Bullying ng kapatid ang itinuturong dahilan ng pagkamatay ng isang 31-anyos na lalaki sa Quezon, Palawan. Nakababatang kapatid ng biktima napuno daw sa pambubully niya at ng isa pa nilang kapatid kaya nandilim ang paningin at pinagsasaksak sila.
Bullying ng kapatid
Nauwi sa saksakan at kamatayan ang dapat sana ay masayang bonding ng tatlong magkakapatid sa Quezon, Palawan na sina Mesraim Estores Alejo, 31-anyos, Romy Estores Alejo, 33-anyos at Christian Estores Valdez, 19-anyos.
Ito ay dahil sa pagkakapikunan na mas pinalala ng kinimkim na galit ni Christian Valdez sa kaniyang mga nakakatandang kapatid. Ang mga ito ay lagi daw siyang binubully at inaasar. Kaya naman ng magkaroon ng pagkakataon dala narin ng impluwensiya ng kalasingan ay kumuha ng kutsilyo si Christian at inambahan ng saksak ang dalawa niyang kapatid.
Nagtamo ng saksak sa dibdib at tiyan si Mesraim na naging dahilan ng pagkamatay nito. Habang nagtamo naman ng saksak sa tiyan si Romy na nakaligtas sa peligro at nagpapagaling pa sa ospital.
Hindi naman itinanggi ni Christian ang kaniyang nagawa at kasalukuyang nahaharap sa kasong murder at frustrated murder.
Paano maiiwasan ang sibling bullying?
Ang conflict sa pagitan ng magkakapatid ay hindi maiiwasan. Ngunit kung ito ay mapabayaan ay maari itong magdulot ng malalim na hidwaan at problema sa pagitan nila. Kaya naman bago ito lumala ay dapat makialam na ang mga magulang at ayusin na ang gusot sa relasyon ng mga anak nila.
Ang mga paraan para maiwasan at itama ito ay ang sumusunod:
1. Pigilan o pahintuin ang aggressive behaviour na ipinapakita nila.
Kung ang iyong mga anak ay nagsisimula ng magsakitan at magtawagan ng masasakit na salita ay agad ng makialam at pahintuin ito. Dapat ay turuan silang respetuhin ang isa’t-isa kahit na minsan ay may hindi sila pagkakaintindihan. Makakatulong ang pagpapakita ng magandang halimbawa sa iyong anak para ito ay kanilang gayahin at sundin.
2. Disiplinahin ang bully sa magkakapatid.
Para lubusan nilang maintindihan na mali ang kanilang ginagawa ay kailangan mong panagutin ang sinuman sa iyong mga anak na nambubully ng kanilang kapatid. Sila ay dapat bigyan ng appropriate consequences na makakatulong para sa kanilang maintindihan ang ibinibigay na sakit at hirap ng pambubully. Makakatulong ang pakikipag-usap sa iyong mga anak tungkol sa bullying at ang maaring maging epekto nito sa inyong pamilya.
Tandaan na dapat sa simula pa lang ay matigil at disiplinahin na ang mga insidente ng bullying sa loob ng inyong tahanan. Ito ay para hindi nila ito kalakihan at makasanayan.
3. Iwasan ang jealousy o pagseselos sa pagitan ng iyong mga anak.
Para maiwasan ang jealousy ay dapat maging pantay ang pagbibigay mo ng oras, recognition, love at acceptance sa iyong mga anak. Hangga’t maari ay dapat mong tigilan ang pagkukumpara sa kanila. Iwasan ding tawagin sila sa iba’t-ibang pangalan. Dapat ay lagi mo ring tinitingnan ang good characteristics ng iyong mga anak pati na ang mga efforts na ginagawa nila.
Ang pagpapakita ng magandang ugali ng iyong anak ay magsisimula sa iyo. Kaya naman iparamdam sa kanila sa lahat ng oras ang pagmamamahal mo at ito rin ang kanilang ipaparamdam sa mga kapatid nila.
4. Ituro at maging modelo ng respect sa iyong mga anak.
Para mas maging healthy ang relasyon ng iyong mga anak sa isa’t-isa ay dapat mong ipakita sa kanila kung paano ito ginagawa. Dapat ay turuan mo silang maging matulungin at mapagbigay sa isa’t-isa sa lahat ng oras. Makakatulong ang maliliit na activity na kung saan maprapraktis ang kanilang unity at support sa isa’t-isa.
5. Turuan ang iyong anak ng ideya ng empathy.
Ang madalas na pakikipag-usap sa iyong anak ay isang mahusay na paraan para maipaintindi sa kanila ang mga gusto mong ipaliwanag at sabihin. Tulad nalang ng ideya ng empathy na mahalagang kanilang ma-praktis sa kanilang sarili. Dahil kapag naintindihan nila ang epekto at sakit na dulot ng bullying sa iba ay hindi na nila ito gagawin lalo na sa kapatid nila.
Source: Palawan News, GMA News, Very Well Family
Basahin: “Bully daw ang anak ko!” Mga dapat malaman tungkol sa bullying
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!