine not being a boxer and not knowing how to defend yourself. Taking hit after hit after hit with no one able to rescue you, and no bell at the end of the round so you don’t know when it’s going end.”
Ito ang pagsasalarawan ni Sarah sa kanilang naging karanasan ng anak sa kondisyon.
Ang inang si Sarah kasama ang kaniyang one month na baby na si Amedee, at si Amedee ng siya ay 4 na taong gulang na. | Image source: The Nursery Collective.
Mga sintomas ng kondisyon
Sa paggunita pa ni Sarah, noong una’y hindi niya maintindihan kung bakit iyak nang iyak si Amedee na baby pa noon. Kung makasigaw nga raw ito sa tuwing umiiyak ay para itong sinaksak sa lakas.
Mahirap din umanong itong pasusuin. Mahirap din siyang patulugin.
Matapos ang 30-minuto nang pagtulog ay magigising agad ito. Mababaw din umano ang tulog nito. Dahil kahit paglagatok ng tuhod ng kaniyang inang si Sarah ay nagigising na siya. Kaya naman ang new at first time mom na si Sarah noon ay hindi na malaman ang kaniyang gagawin. Hindi siya makakuha ng sapat na tulog at pahinga. Wala ring makatulong o makapaliwanag sa kaniya sa kung anong nangyayari sa anak. Lagi lang sinasabi sa kaniya na ito umano’y normal lamang sa mga newborn baby. Ang hirap niyang ito ay dinagdagan pa ng bigat ng postpartum depression na nararanasan niya. Nasabi pa nga umano ni Sarah sa kaniyang sarili na hindi ito ang buhay mommy na ginusto niya. Pumasok din sa kanyang isip na pinagsisihan niya ang pagkakaroon ng baby.
“The feeling that everything I was doing was wrong and wasn’t helping my baby, the not knowing where to turn to find the help I needed … and the list goes on. All of that when I was severely sleep deprived almost broke me.”
Ito ang pahayag ni Sarah.
Nalaman niya na ang tungkol sa silent reflux ngunit hindi niya pa rin alam kung paano ito malulunasan
Hanggang sa isang child health nurse ang nagsabi sa kaniya na maaring nakakaranas ng silent reflux si Amedee. Pero babala rin ng nurse mahihirapan itong makakuha ng professional help na kailangan niya.
Kaya naman payo ng nurse, dalhin lang sa doktor si Amedee. Ngunit bawal sabihin na maaaring ang naiisip niya ang kondisyon na nagpapahirap rito.
Kung kani-kaninong doktor nga dinala ni Sarah ang kaniyang anak. Hanggang sa matapos ang 3 buwan ay na-diagnose na nga ito na may silent reflux. Ini-refer si Amedee sa isang pediatrician na hindi naman siya binigyan ng medication. Dahil ayon sa pediatrician ay kusa itong mawawala at kalalakihan ng kaniyang anak.
Pero hindi ito hinayaan ni Sarah. Ginawa niya ang lahat para mabigyan ng reflux medication ang kaniyang anak. Nagbunga naman ang persistence niyang ito. Si Amedee ay na-admit sa ospital at kinailangang lagyan ng tube para makakadede.
Ganoon pa man, ayon kay Sarah, ito ay simula palang nang tinatawag niyang reflux hell hole.
Dahil kahit sa ospital na pinaglalagian ng kaniyang anak ay binabalewala pa rin ang kondisyon nito. Ayon sa head ng Gastroenterology sa naturang ospital wala namang mali sa kaniyang anak. Maliban na lamang kung ito ay magsusuka na o maglalabas ng dugo sa kaniyang bunganga.
Kinailangan pa nga umanong takutin ni Sarah ang ospital na iiwanan niya roon ang anak kung hindi nila ito reresetahan ng medication kapag inuwi na sa bahay nila. Wala umano isa sa mga ito ang makatulong at makapagsabi sa kaniya kung paano ito maiiwasan ng maranasan ng kaniyang anak. Tulad ng sa anong mga pagkain ang dapat alisin sa kaniyang diet upang hindi na muli itong umatake pa.
Sa wakas ay natuklasan na ni Sarah ang sagot
Nang magdalawang-taon na si Amedee ay nararanasan niya pa rin ang kondisyon. Kaya naman hiningi na ni Sarah ang tulong ng isang biomedical doctor. Ito’y para maintindihan niya kung bakit ito nangyayari sa anak.
Marami nga umano siyang natutunan. Partikular na sa kung paano gumagana o nagtratrabaho ang ating digestive system. Ganoon din sa kung paano ito nangyayari at ano ang dapat gawin upang ito ay malunasan.
Nalaman na si Sarah kung paano makokontrol ang pag-atake ng silent reflux sa anak. | Image source: The Nursery Collective.
Sa ngayon ay nakikipaglaban pa rin sa kondisyon si Amedee. Lalo na sa constipation na pangunahing dahilan kung bakit niya ito nararanasan.
Para nga maiwasan ito ni Amedee ay binago ang diet niya. Hindi na siya pinapakain ng mga starchy foods na isa umano sa mga dahilan kung bakit niya ito nararanasan.
Ano ang silent reflux?
Ayon sa Reflux Infants Support Association, ang silent reflux ay tumutukoy sa kondisyon na kung saan ang refluxed material o acid sa tiyan ay umaakyat sa esophagus. Ngunit hindi tulad ng acid reflux ito ay hindi nagdudulot ng indigestion at heartburn.
Labis na delikado ito para sa mga maliliit na bata o sanggol. Dahil sa ang stomach acids ay hindi nila masuka o mailabas sa kanilang bunganga. Ito’y nananatili sa kanilang esophagus na maaring magdulot ng internal damage sa kaniyang katawan o hirap sa paghinga.
Mahirap din itong ma-diagnose dahil sa hindi ito nagpapakita ng obvious na sintomas. Hindi magsusuka ang sanggol at patuloy na madadagdagan ang timbang kahit na sila ay hirap sa pagkain o pagsuso. Pero paalala ng Reflux Infants Support Association, ito ang mga bagay na dapat isaisip ng mga magulang tungkol sa kondisyon na ito.
Mga dapat isaisip ng mga magulang tungkol sa silent reflux
- Hindi lahat ng batang nakakaranas nito ay magsusuka. Kaya ito tinawag na “silent” dahil sa hindi ito nagpapakita ng aktwal na sintomas. Ngunit ito ay nagdudulot ng discomfort o pain sa sanggol.
- Maliban sa pagsusuka, may iba pang obvious sign ng reflux na masari ring makita sa isang bata. Tulad ng kakaibang tunog sa tuwing sila ay humihinga o ang paglunok ng paulit-ulit.
- Ang mga batang may asthma o kaya naman ay ear, nose, at throat issues ay mataas ang tiyansa na makaranas ng silent reflux.
Payo ni Sarah sa mga magulang
Dahil sa kaniyang naranasan may payo si Sarah sa mga magulang. Ayon sa kaniya, kung nararamdamang may mali sa anak huwag mahiyang ipaalam ito sa isang doktor. Huwag susuko hangga’t sa hindi nabibigyan ng karapatang lunas ang kondisyon ng anak.
“Keep pushing and advocating for your child. Find people who have come out the other end and ask them what they did. Ask which medical professionals were able to help and go see them.”
Ito ang pahayag ni Sarah.
Ang artikulong ito ay base sa kuwento ni Sarah Stacker sa The Nursery Collective’s Cathy Nelson-Williams. Sila ay maaring i-follow sa Facebook o Instagram.
Una ng nailathala ang artikulo sa KidSpot at muling nailathala sa theAsianparent Singapore na may pahintulot.
Mula sa salitang Ingles, ang artikulong ito ay isinalin sa wikang Filipino ni Irish Mae Manlapaz.
BASAHIN:
Silent reflux in babies: A concise guide for parents
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!