Inaresto ng National Bureau of Investigation ang isang babae matapos na tangkain nitong ibenta ang isang bagong silang na sanggol. Ang bentahan ng baby, idinadaan umano sa isang FB page, ayon sa Department of Justice!
Bentahan ng baby sa FB! Babae huli sa tangkang pagbebenta ng sanggol
Isang entrapment operation ang ikinasa ng National Bureau of Investigation sa Muntinlupa. Sa operasyon na ito nga nahuli ang isang babae na nagtangkang ibenta ang isang six-day-old na baby sa halagang P25,000.
Ayon sa report ng ABS-CBN, naglabas umano ng statement ang Department of Justice hingil dito. Pahayag ng DOJ, isinagawa ang entrapment operation ng NBI-Human Trafficking Division sa pakikipag-ugnayan ng Department of Social Welfare and Development, Inter-Agency Council Against Trafficking ng DOJ, at ng Cyber-TIP Monitoring Center. Naganap ang operasyon noong Martes, Hulyo 16.
Nakatanggap daw kasi ng impormasyon ang NBI-HTRAD mula sa Cyber-TIP Monitoring Center na nagkakaroon ng bentahan ng baby sa pamamagitan ng isang FB o Facebook page.
Kwento ng DOJ, isang NBI agent ang nag-undercover at nagpanggap na bibili ng baby. Doon nito nakausap ang isang nagpakilalang midwife.
Nahuli ang “midwife” sa napagkasunduang meeting place at agad naman na na-rescue ang ibinebentang sanggol at ngayo’y nasa pangangalaga ng DSWD.
Samantala, nahaharap naman sa kasong paglabag sa human trafficking at cybercrime laws ang nagbebenta ng bata, ayon sa DOJ.
Dagdag pa ng DOJ, ang naganap na matagumpay na operasyon ay nagpapakita ng ongoing efforts ng pamahalaan na labanan ang human trafficking. Pati na rin ang protektahan ang mga vulnerable members ng lipunan.
Babala!
Tandaan na ang pagbili at pagbebenta ng sanggol ay ilegal. Mayroong tamang proseso kung nais nating mag-ampon ng bata. Para maiwasan na maging sangkot sa human trafficking, piliin natin ang legal na proseso ng pagkupkop kung nais natin na magkaroon ng anak sa pamamagitan ng pag-aampon.
Maaaring makipag-ugnayan sa DSWD kung plano niyo ni mister o ni misis na mag-ampon ng bata.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!