Ito ang benepisyo ng iisa lang ang anak, ayon mismo sa isang ina na sinuportahan ng mga pahayag mula sa mga eksperto.
Mababasa sa artikulong ito:
- Benepisyo sa pagkakaroon ng iisa lang na anak ayon sa isang ina.
- Pahayag ng eksperto at pag-aaral tungkol sa benepisyo ng iisa lang ang anak sa pamilya.
Benepisyo ng iisa lang ang anak
Para kay Marjory Abad, 31-anyos na inang mula sa Pasig City, pinalano niya talaga at ng kaniyang asawa na isa lang ang maging anak nila.
Sa edad niya noong 25 ay naisakatupanan niya nga ito. Siya ngayo’y may nag-iisang anak na lalaking pinangalanan nila ng kaniyang asawa na Hans Cedrik. Si Hans ay 5-taong gulang na sa ngayon.
Kuwento pa ni Marjory, na-cesarean man siya ng ipinganak si Hans, hindi naman ito ang dahilan kung bakit ayaw niya na itong sundan.
Pahayag ni Mayjory,
“Maayos ang experience ko, hindi ako masyadong nahirapan at nasaktan kahit CS. Siguro dahil mataas ang pain tolerance ko. Hindi ako natrauma o takot manganak ulit.”
Ang numero unong niyang dahilan ay dahil mahirap ang buhay. Dagdag pa ang walang mag-aalaga sa bago nilang baby kung sakali dahil pareho silang nagtratrabaho ng kaniyang asawa.
Pagkukuwento niya,
“May trabaho ako. My husband is also working in a BPO. Gusto niya sana dalawa kaso sa hirap ng buhay. At mahirap kumuha ng magaalaga dahil pareho kaming working, ayaw na rin niya.”
Image from Marjory Abad
Base sa karanasan ng isang ina
Nakokonsensya man siya kung minsan kapag naghahanap ng kapatid ang anak niyang si Hans, kinakausap at pinapaliwanagan na lamang nila ito.
“Naghahanap siya ng kapatid, dahil gusto niya may makakasama rin siya. May kalaro siya sa loob ng bahay. Kaya ini-explain namin sa kaniya na walang mag-aalaga sa bagong baby at naintindihan naman niya,” pagbabahagi ni Marjory.
Ang desisyon daw ni Marjory na ito ay suportado ng kaniyang mga magulang. Sapagkat tulad niya ay gusto rin nilang matustusan ng maayos ang pangangailangan ng apo nila.
Sa ngayon, ayon kay Marjory, dahil nag-iisa lang ang anak niya ay naibibigay nila ng kaniyang asawa ang mga pangangailangan nito. Pati na ang mga gusto nito na siyempre ay mayroon pa ring limitasyon.
“Nabibili namin lahat ng gusto niya but with limitations siyempre. Ayaw naman din namin siyang lumaking spoiled brat. Nakakapunta rin kami kung saan saan. Napag-aral namin siya sa private school since hindi mabigat sa gastos dahil mag-isa lang siya. Naturuan, natutukan o napalaki ko siya ng maayos. Pati ang future niya secured na dahil may life insurance na rin siya.”
Ito ang mga benepisyo ng iisa lang ang anak na napansin ni Marjory base sa nararanasan niya.
Image from Marjory Abad
BASAHIN:
4 parenting mistakes kaya lumalaking walang malasakit at pakialam ang bata
8 bagay na hindi mo dapat sabihin sa mga magulang ng only child
6 tips para sa pagtuturo sa anak sa bahay
Pahayag ng eksperto tungkol sa benepisyo ng pagkakaroon ng iisa lang na anak
Ayon sa social psychologist na si Dr. Susan Newman, ang pagkakaroon ng isang anak sa pamilya ay may parehong benepisyong naibibigay sa anak at sa magulang. Ito ay kaniya ngang napatunayan matapos ang pananaliksik at pag-aaral sa loob ng 30 taon.
Taliwas sa paniniwalaang malungkot ang mga nag-iisang anak, ayon kay Dr. Newman ay hindi ito totoo. Sapagkat karamihan ng mga nag-iisang anak na nakilala at nakapanayam niya ay sinabing masaya at kontento sila sa mga buhay nila.
Ito nga’y tinatalakay niya sa kaniyang librong pinamagatang “The Case for the Only Child”. Ang ilan nga sa benepisyo ng iisa lang ang anak na natukoy niya habang isinusulat ang kaniyang libro ay ang sumusunod:
1. Mas close ang mga nag-iisang anak sa mga magulang nila.
Base sa mga panayam na ginawa ni Dr. Newman, natuklasan niyang ang mga nag-iisang anak ay lumaking mas close o malapit sa kanilang mga magulang.
Sapagkat wala silang kakumpetensiya, sa kanila lang nakatutok ang atensyon ng mga magulang nila. Nabigay rin ng mga ito ang pagmamahal at pagsuporta na kanilang kailangan.
May ilan nga sa kanila ang nakapagsabi na itinuring nilang mga bestfriends ang mga magulang nila. Habang binibigyan sila ng mga ito ng seguridad at oportunidad sa kanilang mga buhay.
2. Kontento sila sa pagiging mag-isa o hindi sila napu-frustate kung isa lang ay nag-iisa lamang.
Dahil sa lumaking mag-isa, nasanay na ang mga nag-iisang anak na walang kasama. Ito ay hindi problema at kontento sila rito o hindi nagiging rason para sila ay mag-alala.
May mabuti pa nga umanong naidulot sa development nila. Sapagkat ang pagiging mag-isa noong sila’y bata pa ay naging daaan para mas maging creative sila. Ito ay dahil sa solo imaginative play na kanilang ginagawa habang sila ay lumalaki.
3. Mas palakaibigan at mas may tiyansang magkaroon ng loyal network of friends ang mga solong anak.
Ayon naman sa isang pag-aaral na ginawa ng California State University, natuklasang ang mga solong anak ay mas socially competent kumpara sa mga batang may kapatid.
Sila’y mas madaling magkaroon umano ng kaibigan o makihalubilo sa iba. Ang pagkakaroon ng maraming kaibigan din ang sinabi ng maraming solong anak na dahilan kung bakit sila hindi nalulungkot o nag-iisip na sila ay nag-iisa lang.
4. Masaya sila sa pagiging solong anak.
People photo created by tirachardz – www.freepik.com
Bagama’t maraming nagsasabi na malungkot ang buhay ng isang batang walang kapatid, pinabulaanan ito ng mga solong anak. Ayon sa kanila, lumaki silang maayos at hindi naghanap ng kapatid para sumaya. Sapagkat sa kanila nakasentro ang atensyon ng mga magulang nila. Kaya naman sila ay kontento, confident at masaya.
5. Mas matipid at naibibigay ng mga magulang ang kailangan ng solong anak.
Dahil sa isa lang ang anak, hindi umano nahihirapan ang mga magulang na buhayin at ibigay ang kailangan ng mga nag-iisang anak nila.
Hindi tulad ng maraming anak, ang magiging kinabukasan lang ng nag-iisa nilang anak ang pinoproblema nila. Kaya naman higit na mas naging madali ito at matipid kung ikukumpara sa ilang anak na kailangan mong alagaan, palakihin, pag-aralan at pagkagastusan.
Isa o marami mang anak, nakadepende pa rin sa inyong mga magulang kung paano mo masisigurong maayos ang pagpapalaki mo sa iyong anak.
Bagama’t, mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na resources o pera, higit na mas mahalaga rito ang oras at pagmamahal na maibibigay mo sa iyong mga anak. Sapagkat ito ang tunay na kayamanan na ite-treasure nila lumipas man ang maraming taon o kahit sila ay matanda na.
Source:
Susan Newman
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!