Biktima ng bullying inihagis ang schoolmate na nambubully sa kaniya sa 4th floor ng kanilang school building. Estudyanteng inihagis nasa kritikal na kondisyon ngayon.
Biktima ng bullying
Kitang-kita sa CCTV kung paano inihagis ng isang secondary student sa 4th floor ng kanilang school building ang kaniyang schoolmate sa Guangxi, China.
Ang biktima ay kinilalang si Wei na nasa kritikal na kondisyon. Ayon sa kaniyang kapatid, si Wei ay nagtamo ng multiple organ ruptures, punctured lung, severe bleeding at multiple fractures.
Kinilala naman ang nang-hagis sa kaniya sa building na si Huang.
Base sa kuha ng CCTV ay makikitang nasa corridor ng building ang mga estudyante ng paaralan. Nang biglang may matangkad na estudyante ang bumuhat sa isa sa kapwa niya estudyante saka inihagis ito palabas sa kanilang building.
At ng makitang bumagsak na ito ay kalmadong bumalik ang matangkad na estudyante sa kanilang silid-aralan. Habang ang ibang estudyante ay nagulat at natulala lang sa nangyari.
Ang matangkad na estudyante na ito ay kinilalang si Huang na agad namang inaresto dahil sa nangyari.
Ngunit, pahayag ng ina ni Huang, ang anak niya ay biktima ng bullying na kung saan kabilang si Wei sa laging nambubully sa kaniya. Kahit daw matangkad ito ay lagi siyang inaasar at hinahabol ng grupo ni Wei. At wala daw magawa ang mga guro sa kanilang paaralan sa pambubully na ginagawa sa kaniya dahil takot din silang makialam.
Umalma naman ang pamilya ni Wei sa pahayag na ito. Habang patuloy naman na gumugulong ang imbestigasyon ng mga pulis tungkol sa insidente.
Paano maiiwasan ang bullying
Ang bullying ay isang seryosong isyu na kinakaharap ng mga bata na hindi dapat balewalain ng mga magulang. Dahil ito ay maaring magdulot ng lasting effects sa kanila tulad ng low self-esteem, depression, emotional scars, suicidal thoughts, anger at mental and physical health problems.
Ngunit maaring maiwasan ng biktima ng bullying ang mga nabanggit na epekto kung makakuha siya ng tamang suporta at atensyon mula sa kaniyang mga magulang ukol dito. Ano ang dapat gawin? Narito ang ilang tips na makakatulong para maiiwas o mailigtas ang iyong anak kung siya ay biktima ng bullying.
Tips para sa mga magulang na may anak na biktima ng bullying
Makinig at mag-offer ng comfort at support sa iyong anak.
Mahalagang maramdaman ng iyong anak na ikaw ay may oras na makinig sa mga pinagdaanan niya. Sa ganitong paraan ay makakuha siya ng kasangga o ng taong puwede niyang sandalan laban sa kinakaharap na problema.
Importanteng maiparamdam sa kaniya na handa kang makinig kahit anong oras at handang damayan siya sa kaniyang pinagdaanan.
Sa oras na mag-kuwento ang iyong anak ay purihin siya at sabihing tama ang kaniyang ginawa.
Ito ay para maipakita sa kaniya na ang pagsasabi sayo ng kaniyang nararamdaman at nararanasan ay tama at hindi niya dapat katakutan. At kung mayroon mang mali ang ginagawa ito ay ang taong nananakit o nambubully sa kaniya.
Ipaliwanag rin sa kaniya na hindi lang siya ang biktima ng bullying marami ang katulad niya. Hindi rin siya dapat matakot dahil hindi siya mag-isa sa pagharap sa kaniyang problema dahil nandyan ka.
Ipaalam sa school principal, nurse, teacher o counselor ang pinagdadaanan ng iyong anak.
Makakatulong ito para sila ang mag-monitor o mag-bantay sa iyong anak mula sa nambubully sa kaniya sa eskwelahan. Sila rin ang mga tamang taong dapat lapitan para matulungan ka sa paggawa ng hakbang para maitigil na ang pambubully na nararanasan ng iyong anak.
Kausapin ang mga magulang ng nambubully sa iyong anak.
Magandang hakbang rin ang pagkausap sa mga magulang na nambubully sa iyong anak. Dahil sila ang nasa tamang posisyon para itama o disiplinahin ang maling ginagawa ng anak nila. Ngunit mas makakabuti kung ito ay iyong gagawin sa harap ng counselor o guro na mas makakapagpatunay o makakapagpaliwanag ng mga nangyayari sa eskwelahan na kinasasangkutan ng kanilang anak.
Makakatulong rin kung laging ipapaala sa iyong anak ang mga advice na ito:
- Iwasan niya ang bully at humanap ng lagi niyang makakasama. Ito ay para maipakita sa bully na may handang tumulong sa kaniya sa oras na gusto nila siyang saktan o kaya naman ay asarin.
- Ipaalala sa iyong anak na kung kaya hangga’t maari ay maging kalmado lang iwasang magalit o magpaapekto sa ginagawa ng bully sa kaniya. Dahil sa oras na nakita nitong lalo siyang nagagalit o naasar ay mas lalo lang nitong uulitin ang kaniyang ginagawa.
- Umastang matapang, hayaan at huwag pansinin ang bully. Habang ginagawa niya ito ay maiisip ng bully ng wala siyang mapapala sa kaniyang ginagawa at ito ay titigil na.
- Sa oras rin na makaranas siya ng pambubully mula sa kaklase o ka-eskwela niya ay payuhan siya na agad na magsumbong sa guro, principal o kung sinumang adult na maaring makatulong sa kaniya na maitigil ang pambubully na ginagawa sa kaniya.
Bilang magulang ay napakahalaga ng iyong ginagampanang papel para maproteksyonan ang iyong anak mula sa pambubully. Kaya huwag basta maging kampante at bigyang pansin ang mga isyung kinakaharap ng iyong anak lalo na kung ito ay tungkol sa bullying.
Source: Mental Health America, Kid’s Health, AsiaOne
Photo: Freepik
Basahin: “Bully daw ang anak ko!” Mga dapat malaman tungkol sa bullying
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!