Likas sa ating mga Pinoy ang may matatamis na dila. Ang ibig sabihin, mahilig tayong kumain ng matatamis na pagkain. Hindi lamang matatamis kundi mga pagkaing abot kaya at madaling lutuin. Tayong mga magulang, maraming paraan ang naiisip natin upang hindi manawa ang ating mga anak sa araw araw nating hinahain sa kanila. Ang isa sa pinakamadali at swak na swak sa ating budget ay ang Camote Cue.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sangkap para sa pagluluto ng Camote Cue
- Paraan ng pagluluto ng Camote Cue
Camote Cue, isa sa mga paboritong meryenda ng mga Pinoy
Sa panahon ngayon, mainam na bawat ihahain sa hapag-kainan ng ating mga tahanan, ay masustansya at magugustuhan ng bawat miyembro ng pamilya. Isa sa mga sikat na streetfood o meryenda na talaga naman patok sa lasa ng masa ay Camote Cue. Bukod kasi na mura ang kamote, tatlong sangkap lang ang kakailangin upang lutuin ito.
Ang Camote Cue na mabibili mo lang sa kanto sa halagang sampung piso. Mabubusog ka na, magiging healthy ka pa dahil sa taglay nitong magandang benepisyo sa katawan. Ang kamote o sweet potato ay nagtataglay ng mataas na porsyento ng fiber na nakatutulong sa ating katawan upang maging maayos ang ating panunaw. Nagtataglay rin ito ng antioxidant, vitamin A, C, B6, potassium, at iba pang mineral na kinakailangan ng ating katawan.
Ang Camote Cue ay pinagsamang salita na kamote at barbeque. Tinawag itong Camote Cue dahil ang naluto na kamote sa pulang asukal ay tinutuhog sa barbeque sticks at nilalako sa mga bahay bahay. May iba’t ibang variety ng kamote ang pwedeng gawing Camote Cue. Mayroong puti, kulay lila, dilaw, at kahel. Ang karaniwang binebenta sa pamilihan ay ang puti at dilaw.
Sa ngayon, ang Camote Cue ay parte na ng pagkaing Pinoy. Hindi lamang sa stick ito makikita na nakatuhog, nilalagyan na rin ng ilang mga vendor sa maliit na paperplate, baso, o sa dahon ng saging. Hinihiwang kasing laki at lapad ng french fries upang mas madali kainin.
BASAHIN:
Ginataang mais recipe: Ang perfect pang-breakfast o meryenda ng buong pamilya!
Chopsuey Recipe: Ang healthy all-veggie ulam ng pamilyang Pilipino
Sa paggawa ng Camote Cue narito ang mga sangkap na gagamitin:
- ½ kilo kamote
- ¼ tasa ng asukal na pula (maaari ring gumamit ng segunda mano o puti)
- Mantika (deep frying)
Paraan ng pagluluto ng Camote Cue:
1. Hugasang mabuti ang nabiling kamote. Ibabad ng at least 20 minuto sa tubig pagkatapos hugasan upang matanggal ang mga nakadikit pang lupa. Banlawan ulit ng isa pang beses. Siguraduhing malinis na bago balatan.
2. Balatan ng naayon sa gustong laki o hugis. Gumamit ng angkop na kutsilyo sa paghihiwa. Ilagay ang nahiwang kamote sa bowl na may tubig.
3. Hugasan ang nahiwang kamote. Hinuhugasan upang maalis ang sobrang starch sa kamote upang hindi maging soggy ang kalalabasang Camote.
4. Salain at patuluin ang naiwang tubig sa kamote sa loob ng 10 minuto.
5. Sa isang malalim na kawali, ilagay ang mantika. Deep fry ang paraan ng pagluluto na gagawin. Kailangan nakalubog ang kamote upang maluto ng maayos. Kung nais na gawin mas healthy ang camote cue, maaaring gumamit ng air fryer para dito.
6. Kapag mainit na ang kawali, ilagay ang kamote ng dahan dahan. Iwasang matalsikan ng mantika. Huwag pupunuin ang kawali ng kamote. Katamtaman lamang upang maluto ng maayos.
7. Ang tagal ng pagluluto ng camote cue ay nakabase sa laki o dami ng nakasalang sa kawali. Ang makapal na hiwa ng kamote ay umaabot sa 15 minuto, samantalang ang maninipis na hiwa ay nasa 10 minuto. Hanguin gamit ang salaan at ilagay sa plato na may napkin o tissue upang maabsorb ang sobrang mantika.
8. Kapag luto na ang lahat ng kamote, magsalang ng isang kawali na may kaunting mantika. Ilagay ang asukal. Kapag tunaw na ang asukal, ilagay ang nalutong kamote at balutin ito ng natunaw na asukal. Ilagay sa plato na may dahon ng saging at ihain ang bagong luto na Camote Cue.
Tips:
Ang nalutong kamote na wala pang asukal ay maaari ring ihain kung umiiwas ang miyembro ng pamilya sa matatamis. May natural na itong tamis na siyang nagbibigay ng lasa. Maari itong lagyan ng kaunting asin para sa mala “fries” na style. Sa ibang lugar, nilalagay nila ang nalutong kamote ng iba’t ibang flavor katulad ng cheese, sour cream, bbq, etc. May ibang lugar din sa Pilipinas ang naglalagay ng condensed milk o chocolate syrup para sa kakaibang twist.