Nakatutuwa na malamang mag best friend ang magulang at kaniyang anak. Dahil iisiping mas close sila at mas open sa isa’t-isa. Pero babala ng mga eksperto, maaring maging negatibo ang epekto nito. Lalo na pagdating sa pag-uugali at development ng isang bata.
Mababasa sa artikulong ito:
- Best friend ang magulang? Alamin kung paano ito makakasama sa paglaki at pag-uugali ng isang bata.
- Paano mapapalaking hindi spoiled ang iyong anak.
Best friend ang magulang? Bakit ito maaaring makasama
Lahat tayo nais na maging mabuting magulang para sa ating mga anak. Nais nating lumaki silang malapit sa atin ang loob. Hindi lang dahil masarap sa pakiramdam na hindi sila nahihiyang magsabi ng mga nararamdaman o pinagdadaanan nila, nagbibigay rin ito ng kapayapaan sa ating kalooban na alam natin ang nangyayari sa bawat tagpo ng kaniyang buhay.
Pero babala ng mga eksperto, ideal man kung maituturing, ang pagiging mag-best friend ng magulang at anak ay maaring hindi ito makabuti. Lalo na pagdating sa maayos na pagpapalaki at pag-uugali ng isang bata.
Photo by RODNAE Productions from Pexels
May conflict sa role ng magulang at bestfriend sa buhay ng isang bata
Unang-una, ayon kay David J. Bredehoft, isang psychologist, may malaking conflict sa role ng magulang at bestfriend sa buhay ng isang bata.
Sapagkat ang mga magulang ay ang gumagabay sa paglaki ng isang bata. Ito ay kaniyang ginagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng rules na para sa ikakabuti ng kaniyang anak.
At pagpoprotekta sa anumang paraan na alam niya para masiguro ang maayos na kinabukasan nito. Ang mga magulang din ay dapat na tumatayong mabuting ehemplo na lahat ng oras sa kaniyang anak.
Siya rin ang magtuturo ng mabuting asal o pag-uugali sa anumang sitwasyon. Habang ang mga bestfriends naman ay siyang napagsasabihan ng problema o kaya naman anumang major experience na maaaring nagpapasaya o gumugulo sa isang tao.
BASAHIN:
Mom confession: “Dahil mag-isa lang siya, naturuan, natutukan……Pati future niya secured na.”
Mataas ang tiyansang makaranas ng psychological distress ang anak na super close sa kaniyang magulang
Naipaliwanag ng isang pag-aaral, ang maaaring maging masamang epekto ng pagiging mag-best friend ng ina at kaniyang anak na babae.
Ayon sa nasabing pag-aaral, ang masyadong pagpapalitan ng sensitive information ng magulang at anak lalo na tungkol sa family at financial concerns ay maaaring magdulot ng psychological distress sa anak.
Partikular na kung ito ay tungkol sa relasyon ng kaniyang magulang o mga negative na kuwento tungkol sa kaniyang ama. Hindi rin umano ito nagiging daan para mas maging close sila. Ito ay base sa pag-aaral na nailathala sa Journal of Child and Family Studies noong 2002.
Mahihirapang maihiwalay ng magulang ang role niya bilang parent at bestfriend sa kaniyang anak
Photo by RODNAE Productions from Pexels
Base naman sa journal article na pinamagatang “When Parent Becomes Peer: Loss of Intergenerational Boundaries in Single Parent Families”, mahihirapang maibalik ng isang magulang ang kaniyang role bilang magulang sa oras na siya ay masyadong mapalapit tulad ng isang bestfriend sa kaniyang anak. Kakailanganin pa ng clinical intervention para maisagawa ito at ma-resolba ang conflict sa pagitan nila.
Maaaring mapalaking spoiled ng magulang ang anak niya
Kung ibabase naman sa research na ginawa ni Ian Pierpoint, ang mga magulang na nais sanang maging bestfriend ng kanilang anak ay gusto sanang magkaroon ng fun at cool na relasyon sa isa’t-isa.
Sila iyong mga nais sanang maging “listeners” ng hindi nagiging judgmental sa anak nila. Pero ito ay hindi posibleng mangyari, dahil ang mga magulang ay lagi dapat inuuna ang mabuting kapakanan ng kanilang anak. Hindi para laging ibigay ang makakapag-satisfy sa kanila kahit ito ay sobra o hindi na tama.
Paano mapalaki ng tama ng magulang ang kaniyang anak?
Photo by Ketut Subiyanto from Pexels
Bagamat dapat ay maging “friendly” ang relasyon ng magulang sa anak, babala ni Bredehoft, ito dapat ay hindi magiging super close ng tulad ng mag-bestfriends na.
Sa madaling sabi ay dapat maiwasang ma-overindulge ng isang magulang ang anak niya. Pero dapat ay mapanatili niya ang friendly o maayos nilang relasyon sa isa’t isa.
Ito ay magagawa sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa anak at pagbibigay sa kaniya ng iyong limits at expectations. Dapat ay hayaan rin siyang matutong gumawa ng mga gawaing-bahay.
Gabayan siya sa paraang hindi siya masasakal pero maituturo sa kaniya ang tamang asal. Ito ay napaka-halaga para masigurong siya ay may maayos na hinaharap o kinabukasan.
Source:
Psychology Today, Springer.com