Nakakaranas ng sintomas ng binat pagkatapos manganak? Narito ang sinasabing mahalagang bagay na dapat mong gawin ayon sa mga doktor.
Sintomas ng binat pagkatapos manganak
Tayong mga Pilipino ay maraming paniniwala at pamahiin. Marami nga sa mga ito’y iniiuugnay sa pagbubuntis at pangaganak ng isang babae.
Partikular na sa tinatawag na binat matapos manganak na sinasabing maaaring makamatay o kaya naman ay maging dahilan upang mawala sa kaniyang sarili at tuluyang mabaliw ang isang bagong panganak na babae.
Paliwanag ng Obstetrician-Gynecologist o OB-Gyne na si Dr. Jennifer Francisco, walang masamang maniwala sa mga paniniwala ng mga matatanda.
Subalit sa medikal na larangan, ang sintomas ng binat pagkatapos manganak na nararanasan ng isang ina’y hindi lang basta binat kung hindi palatandaan ng pagkakaroon ng problema o komplikasyon sa naging panganganak niya. Pahayag ni Dr. Francisco,
“Binat it is a series of signs and symptoms wherein our elderlies would associate these symptoms to a problem related right after giving birth.”
Ganito rin ang pahayag ng isa pang OB-Gynecologist na si Dr. Kristen Cruz-Canlas. Ayon kay Dr. Canlas, ang puerperium o postpartum period ay ang panahon na kung saan nagre-recover mula sa panganganak ang isang babae.
Ito rin ang panahon na kung saan sinasabing mas prone siyang makaranas ng pinaniniwalaang sintomas ng binat pagkatapos manganak na hindi lang basta binat ngunit epekto ng kaniyang naging panganganak.
Ilan nga sa sinabi niyang sintomas ng may binat sa panganganak ang isang babae ay ang pananakit ng ulo, lagnat, labis na pagdurugo, pakiramdam ng pagkaginaw. Mayroon namang itong medikal na paliwanag kung bakit nararanasan.
Bakit nakakaranas ng sintomas ng may binat sa panganganak ang babae?
Image by samuel Lee from Pixabay
Tulad ng lagnat na posibleng palatandaan na nakakaranas na ng impeksyon ang isang babaeng bagong panganak na hindi dapat binabalewala.
Ang pakiramdam ng pagkaginaw na normal na nararanasan ng ating katawan kapag tayo ay nawalan ng maraming dugo tulad ng nangyayari pagkatapos natin manganak. Paliwanag pa ni Dr. Francisco,
“Fever is a sign that the infection is already in the blood. Fever may be cause ng sugat. Pwede ring na-dehydrate siya o hindi nakakain ng mabuti. It really varies from a very mild problem into a severe one.”
“When we gave birth, we actually loose blood. There’s a normal amount of blood wherein we lose during childbirth.
And the circulation of blood will actually keep also our thermal regulation. Kapag nag-lose tayo ng blood mas madali tayong lamigin.”
Babala ni Dr. Francisco, ang sintomas ng binat pagkatapos manganak na ito ay hindi dapat isinasawalang bahala. Lalo na ang labis na pagdurugo o bleeding na maaaring pagsimulan pa ng dagdag na komplikasyon.
Paano ba masasabing normal pa o hindi na ang bleeding o pagdurugo na nararanasan ng babaeng bagong panganak?
Ang mga babaeng bagong panganak ay naglalabas ng vaginal discharge na tinatawag na lochia. Ito ay binubuo ng dugo at lining mula sa uterus ng noon ay babaeng buntis.
Sa pagdaan ng araw o linggo matapos manganak ay nag-iiba ang kulay nito. Mula sa matingkad na pula, ito ay nagiging kulay pink hanggang mawalan na ng kulay at bumalik sa normal.
Pero may posibilidad na kahit biglang humina ay lumakas muli ang pagdurugo kung labis na magiging active ang babaeng bagong panganak. Normal lang din na may lumabas na buo-buong dugo kasabay ng vaginal discharge na ito.
Dapat namang magpunta na sa doktor ang babaeng bagong panganak kung siya ay nakakaranas ng labis na pagdurugo. Masasabing labis na ang pagdurugo, kung nakakapuno ang babaeng bagong panganak ng isang napkin sa loob lamang ng kada 3 oras o wala pa.
Lalo na kung imbis na humina sa pagdaan ng mga araw ay mas lumalaks pa ito. Kahit na nagpapahinga ka na o wala namang masyadong ginagawa. Kung nakakaranas ng mga ito at nag-aalala na sa iyong kondisyon ay mabuting kumonsulta na sa iyong doktor.
Baby blues vs postpartum depression
Hindi rin dapat isawalang bahala ng isang babaeng bagong panganak ang nararanasan niyang anxieties o depression matapos manganak.
Tulad ng nakakaramdam na ng labis na kalungkutan ang isang ina at naiisipan niya ng saktan ang sarili o baby niya. Ang mga ito kasi ay posibleng sintomas na ng postpartum depression na dapat ay mabigyan agad ng pansin ng isang espesyalista.
Maaari rin siyang makaranas ng tinatawag lang na baby blues. Ito ay normal na nararanasan ng babaeng bagong panganak matapos ang ilang araw matapos isilang ang kaniyang baby.
Dulot ito ng hormonal changes sa katawan na kadalasang iniugnay sa sintomas ng may binat sa panganganak ang babae. Ang mga palatandaang nakakaranas ng baby blues ang isang babae ay ang sumusunod:
- Biglang pag-iyak ng hindi maipaliwanag.
- Pagiging iritable.
- Insomnia o hirap sa pagtulog.
- Kalungkutan.
- Pabago-bago ng mood.
- Pakiramdam ng labis na pagkapagod.
Kung ang tinatawag na baby blues na bagong panganak ay tumagal ng ilang linggo o buwan o mas nagiging malala ang sintomas, maaring ito ay depression na.
Lalo na kung nakakaapekto na ito sa araw-araw niyang paggalaw at nagbibigay sa kaniya ng ideyang saktan ang sarili o ang kaniyang sanggol.
Paano maiiwasan ang sintomas ng binat pagkatapos manganak?
Payo ni Dr. Francisco, pagdating sa mga nararamdamang sintomas ng binat ng bagong panganak, ang pangunahing paraan upang maiwasan ito’y ang tamang pag-aalaga ng isang babae sa kaniyang katawan at sarili na nagsisimula sa kaniyang pagbubuntis pa lamang.
Food photo created by freepic.diller – www.freepik.com
“Mag-uumpisa sa good prenatal care kasi kung walang komplikasyon ‘yong pagbubuntis right after pregnancy mas lesser ‘yong complications. After the pregnancy, alagaan nila ‘yong sarili nila.”
Magagawa umano ang pangangalaga na ito ayon kay Dr. Francisco sa pamamagitan ng pagiging malinis sa katawan. Partikular na sa kanilang sugat o vaginal area na maaaring ma-infect kung mapabayaan.
Kailangan ding umanong kumain ng mga masusustansiyang pagkain at magkaroon ng sapat na pahinga na kailangan ng katawan ng babaeng bagong panganak upang mas mabilis na maka-recover. Ito rin ang pinakamainam na gamot sa binat ng bagong panganak.
Payo naman ni Dr. Canlas, dapat ding panatilihing well-hydrated ang katawan ng bagong panganak na babae. Dapat ding i-monitor ang blood pressure at blood sugar ng mga bagong silang na ina.
Lalo na ang may history ng gestational diabetes at preeclampsia noong sila ay nagbubuntis. Higit sa lahat, tulad pa rin ng sinabi ni Dr. Francisco, kailangan nilang magkaroon ng sapat na tulog.
Sapagkat ayon kay Dr. Canlas, isa ito sa dahilan kung bakit nakakaranas ng mga sintomas ng binat sa panganganak ang isang babae o postpartum illnesses.
Paalala sa mga bagong panganak na babae
Dagdag naman ni Dr. Francisco, wala umanong masama na maniwala sa mga pamahiin ng matatanda. Pero payo niya hindi dapat isinasawang bahala ang mga nararamdamang sintomas ng binat ng bagong panganak. Dahil kung mapabayaan ay maaaring lumala ito at hindi na maagapan pa. Paalala ni Dr. Francisco sa mga babae,
“Lagi ko sinasabi sa patients ko, you follow what the elderlies would say. The only thing that I want you to do is to make sure that you are clean, you are well-nourished.
And if there are symptoms that you feel very suspicious of and you feel you need the attention of a doctor, don’t hesitate to bring yourself to a doctor or to the ER.”
They need to be vigilant sa mga symptoms. Hindi ‘yong ‘pag nilagnat ka pababayaan mo lang at sasabihing nabinat lang ‘yan.
Kahit gaano kasimple ang tinatawag na mga sintomas ng binat pagkatapos manganak na nararamdaman hindi dapat pinapabayaan. Hindi i-seset aside lang dahil sa binat.”
Woman photo created by tirachardz – www.freepik.com
Mahalaga rin umanong ang tulong ng pamilya at kaibigan ng babaeng bagong panganak para maiwasan ang mga sintomas ng binat na maari niyang maranasan.
Partikular na sa postpartum depression na maaring maiwasan sa pamamagitan ng support na ibinibigay nila. Isa rin ito sa itinuturing na paraan para makaiwas at gamot sa binat ng bagong panganak na babae.
Pahayag ni Dr. Francisco,
“Very little ang nabaliw sa panganaganak and it varies. Mayroong makakaramdam niyan once a week pero with the support of families and friends e nawawala. ‘Yon actually ang key dun.”
Kaya naman tandaan mommies, hindi dapat ipagsawalang bahala kung may mga nararamdam ka after manganak. Mahalaga rin ang pagkakaroon ng postpartum check up, at kung ikaw ang nahihirapan o may mga nararamdaman huwag na huwag mahiyang humingi ng tulong sa iyong asawa o kaya naman iba pang kamag-anak.
Kung sakali mang may ibang babae na iyong kilala ang nagpapakita ng sintomas ng may binat sa panganganak ay mabuting payuhan siya na magpatingin na sa doktor. Ito ay upang mabigyan siya ng akmang medikal na atensyon na kaniyang kinakailangan.
Bagamat gusto nating maging hands-on tayo sa pag-aalaga kay baby, kailangang isaisip na dapat rin nating alagaan ang ating sarili. Dahil kung tayo ay magkakasakit lalong walang mag-aalaga sa ating anak.
Lalo na kung ikaw ay nagpapadede o nagpapabreastfeed, mahalagang ang gatas na nakukuha sayo ni baby ay healthy. Magagawa ito kung kumakain ng masusustansyang pagkain at nakakakuha ng sapat na pahinga.
Hindi rin dapat madaliin ang pagpapasexy. Mahalagang hingin ang payo ng iyong doktor kung ito agad ang goal mo matapos manganak. Kailangan mong kumain ng sapat.
Hindi naman bawal ang pag-iehersisyo pero dapat ang mga gagawing exercise ay safe para sayo. Hindi ito dapat nangangailangan ng labis na puwersa lalo na kung ikaw ay nanganak ng cesarean at fresh ang tahi pa.
Karagdagang ulat mula kay Irish Manlapaz
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!