Ang pagkakaroon ng bulate sa tiyan ay karaniwang karamdaman sa mga bata. Ito ay dahil madalas silang maglaro sa labas, at paminsan ay kung anu-ano ang kanilang mga hinahawakan at sinusubo.
Madali lang naman itong iwasan, basta’t panatilihing malinis ang paligid at palaging maghugas ng kamay. Ngunit kung mapabayaan, posible itong magkaroon ng masamang epekto sa kalusugan ng iyong anak.
Tulad na lang ng nangyari sa isang 4-anyos na bata na natagpuang mayroong napakaraming mga bulate. Ating alamin kung paano ito nangyari, at kung ano ang puwedeng gawin ng mga magulang tungkol dito.
Napakaraming bulate sa tiyan, natagpuan sa loob ng 4-anyos
Nangyari ang insidente sa Cameroon, West Africa, kung saan ang isang 4-anyos na bata ay nagkaroon raw ng pananakit ng kaniyang tiyan.
Bukod rito, siya rin daw ay nakararanas ng pagsusuka, constipation, at pamamaga ng tiyan ng halos 6 na buwan. Nalaman rin ng mga doktor na hindi pa raw napapa-test sa bulate ang bata.
Kinailangang operahan ang bata upang matanggal ang napakaraming bulate sa kaniyang tiyan. Kung hindi ito agad naagapan ay posible pang lumala ang kondisyon ng bata.
Matapos ang operasyon ay bumuti na ang kaniyang kalagayan. Binigyan rin siya ng mga gamot na pamatay ng mga bulate upang masiguradong hindi na siya ulit magkakaroon ng impeksyon.
Mahalaga ang deworming sa mga bata
Ang pagkakaroon ng bulate sa tiyan ay kadalasang dahil sa pagkakaroon ng maruming paligid kung saan namumuhay ang mga bulate. Ngunit hindi nito ibig sabihin na dapat ay balewalain na ng mga magulang ang deworming, o pagtanggal ng bulate kung malinis ang kanilang lugar.
Madalas ay ginagawa ito kapag ang bata ay nasa 12-23 buwan, 1-4 taong gulang, at 5-12 taong gulang. Nakakatulong ito upang maaga pa lang ay makaiwas na sa posibilidad ng pagkakaroon ng mga bulate ang bata.
Heto naman ang ilang mga dapat tandaang mga sintomas ng ganitong karamdaman:
- Walang gana kumain
- Pangangati sa may bandang puwitan
- Pagsusuka
- Biglang pagpayat o pagtaba
- Anemia
- Mababang IQ
- Mababang resistensya
Ito naman ang ilang mga tips upang makaiwas sa bulate:
- Turuan na maghugas ng kamay ang mga bata bago kumain, at pagkatapos maglaro sa labas.
- Siguraduhing luto ang mga karne na ihahain sa iyong pamilya, lalong-lalo na kung baboy.
- Siguraduhing malinis ang tubig sa inyong tahanan. Kung may duda, pakuluan muna ang tubig na pang-inumin bago painumin sa iyong mga anak.
- Kung kailangan ng pagpurga, mayroong mga libreng programa ang gobyerno na nagbibigay ng gamot para sa pagpurga ng bulate.
- Pwede rin namang pumunta sa botika at bumili ng pampurga sa bulate.
- Turuang maghugas ng kamay ang iyong anak pagkatapos gumamit ng kubeta.
- Ugaliing panatilihing malinis ang iyong paligid.
Source: Daily Mail
Basahin: Baby, nagkaroon ng 11 bulate sa mata!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!