Gumagamit pa rin ba kayo ng bigkis kay baby? Alamin kung bakit hindi ito pinapayo ng isang pedia.
Ang paggamit ng tradisyonal na bigkis ay naipasa sa akin ng mga nanay sa pamilya ko. Nakita kong ginamit ito ng nanay ko sa kapatid kong bunso, ng ate ko sa mga anak niya, at mga tiyahin sa mga pinsan kong mas bata.
Para sa akin, para rin itong lampin at gatas, na kailangan ng lahat ng sanggol.
Pinapahalagahan nating mga Pilipino ang ating kultura at mga nakaugaliang pamamaraan, lalo na kapag turo sa atin ng mga lolo at lola. Kasama rito ang pagbibigkis ng tiyan ng mga bagong panganak na sanggol, hanggang matanggal ang kanilang umbilical stump na konektado sa pusod.
Pero sa panahon ng bagong milenyo, maraming mga nagtatanong kung “uso” pa nga ba ito at dapat ba pang gumamit ng bigkis ang kanilang anak.
May mahalagang gamit ba ito sa mga sanggol, o makalumang paniniwala lang ito na hindi na dapat ginagawa ngayon, tulad ng paglalagay ng basang sinulid sa noo kapag sinisinok ang bata?
Para malaman ang sagot sa katanungang ito, tinanong namin si Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center tungkol sa usapin ng pagbibigkis at iba pang pamahiin pagdating sa pagpapalaki ng mga bata.
Talaan ng Nilalaman
Nakaugaliang pagbibigkis
Maraming mga kultura ang gumamit ng bigkis mula pa noong sinaunang panahon. Ginagamit ito para mapatahan ang umiiyak na sanggol. Isang simpleng tela na binabalot sa tiyan ng bata bago ito damitan at suotan ng lampin—wala namang masama, hindi ba?
Paniniwala noon, kapag sinikipan ang bigkis sa tiyan ng bata, mas mahina raw ang iyak niya.
Sabi naman ng mga manghihilot, kapag nagbigkis, lalo na kapag babae ang sanggol, lalaki itong balingkinitan at flat ang puson at tiyan. Kailangan lang ay tama ang pagkakabigkis: sakto sa sikip.
Nakakatulong din umano ang bigkis sa colic, kabag o iba pang sakit ng tiyan ng sanggol, na sanhi ng pag-iyak nito nang walang tigil. Nakakapagpainit din umano kasi ng tiyan ang bigkis. Sapagkat ang lamig sa tiyan ang pinaniniwalaan ng mga matatanda na sanhi ng pananakit ng tiyan ng mga sanggol.
May paniniwala rin na kapag binigkisan, magiging mas “maganda” umano ang itsura ng pusod ng bata, hanggang paglaki – nakapaloob, at hindi nakaluwa.
Subalit may basehan ba ang mga ito at talaga bang nakakatulong ang pagsusuot ng bigkis sa isang sanggol?
Ang pusod at tiyan ni baby
Ayon sa Healthlink British Columbia, ang pusod ng isang newborn baby ay kailangang protektahan at panatilihing malinis, hanggang kusang matuyo at matanggal ang “umbilical stump” na naiwan.
Ang abdominal area ng isang bagong panganak na sanggol ay sensitibo dahil sa pusod nito.
Kadalasang ginagamit ang bigkis para hindi magasgas o masagi ang pusod ng sanggol, ng damit o lampin. Iwas impeksiyon ito, dahil nga sariwa pa ang pinutol na pusod ng sanggol mula sa kaniyang nanay.
Sabayan pa ito ng pagiging sensitibo rin ng digestive system ng sanggol, kaya iritable ito at madaling umiyak.
Noon, ‘pinapayo pa ng mga pediatrician at midwife sa mga nanay ang pagbibigkis sa tiyan ng baby. Pero ngayon, marami nang mga medikal na pag-aaral ang nagsasabing hindi ito kailangan.
Bagkus, baka makahadlang pa sa maayos at normal na paghinga ng bata. Walang scientific study na nagpapatunay sa mga benepisyong makukuha ng bata sa pagbibigkis—lalo na ang pagiging balingkinitan paglaki.
Panganib ng pagbibigkis sa tiyan ni baby
Ganito rin ang sinabi ni Dr. Tiglao sa aming panayam. Direkta niyang sinabi na hindi na ipinapayo ng mga doktor na lagyan ng bigkis ang tiyan ng isang sanggol. Aniya, isa lamang itong paniniwala ng mga matatanda para maging maganda ang tiyan ng bata paglaki.
Pahayag niya,
“Hindi, hindi na namin ina-advise iyong paglalagay ng bigkis. Kasi ang gusto ng lolo at lola bigkis eh, para raw maging sexy ang baby.”
Minsan, dahil sa pagpupumilit ng matatanda, binibigkisan pa rin ng mga magulang ang kanilang anak. “Wala namang mawawala kung susundin.”
Subalit ayon kay Dr. Tiglao, ang pagsusuot ng bigkis sa sanggol ay maaari pa lang masama sa kaniya. Narito ang ilang dahilan:
“Tandaan po ninyo na ang bata pinanganak iyan na globular ang tiyan, ibig sabihin malaki ang tiyan kasi ang chest nila maliit pa. And they breathe through their abdomen ibig sabihin ang paghinga nila is sa diaphragm kaya nakikita ninyo iyang umaalon kapag humihinga sila. So ‘yan kapag nilagyan mo ng bigkis, mas mahihirapan silang huminga.” paliwanag ng doktora.
-
Mas lalo siyang maglulungad o susuka
“Kapag dumede si baby, iyong tiyan nila ay nasa gilid lang ng kanilang pusod kaya kapag tinalian ninyo, mas naglulungad sila lalo na kung mahigpit at kapag busog na busog.” ani Dr. Tiglao.
Tandaan na hindi pa gaanong developed ang digestive system ni baby, kaya naman madali siyang lumungad o sumuka lalo na kapag nasobrahan siya ng nadede.
-
Hindi matutuyo ang kaniyang umbilical stump
“Kung may pusod pa si baby o iyong stump, hindi po iyan matutuyo kung may bigkis.” aniya.
Mas matutuyo ang umbilical stump ni baby kung hahayaan lang itong kusang nakalabas at hindi natatakpan ng bigkis.
-
Maaring magkaroon ng impeksyon sa pusod
“At magiging source pa po ng infection iyan kung iyan ay namamasa-masa. Kasi minsan, ‘yang bigkis nalalagyan ‘yan ng ihi lalo na kapag ang baby ay lalaki ang ihi niyan pataas kaya mapapansin ninyo ang bigkis basang-basa.” paliwanag ni Dr. Tinglao.
Ang “air-drying” ang pinakamabilis, pinakaligtas, at pinakamadaling paraan para sa kusang matanggal ang “pusod” ng sanggol.
Kapag kasi binalot, makukulong ang moisture, at ito ang pinagmumulan ng pagdami ng bacteria. Kapag nakabalot din kasi, hindi mo kaagad mapapansin ang anumang impeksiyon na nagsisimula.
Tamang pangangalaga ng pusod
Pangunahing paalala at payo ng Philippine Pediatric Society (PPS) at American Academy of Pediatrics (AAP), ang regular na paglilinis ng umbilical stump ng isang sanggol, at pagpapatuyo nito ng walang balot o bigkis ay makakatulong para kusang matanggal ito.
Walang impeksiyon kung masusi ang paglilinis ng pusod ng newborn baby. Bago pa hawakan o linisin ang umbilical stump at ang bahagi ng tiyan sa paligid ng pusod, siguraduhing malinis ang kamay.
Kung nabasa ng ihi o nadampian ng dumi ang pusod, punasan ito gamit ang bulak na may kaunting tubig. Pagkatapos ay tuyuin ng malinis na tuwalya. Dampian lang ng dahan dahan at huwag kuskusin. Puwede ring hayaang matuyo ng kusa.
Kung hindi pa kusang natatanggal ang umbilical stump, hindi pa dapat paliguan sa bath tub ang sanggol. Sponge bath o pagpupunas lang muna ang dapat para kay baby.
Itanong sa pediatrician kung dapat bang gumamit ng alcohol, at kung anong uri ang dapat gamitin. Kung hindi sigurado, magpaturo rin kung paano linisin gamit ang alcohol.
Dagdag pa rito
Palaging tingnan kung may sugat, nana, pamumula, pamamaga o mabahong amoy mula sa pusod, pagkatapos na matanggal ng stump.
Huwag papahiran ng kahit anong cream o halamang gamot (tulad ng dahon ng bayabas at bawang) ang tiyan at pusod ng sanggol.
Iwasan ring lagyan ng antibiotic ang pusod, kahit pa may suspetsang naimpeksiyon ito. Kumonsulta muna sa doktor bago gumamit ng anumang paggamot.
Karaniwang natatanggal ang stump sa loob ng 7 hanggang 10 araw. Kumonsulta kaagad sa doktor kung hindi pa rin natatanggal ang umbilical stump sa ikatlong linggo pagkapanganak ng sanggol.
Huling paalala ni Dr. Tiglao, wala namang masama kung susundin ang mga paniniwala ng matatanda tungkol sa pag-aalaga sa ating baby. Subalit may hangganan rin ang pagsunod, lalo na kung ang kaligtasan ng iyong baby ang nakataya rito.
“Sa akin, hindi masama ang pamahiin as long as it doesn’t harm the baby. It doesn’t stop the development of the baby or it doesn’t hinder the health of the baby.
Ibig sabihin, kung nakakatulong sa paglaki niya, nakakatulong sa pangangalaga sa baby, okay lang na makinig.Pero kung sa tingin ninyo lalo lang siyang magkakasakit, lalo lang siyang hindi tatalino, I think you should always listen to your doctor, to your pediatrician kasi we are here to guide you.”
AAP Textbook of Pediatric Care, Mayo Clinic, Health Link British Columbia, Philippine Pediatric Society
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.