Mahirap maging buntis. Mahirap ring magpadede. Kaya mo ba nang sabay? Tunghayan rito ang kuwento ng isang nanay na kinaya ang breastfeeding habang buntis.
Mababasa sa kuwento niya:
- Breastfeeding habang buntis – kaya ba?
- Pananaw ng ibang tao vs pananaw ng doktor
Noong ipanganak ko ang panganay ko na si Ajiq noong taong 2008, determinado akong padedehin siya. Sabi ko, susubukan kong padedehin siya hanggang dumating siya sa edad na 2.
Ipinagdasal ko talaga na mabiyayaan ako ng maraming gatas para magawa kong padedehin ang anak ko ng matagal. Sa awa ng Diyos, nagawa ko ito, at hindi ko lang napadede ang anak ko, nakapag-imbak rin ako ng maraming gatas para kay Ajiq.
Subalit nang 8 buwan na ang panganay ko, natuklasan kong buntis pala ako! Hindi ako makapaniwala dahil akala ko, kapag nagpapadede ako, mahihirapan akong magbuntis.
Breastfeeding habang buntis
Larawan mula sa theAsianparent MY
Nag-alala ako noon dahl naisip ko na baka kailangan ko nang patigilin sa pagdede si Ajiq dahil sa aking pagbubuntis. Nagsimula rin akong makaramdam ng lungkot at mom guilt. Bata pa si Ajiq. Gusto ko sanang ma-enjoy niya ang pagiging baby at ang aming bonding sa pamamagitan ng breastfeeding. Hindi pa siya marunong matulog nang hindi nagdedede at hindi pa rin siya nakakasubok ng formula milk.
Sabi ng iba
Pinayuhan ako ng marami (kabilang na mga nurse at hospital staff) na dapat ay patigilin ko na raw sa pagdedede si Ajiq. Anila, ang breastfeeding habang buntis ay maaring magdulot ng mga komplikasyon sa aking pagdadalang-tao. Gayundin, kailangan rin ng sapat na nutrisyon ang sanggol sa aking sinapupunan.
Sabi ni Dok
Kaya naman nagdesisyon akong humingi ng second opinion mula sa ibang doktor. At hindi ko inaasahan ang kaniyang naging payo. Aniya, ang breastfeeding habang buntis ay posible, ngunit depende sa akin at sa kalusugan ko.
Kung gusto ko raw patuloy na magpadede, dapat ay siguruhin kong maaalagaan ko ang aking sarili – kumain nang tama, inumin ang aking mga vitamins dahil 3 tao na ang binibigyang nutrisyon ng aking katawan – ako, si Ajiq at ang baby sa tiyan ko. Nabuhayan ako sa naging paliwanag ni dok.
Dahil sa sinabi ng doktor, ipinagpatuloy ang breastfeeding habang buntis. Tuluy-tuloy rin ang pagdadasal ko na maging malugtos at ligtas ang aking pagbubuntis. Pinadede ko si Ajiq hanggang na 9 na buwan na ang aking pagbubuntis.
BASAHIN:
Puwede bang mabuntis pag nagpapadede?
5 healthy eating habits that benefit moms during breastfeeding and beyond
Mga importanteng kaalaman tungkol sa Tandem Breastfeeding
Tuluy-tuloy na ang tandem feeding
Taong 2009 nang nagkaroon ng H1N1 epidemic sa aming bansa. Malapit na akong manganak noon. Hindi pinayagan ng ospital na makabisita si Ajiq sa takot na maaring maapektuhan ang baby sa aking sinapupunan. Lubos ang pag-aalala ko dahil baka magkasakit ang panganay ko kung hindi siya makakadede.
Habang nararamdaman ko ang sakit ng bawat contractions, nagdadasal rin ako na sana kayanin ko ang panganganak para makauwi kami agad at makasama na si Ajiq. Sa tulong ng Diyos, naisilang ko nang maayos ang aking baby girl.
Labis ang tuwa ko nang pinayagan na kaming umuwi ng doktor. Pagdating namin sa bahay, masigla rin akong sinalubong ng panganay ko. Gusto na niyang magdede kaagad.
Laking pasasalamat ko na nabigyan ako ng pagkakataon na magpadede ang dalawa kong anak nang sabay. Hindi ko inisip na kakayanin ko ang tandem feeding. Habang nagpapagaling ako sa panganganak, nararamdaman ko ang sakit ng mga tahi, pero masayang-masaya ako na nae-enjoy ng mga anak ko ang aking breast milk.
Tuloy pa rin ang pag-breastfeed ko sa mga anak ko
Tuloy-tuloy ang pagpapadede ko sa mga anak ko. Kahit noong bumalik ako sa trabaho, tuloy pa rin ang pagpapadede ko. Tuwang-tuwa akong sinasalubong ng mga anak ko pagdating ko galing trabaho para mag-breastfeed.
Dahil dito, naging malapit sa akin ang mga anak ko. Hindi ko na rin kailangang tumayo para magtimpla ng gatas sa gabi, dahil dedede lang sila habang natutulog.
Larawan mula sa theAsianparent MY
Proud ako dahil kahit maliit ang katawan ko, binigyan ako ng Diyos ng sapat na lakas para magawa ito. Nagpapasalamat ako sa na nagkaroon ako ng masasayang alaala kasama ang mga anak ko. At salamat rin sa asawa ko para sa kaniyang suporta.
Ngayon lima na ang anak namin. Lahat sila ay nakapagdede mula sa’kin. At ngayon, ang bunso kong 5 buwan pa lang ay exclusively breastfeeding pa rin.
Sa mga naranasan ko, masasabi kong isang biyaya ang pagpapadede pero kailangan mo rin ng sapat na lakas para mapagtagumpayan ito. Kailangan ng determinasyon at tamang kain. Kapag nahihirapan ka, isipin mo na lang na ang mga batang napapadede ng ina ay magiging matalino at may malakas na resistensiya mula sa sakit.
Higit sa lahat, dapat maniwala kang kaya mong pagtagumpayan ang iyong layunin na padedehin ang iyong anak.
Isinalin nang may pahintulot mula sa theAsianparent Malaysia ni Camille Eusebio
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!