Nag-viral ang storya ng isang high school student na nakuhanan ng video na sinasaktan ang kaniyang mga ka-eskwela. Napakarami pang ibang video ng ganitong mga pag-uugali na kumalat na at napulaan na ng mga netizens—mga taong kumakastigo sa ganitong pang-aapi at “masamang ugali” lalo sa mga walang labang bata, mga matatanda o simpleng mamamayan na hindi marunong gumanti o manigaw din.
Bakit nagalit ang mga tao? Dahil walang may gusto sa ugaling ganito, sa mga taong ganito ang pinapakita sa kapwa. Walang may gusto sa isang “bully.”
Sanay tayong marinig o makita ang ganitong pag-uugali sa mga bata, sa eskwelahan. Pero kapag mga nakatatanda na ang umaasal ng ganito, nanggagalaiti din tayo sa galit, kasi hindi natin ito dapat nakikita sa mga “hindi na bata”. Ang ganitong pag-uugali ay nag-uugat sa pagkabata. At kung hindi nasupil o nagabayan ay lalaking dala ang ganitong asal at walang respeto sa kapwa.
Bullying ang isa sa pinakamalaking problema ng mga magulang at guro sa mga eskwelahan, lalo na sa mga pre-adolescent.
Kung may anak ka na pumapasok na sa eskwelahan, malamang ay na-engkwentro mo na ang salitang “bully”, o ang mga insidenteng may kinalaman dito.
Bullying ang isa sa pinakamalaking problema ng mga magulang at guro sa mga eskwelahan, lalo na sa mga pre-adolescent. Ito ay sitwasyon kung saan ang nakakaawa at walang laban mong anak ay walang humpay na tinutuya, tinutukso, hina-harrass at inaabuso ng emosyonal o piikal ng isang bata o grupo ng bata sa eskwelahan. Awa para sa anak at galit para sa batang bully ang nararamdaman ng mga magulang.
Pero paano kung nabaligtad ang sitwasyon, at ang anak mo ang binansagang bully? Ipinatatawag ka ng Principal dahil ang anak mong kay bait kapag kasama mo, ay siyang nanunuya, nananakit at nananakot sa mga kaklase niya?
Natural lang na hindi mo mapaniwalaan ito, dahil nga lahat naman ng utos mo ay sinusunod niya sa bahay, at hindi ka rin nagkukulang sa pangaral. “Denial” ang unang reaksiyon: “Hindi totoo. Baka nagkakamali kayo.”
Pero habang pinapaliwanag ng guro ang insidente, unti-unti mong naiintindihan at naiisip na, “Oo nga. Hindi malayong mangyari.” Karaniwang lumalabas ang ibang ugali, o “dark side” ika nga, lalo na kapag nagiging pre-adolescent at teenager na ang bata.
Ang dating mahiyain at masunurin, posible ngang naging overconfident at “malupit”, na pinipiling biktimahin ang mga walang laban at mahiyain sa eskwela—at hindi mo alam kung paano at kailan ito nagsimula.
Ang profile ng isang bully
“It’s easy to hate and judge, kapag ang anak mo ang nabu-bully. Pero iba na ang usapan kapag ang anak mo ang ‘agressor’,” paliwanag ni Anna Reyes-Mestidio, isang Resource Specialist at teacher sa Middle School at High School sa Luther Burbank High School sa Sacramento, California.
Aminado si Mestidio na hindi niya rin alam kung paano niya tatanggapin ang ganitong balita kung mangyari ito sa 2 binatang anak niya.
Pero sa eskwelahan, iniimbistigahan nila ang pangyayari at pinakikinggan ang parehong panig. “Kailangang kasing maintindihan at malaman kung saan nanggagaling ang ganitong behavior,” dagdag niya.
Ang isang bully ay likas na mukhang confident—astig at mayabang, ayon sa mga kapwa bata. Pero ang totoo, siya ay may kinikipkip na insecurity at hindi niya alam kung ano nga ba talaga ang gusto niyang pagkatao na makilala o makita ng iba.
Ang isang bully ay likas na mukhang confident—astig at mayabang, ayon sa mga kapwa bata. Pero ang totoo, siya ay may kinikipkip na insecurity at hindi niya alam kung ano nga ba talaga ang gusto niyang pagkatao na makilala o makita ng iba.
Minsan, pwede ring bored lang siya, sabi ni Mestidio; madalas, may inggit lang. Meron din silang double personality: sa isang banda ay cool at charming lalo sa harap ng mga magulang at guro, pati sa opposite gender, pero biglang magiging mayabang at walang awa sa harap ng mga kaibigan at biktima nila.
Madalas, ang ugaling negatibo ng isang “bully” ay repleksiyon ng isang tao sa pamilya o bahay na may likas na strong personality, istrikto at overbearing.
Madalas, ang ugaling negatibo ng isang “bully” ay repleksiyon ng isang tao sa pamilya o bahay na may likas na strong personality, istrikto at overbearing. Karamihan din sa mga nagiging bully ay naging biktima din ng bullying, sa bahay o sa paaralan, paliwanag ni Mestidio.
Oo, may mga magulang o kapatid na bully din, o mga kapitbahay o kaanak na sila naman ang tinuya at napag-initan, kaya natutunan ng bata ang ganitong ugali. Minsan naman, nagiging ganito ang ugali at pamamaraan ng pagtrato sa kapwa dahil may inner conflict, at hindi pa tuluyang matunton ang pagkakakilanlan o identity, lalo kapag adolescent.
Marami kasing pressure habang lumalaki. Gusto nilang maging “best”, pero ang tanging paraan na alam nila ay ang awayin at pag-initan ang mga kaklase o kakilala na mas matalino, mas athletic, mas maganda o guwapo, at kung anu-ano pang higit sa kanila.
May batas na patungkol sa bullying
Noong 2013, pinirmahan ni noo’y Pangulong Benigno Aquino III ang ang Republic Act 10627 o ang Anti-Bullying Act of 2013, isang batas na nagbabawal sa bullying sa mga paaralan sa buong bansa.
Ayon sa batas, itinuturing na bullying ang, “any severe or repeated use by one by one or more students of a written, verbal or electronic expression, or a physical act or gesture, or any combination thereof, directed at another student that has the effect of actually causing or placing the latter in reasonable fear of physical or emotional harm or damage to his property; creating a hostile environment at school for the other student; infringing on the rights of the other student at school or materially and substantially disrupting the education process or the orderly operation of a school.”
Sa ilalim ng nasabing batas, ang lahat ng paaralan sa elementarya at sekondarya ay kinakailangang gumawa ng mga polisiya laban sa bullying sa kani-kanilang institusyon. Kailangang bigyan ng kopya ang mga mag-aaral at magulang nila ng kopya ng polisiyang ito, at gawing maliwanag sa lahat ang magiging disciplinary action o parusa sa bullying. Kasama sa batas na ito ang cyber-bullying.
Nasa batas din ang parusa para sa paghihiganti sa mga nagsumbong o nagbigay ng impormasyon tungkol sa insidente ng bullying. Dapat ding confidential ang pagkakakilanlan ng mga nasangkot sa bullying. Bukod sa parusa, kailangang sumailalim sa isang rehabilitation program ang “bully”. Inaatasan ang mga paaralan na pangangasiwaan ang programang ito.
Mga importanteng tanong na dapat sagutin:
1. Gaano na kalala ang bullying?
2. Nakausap na ba siya (ang bata) ng Guidance Counsellor, guro, o Principal tungkol sa “behavior” na ito?
3. Humingi na ba siya ng paumanhin at nakipag-usap ng harapan, na may kasamang guro o Principal, sa batang na-bully niya?
4. Ano ang hakbang na ginawa o ginagawa ng eskwelahan tungkol dito? May binigay na bang “sanction” o disciplinary action?
5. Kailangan ba ng counselling?
Mga hakbang para matulungan ang bata
Ang bullying ay isang seryosong isyu. Mahirap tanggapin kapag nalaman ng isang magulang na bully ang kaniyang anak, o nakakayang manakit ng kapwa, emosyonal man o pisikal. Alam kasi natin ang posibilidad na paglaki nito, ganito rin ang gagawing pag-trato sa ibang tao. Paano nga ba sisimulang kausapin ang anak na nam-bully?
Gumawa ng isang “action plan” bago kausapin ng masinsinan ang anak. Tandaan na ang isyung ito ay usaping pam-pamilya, kaya’t mas mabuting nandun ang parehong magulang, hangga’t maaari. Bata man o teenager ang anak, hindi maaaring hindi kausapin at paliwanagan ng sitwasyon.
Mas mabuti ring kausapin ang bata hindi lang sabay, kundi magkahiwalay din (si Nanay muna, tapos si Tatay, halimbawa), payo ni Mestidio. Dito mapaparamdam sa anak na seryoso ang usaping ito, at parehong magulang niya ay concerned sa ikabubuti niya.
Mahalaga ding maramdaman at malaman niya na may nakikinig sa kaniya at alala ang mga magulang at pamilya niya sa nararamdaman at iniisip niya.
Kailangang maintindihan ng bata na may united front, o nagkakaisa ang parehong magulang sa pag-kundena ng ginawa niya, pero hindi kinukundena ang bata bilang anak. Ipaliwanag sa anak na may consequence ang lahat ng ginagawa natin, masama man o mabuti. At kung anong ginagawa sa eskwelahan na nakakasakit sa kapwa, ay may sanction at consequence din sa bahay, dagdag ni Mestidio.
Pakinggan ang sasabihin ng anak. Ayon sa may akdang si Blyth F. Hinitz, sa kaniyang librong Impeding Bullying Among Young Children in International Group Contexts (Ebook), mahalaga ding maramdaman at malaman niya na may nakikinig sa kaniya at alala ang mga magulang at pamilya niya sa nararamdaman at iniisip niya. Tulungan siyang i-proseso ang pakiramdam at iniisip, para malaman bakit ito nangyayari, at ano ang pwedeng gawin para matigil ito.
“Reserve your judgment,” sabi nga ni Mestidio. Kahit pa gaano “kalinaw” para sa inyo ang nangyari sa paliwanag na mga guro sa eskwelahan niya, maigi pa ring bigyan ng pagkakataon ang bata na sabihin ang panig niya. Kailangan niyang maramdaman na pakikinggan siya, at hindi siya lubusang masama, at higit sa lahat, may pagkakataon siyang magbago at mabago ang pagtrato sa iba.
Kung marami pang insidenteng nangyari pagkatapos ng pag-uusap ninyo, hwag mag-atubiling bigyan pa siya ng dapat na sanction at consequence. “Madalas, you take away certain privileges tulad ng TV, tablet o gadgets, game consoles o paglabas kasama ang mga kaibigan. May mga nagbibigay ng extra chores o responsibilidad sa bahay tulad ng paglilinis ng kotse, pagtulong sa kusina, etc,” dagdag ni Mestidio.
Close monitoring ang kailangan. Alamin na kung nasan siya kapag wala sa eskwela, sino ang mga kasama. Kumustahin siya sa guro ng mas madalas kaysa dati. Higit sa lahat, maging kaibigan din sa kaniya, pero huwag isantabi ang pagiging magulang. Huwag naman siyang bantayan na parang preso. Bigyan pa rin siya ng pagkakataong mag-desisyon para sa sarili, at gawin ang nais, nang may alam na limitasyon.
May mga pag-aaral na nagsasabing marami sa atin, kundi man tayong lahat, ay naging bully din, sa isang punto ng buhay natin. Ang mga nabansagang “bully” ay ang mga taong nagpatuloy sa gantiong pagtrato sa kapwa, at hindi natatakot sa magiging consequence. Minsan naman, lumalabas ito kapag may mga “triggers” o sitwasyon na nailalabas ang galit at napagdidiskitahan ang mga kawawang biktima.
Kaya’t, hindi—hindi ito ang katapusan ng mundo para sa anak na bully. Kung bibigyan siya ng pansin at pagpapahalaga ngayon, at patuloy siyang tutulungan at gagabayan, matututunan niya ang paggalang at tamang pakikipagkapwa.
Sources:
Anna Reyes-Mestidio, Resource Specialist at teacher, Luther Burbank High School, Sacramento, California
Impeding Bullying Among Young Children in International Group Contexts (Ebook) ni Blyth F. Hinitz
A Playworker’s Guide to Understanding Children’s Behaviour (Working with the 8-12 Age Group) ni Andrea Clifford-Poston
BASAHIN: Nagdadalaga-Nagbibinata: Paano nga ba magpalaki ng tweens sa panahon ngayon?