Tanong ni Mommy: Kailangan bang gumamit ng bigkis para kay baby?

lead image

Bagong milenyo na, pero may mga naniniwala pa sa bigkis. Makaluma nga ba ito, o tried and tested na ang bisa nito?

Ang paggamit ng tradisyonal na bigkis ay naipasa sa akin ng mga nanay sa pamilya ko. Nakita kong ginamit ito ng nanay ko sa kapatid kong bunso, ng ate ko sa mga anak niya, at mga tiyahin sa mga pinsan kong mas bata.

Para sa akin, para din itong lampin at gatas, na kailangan ng lahat ng sanggol.

Pinapahalagahan nating mga Pilipino ang ating kultura at mga nakaugaliang pamamaraan, lalo na kapag turo sa atin ng mga lolo at lola.

Kasama dito ang pagbibigkis sa mga bagong panganak na sanggol, hanggang matanggal ang “umbilical stump” o pusod na panlabas.

Pero sa panahon ng bagong milenyo, maraming mga nagtatanong kung “uso” pa nga ba ito. Dapat nga bang gumamit nito? May mahalagang gamit ba ito sa mga sanggol, o makalumang paniniwala lang ito na hindi na dapat ginagawa ngayon, tulad ng paglalagay ng basang sinulid sa noo kapag sinisinok ang bata? 

Nakaugaliang “pagbibigkis” o pag-gamit ng bigkis

Maraming mga kultura ang gumamit ng bigkis mula pa nuong sinaunang panahon.

Noong simula, ginagamit ito para mapatahan ang umiiyak na sanggol. Isang simpleng tela na binabalot sa tiyan ng bata bago ito damitan at suotan ng lampin—wala namang masama, hindi ba?

Paniniwala noon, kapag sinikipan ang bigkis sa tiyan ng bata, mas mahina daw ang iyak niya.

Sabi naman ng mga hilot, kapag nagbigkis, lalo na kapag babae ang sanggol, lalaki itong balingkinitan at flat ang puson at tiyan. Kailangan lang ay tama ang pagkakabigkis: sakto sa sikip.

Nakakatulong din daw ang bigkis sa colic, kabag o iba pang sakit ng tiyan ng sanggol, na sanhi ng pag-iyak nito nang walang tigil. Nakakapagpa-“init” din daw kasi ng tiyan ang bigkis, dahil ang lamig sa tiyan ang pinaniniwalaan ng mga matatanda na sanhi ng pananakit ng tiyan ng mga sanggol.

May paniniwala din na kapag binigkisan, magiging mas “maganda” daw ang itsura ng pusod ng bata, hanggang paglaki: nakapalood, at hindi nakaluwa.

May medikal na paliwanag ba ang lahat ng ito?

Ang pusod at tiyan ni baby

Ayon sa Healthlink British Columbia, sa kanilang medical article na pinamagatang “Umbilical Cord Care," ang pusod ng isang newborn baby ay kailangang protektahan at panatilihing malinis, hanggang kusang matuyo at matanggal ang “umbilical stump" na naiwan.

Ang abdominal area ng isang bagong panganak na sanggol ay sensitibo dahil sa pusod nito.

Ginagamit ang bigkis para hindi magasgas o masagi ang pusod ng sanggol, ng damit o lampin. Iwas impeksiyon ito, dahil nga sariwa pa ang pinutol na pusod ng sanggol mula sa kaniyang nanay.

Sabayan pa ito ng pagiging sensitibo din ng digestive system ng sanggol, kaya iritable ito at madaling umiyak.

Noon, 'pinapayo pa ng mga pediatrician at midwife sa mga nanay ang pagbibigkis sa tiyan ng baby. Pero sa bagong milenyo, marami nang mga medikal na pagsasaliksik ang nagsasabing hindi ito kailangan.

Bagkus, baka makahadlang pa sa maayos at normal na paghinga ng bata, ayon sa Mayo Clinic. Walang scientific study na nagpapatunay sa mga benepisyong makukuha ng bata sa pagbibigkis—lalo na ang pagiging balingkinitan paglaki.

Kuwento ng mga new mommies, nilinaw ng mga pedia na hindi na kailangan ng bigkis.

“Sabi ng doktor, mas mabilis pa daw matutuyo at matatanggal ang ‘umbilical stump’ kapag hindi nagbigkis,” paliwanag ni Ayka Moran, isang guro ng mga babies edad 3 to 12 buwang gulang sa isang nursery sa Dubai.

Kapag daw kasi nakabalot, mas magiging prone ang naghihilom na pusod sa moisture. Kaya hindi gagaling agad.

“Walong araw lang, natanggal na ng kusa ang ‘umbilical stump’ ng baby kong si Louise, nang,” dagdag niya.

Nilinis niya lang ito sa pamamagitan ng isang patak ng alcohol (90%solution) tuwing magpapalit ng lampin.

Ganon din ang payo ni Dr. Medilyn Canto, MD, pediatrician sa Medical Centrum Dagupan, kay Menchu Masangkay noong bagong panganak ang baby niyang sa Meily, 2 buwang gulang.

“Ipinakita niya sa aking kung paano linisin ng bulak na may alcohol, 'yong hindi basang-basa. Dampi-dampi lang sa pusod, tuwing pagkatapos maligo,” kuwento ni Menchu.

Nung natanggal na ang pusod (umbilical stump), nilinisan ng doktor gamit ang cotton buds na may alcohol. “Pagkatapos nun, sabi ni doktora, huwag na galawin kasi malinis na,” dagdag ni Menchu.

Pero sa kabila ng payo ng doktor, napilit pa rin ng mga tiyahin at lola ni Menchu na suotan ng bigkis si Baby Meily. Wala naman daw kasing mangyayaring masama.

Ang susi sa malusog na sanggol

Pangunahing paalala at payo ng Philippine Pediatric Society (PPS) at American Academy of Pediatrics (AAP) ang regular na paglilinis ng umbilical stump ng isang sanggol, at pagpapatuyo nito ng walang balot, o bigkis.

Ang “air-drying” ang pinakamabilis, pinakaligtas, at pinakamadaling paraan para sa kusang matanggal ang “pusod” ng sanggol. Kapag kasi binalot, makukulong ang moisture o basa, at ito ang pinagmumulan ng bacterial growth. Kapag nakabalot din kasi, hindi mo kaagad mapapansin ang anumang impeksiyon na nagsisimula.

Panatlihing malinis ang pusod ni baby pagkapanganak pa lang

Walang impeksiyon kung masusi ang paglilinis sa newborn baby. Bago pa hawakan o linisin ang umbilical stump at ang bahagi ng tiyan sa paligid ng pusod, siguraduhing malinis ang kamay.

Kung nabasa ng ihi o nadampian ng dumi ang pusod, hugasan ito ng kaunting tubig. Pagkatapos ay tuyuin ng malinis na tuwalya. Dampian lang ng dahan dahan at huwag kuskusin. Puwede ring hayaang matuyo lang sa hangin (air-dry).

Kung hindi pa kusang natatanggal ang umbilical stump, hindi pa dapat paliguan sa bath tub ang sanggol. Sponge bath o pagpupunas lang muna ang dapat para kay baby.

Karaniwang natatanggal ang stump sa loob ng 7 hanggang 10 araw.

Palaging tingnan kung may sugat, nana, pamumula, pamamaga o mabahong amoy mula sa pusod, pagkatapos na matanggal ng stump.

Itanong sa pediatrician kung dapat bang gumamit ng alcohol, at kung anong uri ang dapat gamitin. Kung hindi sigurado, magpaturo din kung paano linisin gamit ang alcohol.

HUWAG papahiran ng kahit anong cream o halamang gamot (tulad ng dahon ng bayabas at bawang) ang tiyan at pusod ng sanggol.

HUWAG lagyan ng antibiotic ang pusod, kahit pa may suspetsang naimpeksiyon ito. Ikunsulta agad sa pedia bago gumamit ng anumang paggamot.

Kumunsulta kaagad sa doktor kung hindi pa rin natatanggal ang umbilical stump sa ikatlong linggo pagkapanganak ng sanggol.

Kung katulad ni mommy Menchu na hindi makatanggi sa mga matatanda, dahil din ayaw na masaktan ang damdamin nila—at susundin na lang ang payong pagbibigkis, siguraduhin lang na hindi mahigpit ang paglagay para hindi makahadlang sa paghinga ni baby.

Tingnan palagi o maya’t maya, para masigurong hindi nagpapawis at nababasa. Basta’t alam ang lahat ng tamang impormasyon tungkol dito, at sisiguraduhing palaging malinis at tuyo, at maaagapan ang impeksiyon, wala na ring masama kung pagbibigyan ang payo ng matatanda.

May mga “baby brands” na gumagawa pa rin ng mga makabagong bigkis o belly binder tulad ng Juju at MEMEENO Belly Band. Organic cotton ang material, at ligtas naman ito, ayon sa mga gumagamit nito at sa mga doktor na nagrerekumenda nito.

 

Sources: AAP Textbook of Pediatric Care, Mayo Clinic, Health Link British Columbia, Philippine Pediatric Society

Basahin: 10 home remedies para sa kabag ng baby

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!