Isang 2 taong gulang na bata ang nagkaroon ng 10 bulate sa kaniyang mata dahil hindi nito nakaugaliang maghugas ng kamay matapos dumumi at bago kumain.
Ayon sa FeedyTV.com, napansin daw ng mga magulang ng bata na parating nangangati ang mata ng anak nila. Makalipas ang ilang araw, hindi pa rin nawawala ang pangangati ng mata ng anak nila. Nang tignan nilang mabuti ang mata ng baby nila, laking gulat nila na makita na mayroong mga puting bulate sa mata ng baby nila!
Agaran nila itong dinala sa ospital para mapatignan. Gamit ang medical tweezers o tiyane, nakuha ng duktor ang 10 pinworm na tinatantiyang may haba na 1 centimeter bawat isa sa cornea ng bata.
Ayon daw sa espesyalistang tumingin sa bata, first time daw niyang nakakita ng pinworm sa mata. Karaniwan daw kasing nakikita ang klase ng bulate na ito sa tiyan ng bata.
Suspetya ng duktor na mayroong bulate sa tiyan ng bata. Dahil hindi ito naghugas ng kamay matapos dumumi, napunta ang mga itlog ng bulate sa kamay ng bata—na siya namang ginamit nito para kuskusin ang kaniyang mata. Nakarating tuloy ang bulate mula tiyan niya papuntang mata niya, kung saan nanganak pa ito at dumami.
Mapapanood ang video ng pag-tanggal ng mga pinworm sa link na ito.
Noong nakaraang taon, may naging kaso na rin ng bulate na natagpuan sa mata ng isang teenager. Nakuha naman ito sa maruming pagkain. Sa kasamaang palad, nagkaroon ng kumplikasyon sa mata nito at naging malabo na ang paningin sa kaniyang mata.
Bulate
Ang pinakakaraniwang klase ng bulate na nakakapinsala sa mga bata ay ang pinworm. Naipapasa ito sa iba’t ibang tao kapag hindi naghuhugas ng kamay. Kapag nakahawak ang bata ng tao o bagay na may bulate, dito na nagsisimula ang pagkalat ng parasitiko.
Nagsisimula ang pagdami ng bulate kapag nangitlog ito sa may butas ng puwet ng bata. Nagiging sanhi ito ng pangangati ng puwet. Kapag kinamot ng bata ang puwet niya, napupunta ang itlog sa kamay at kuko niya—na siya namang naipapasa niya sa iba’t ibang pagkain o bagay kaya madaling nagkakahawaan ang mga bata. Nabubuhay kasi ang itlog ng bulateng ito hanggang 3 linggo.
Kapag nakain ng bata ang mga itlog ng pinworm, magsisimulang mamuhay ang pinworm sa loob ng tiyan ng bata. Ang sintomas nito ay pagbabago ng ugali, pagkabalisa, hindi makatulog, walang ganang kumain, masakit ang tiyan, at minsan dugo sa poop.
Kapag may sintomas ang bata ng mga ito, mabuting ipatingin na siya sa duktor para mabigyan siya ng gamot na pang purga.
Tandaan, mga mommies at daddies, turuan ang inyong mga chikiting ng tamang paghuhugas ng kamay para makaiwas sa mga sakit. Pigilan dito sila na kagatin ang kanilang mga kuko.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!