Agosto na naman at tiyak na sa mga paaralan ay pinaghahandaan na ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Ano ang Buwan ng Wika at paano nga ba ito maipagdiriwang sa ating mga tahanan?
Kailan ang Buwan ng Wika
Kailan nga ba ang buwan ng wika? Tuwing Agosto ipinagdiriwang ng Pilipinas ang National Language Month o ang Buwan ng Wika. Mayroong iba’t ibang event sa mga kagawaran ng pamahalaan at sa mga paaralan. Tuwing Agosto 19 naman ginugunita ang National Language Day o Araw ng Wikang Pambansa.
Ano ang Buwan ng Wika
Paano nga ba ipinagdiriwang sa Pilipinas ang buwan ng Wika? Kadalasang ginugunita ang buwan ng Wikang Pambansa sa pamamagitan ng mga sumusunod na aktibidades:
- Declamation contests
- Dance performances
- Pagsusuot ng national costumes
- Pagtula at iba pang patimpalak at pagtatanghal na may kaugnayan sa wika
Mahalaga ang pagdiriwang na ito upang maipakita ang kultura ng ating bansa. Magandang paraan din ito para ma-inspire ang mga tao lalo na ang mga bata na pahalagahan ang kanilang kultura at tradisyon lalung-lalo na ang wikang pambansa.
Filipino: Ang wikang pambansa
Disyembre 1937 nang iproklama ni dating Pangulong Manuel L. Quezon sa pamamagitan ng executive order ang pagkakaroon ng pambansang wika. Ito ay upang pagkaisahin ang buong bansa sa pamamagitan ng pagkakaunawaan sa pagpapahayag ng mga ideya at saloobin ng mga mamamayan.
Mayabong ang wikang Filipino. Hindi lang mayaman ang ating kultura bagkus ay malawak din ang ating wika. Mayroong walong pangunahing wika sa ating bansa—Tagalog, Ilocano, Kapampangan, Pangasinense, Bikolano, Cebuano, Hiligaynon, at Waray. Bukod sa mga nabanggit ay mayroon pang lampas isang daang wika at diyalekto mayroon ang Pilipinas.
Dahil dito, ipinapakita ng kasaysayan na tayong mga Pilipino, lalo na noong panahon ng kolonyalismo, ay walang isang wika na nag-uugnay sa bawat isa. Kaya idineklara sa 1937 Philippine Constitution ang wikang Filipino, mula sa Tagalog dialect, bilang ating Wikang Pambansa.
Bagaman karamihan sa wikang Filipino ay hango sa diyalektong Tagalog, mahalagang tandaan na hindi lamang Tagalog ang ipinagdiriwang tuwing buwan ng Agosto. Ito ay month-long celebration ng lahat ng ating native dialects.
Importante ang pagtutulungan ng mga magulang at mga guro upang mamulat ang mga bata sa ganda ng kanilang wika at kultura. Kaya naman, kumalap kami ng ilang activities na puwedeng gawin ng pamilya bilang pagdiriwang ng buwan ng wika.
Buwan ng wika activities na pang pamilya
Paano nga ba i-celebrate ang buwan ng wika na tiyak na ma-e-enjoy ng inyong mga anak? Narito ang ilang paraan para mas ma-appreciate ng iyong anak ang kaniyang wikang katutubo o ang wikang Filipino.
Filipino-only-policy
Hikayatin ang pamilya na magsalita lamang ng Filipino o ng inyong diyalekto sa loob ng isang araw. Bigyan ng pabuya ang sino mang makasusunod nito. Puwede niyo ring i-vlog ang inyong araw kung saan ay tanging native language lamang ang salitang maaari niyong gamitin.
Magbasa ng Filipino book
Para sa mga magulang na may toddlers, tiyak na ma-eenjoy ng inyong anak kung babasahan niyo sila ng Filipino book. Mahalaga rin na ipaliwanag sa kanila ang kahulugan ng salita kung mayroon man silang salita na hindi maintindihan sa kwento.
Kumanta ng Filipino song
Umawit kasama ang pamilya. Piliin ang awiting isinulat sa native dialect o kaya naman ay sa wikang Filipino. Magandang pagkakataon din ito para i-introduce sa iyong anak ang mga awiting katutubo.
Magsulat ng kwento
Gabayan ang iyong anak sa pagsusulat ng kuwento o kaya naman ay tula gamit ang wikang katutubo o wikang Filipino. Matapos magsulat ay basahin ito at ibahagi sa buong pamilya.
Maglaro ng Filipino word games
Dito tiyak na mahihikayat mo ang iyong anak na matuto habang naglalaro. Ilan sa mga laro na puwede niyong gawin ay ang mga sumusunod:
- Pinoy Henyo – isa itong guessing game. Kailangan mo lang isulat ang salita sa isang papel at ilagay ito sa noo ng player. Pahuhulaan mo kung anong salita ang nakasulat gamit ang mga kategorya at iba pang clue. Ang helper ay maaaring sumagot ng “oo”, “hindi”, at “pwede”.
- Guess the Picture – Puwede mong subukan ang laro na ito kung saan pipili ka lamang ng larawan mula sa libro o magazine, o kaya naman ay magprint mula sa internet. Paano ito laruin? Pahuhulaan kung ano ang nasa larawan sa pamamagitan ng pagpapakita ng ilang bahagi nito. Para maging relevant sa selebrasyon ang laro, pumili ng mga larawan ng mga kilalang tao, mga bayani, lugar, o ano mang may kaugnayan sa pagiging Pilipino.
- Categories Game – Nilalaro ito ng nakagrupo. Bawat manlalaro ay dapat na magbigay ng salita ayon sa ibinigay na kategorya. Bilang pagdiriwang ng buwan ng wika, pumili lamang ng category na may kinalaman sa bayan o bansa. Halimbawa ang kategorya ay mga bayaning Pilipino, dapat ang bawat isa ay makapagbigay ng ngalan ng mga bayani sa loob ng itinakdang time limit. Ang hindi makapagbigay sa takdang oras ng pangalan ng bayani ay matatanggal sa grupo o magkakaroon ng parusa.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!