Kamakailan lang ay ay nabalita ang isang 19-taong gulang na grade 11 student na biktima ng bullying. Siya raw ay binugbog ng mga kamag-aral niyang grade 12.
Nangyari di umano ang insidente sa loob mismo ng kanilang paaralan sa Mangaldan, Pangasinan.
Biktima ng bullying, namatay sa tinamong pinsala
Namatay raw dahil sa tinamong pinsala ang grade 11 student na si Kenneth Langit. Nangyari ito 2 araw matapos siyang ma-confine sa ospital dahil na-comatose sa pambubugbog.
Ayon sa mga witness, palabas na raw ng canteen ang biktima nang bigla syiyang sugurin ng isang mag-aaral. Pinagsusuntok daw si Kenneth ng suspek na si George Maramba, ngunit lumaban pa raw ang biktima. Humingi ng tulong ang suspek, at tinawag ang mga kaibigan nitong sina Jason Soriano, at Jay-R Biagtan, mga grade 12 students.
Binugbog ng 3 si Kenneth at dali-daling umalis matapos ang insidente. Nakalabas pa raw ng canteen si Kenneth, ngunit bigla na lang daw itong nawalan ng malay. Napag-alaman na nagkaroon ito ng pagdurugo sa utak na naging sanhi ng kaniyang coma.
Selos raw ang naging dahilan ng pambubugbog
Ayon sa pulisya, tinitingnan nila ngayon ang anggulo ng pagseselos bilang motibo ng mga estudyante sa ginawa nila. Ito raw ay dahil nagkagusto raw sa biktima ang nobya ng isa sa mga suspek.
Dagdag pa ng paaralan na maayos daw ang record ng binatilyo, at hindi raw ito nasasangkot sa kahit anong gulo.
Sumuko na sa mga awtoridad ang 2 sa mga suspek, at ang ikatlo ay nahuli sa isinagawang manhunt ng mga pulis.
Kakasuhan ang mga suspek ng frustrated murder. Nasa edad 19, 22, at 23 raw ang mga ito. Inaantay na lamang ang ina ni Kenneth na isang OFW upang masimulan na ang pagsampa ng kaso sa tatlo.
Hindi dapat hinahayaang mangyari ang pambubully
Mahalaga para sa mga magulang ang pangalagaan ang kaligtasan ng kanilang mga anak. Kaya’t importanteng alam rin nila kung ano ang magagawa nila kung sakaling maging biktima ng pambu-bully ang kanilang anak.
Heto ang ilang mga bagay na dapat tandaan:
- Ipaalam sa iyong anak na puwede siyang dumulog sa iyo kung mayroon man siyang problema.
- Wag mong sabihin sa iyong anak na kasalanan niya ang nangyari, o kaya na dapat ay may ginawa siya upang lumaban.
- Intindihin ang problema ng anak, at tulungan siyang mag-isip ng paraan kung paano mareresolba ang pangbubully sa kaniya.
- Kung kinakailangan, lumapit sa paaralan upang ireport ang insidente.
- Puwede ring kausapin mo ang bully, o kaya ang mga magulang ng bully upang maresolba ang nangyari sa iyong anak.
Kung ang anak mo naman ang bully, ito ang mga kailangan mong gawin:
- Ipaalam sa iyong anak kung ano ang bullying, at bakit ito hindi dapat ginagawa.
- Ipaunawa mo sa kaniya ang epekto nito sa ibang bata, at kung ano ang nararamdaman ng mga batang binubully nila.
- Bantayang mabuti ang mga kaibigan at barkada ng iyong anak, dahil baka napapasama siya sa mga hindi mabubuting kaibigan.
- Alamin kung biktima ng bullying ang iyong anak. May mga pagkakataon kung saan ang bully ay siya ring biktima ng bullying. Baka ito ang dahilan sa mga aksyon ng iyong anak.
- Kausapin ang iyong anak at alamin kung mayroon ba silang problema sa school. Minsan ang bullying ay epekto ng pagkakaroon nila ng emotional problem.
- Disiplinahin ang iyong anak, pero huwag silang saktan o sigawan. Mahalagang ituro sa kanila kung ano ang tama, at hindi basta parusahan dahil sa nagawang kasalanan.
Source: GMA News
Basahin: Mag-aaral ng Ateneo high school nahuli sa video na binubugbog ang mga kaklase
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!