Hindi biro ang sakit na cancer. Taon-taon, nasa 8.9 million katao ang namamatay sa sakit na ito. Kaya nga para sa kahit sinong magulang, ang cancer sa baby ay isa sa mga pinaka-nakakatakot na posibleng mangyari sa kanilang anak.
Kaya’t ganun na lamang ang takot at kaba na naramdaman ng mga magulang ng batang si Molly Hughes, mula sa Kentucky, USA, nang siya ay ma-diagnose ng neuroblastoma, o isang uri ng cancer sa nerves.
Cancer sa baby, na-diagnose noong 5-buwan pa lang
Sa murang edad na 5 buwan, na-diagnose na agad si Molly ng stage 4 cancer. Madalas ay bihira ang pagkakaroon ng cancer sa mga bata, pero ang neuroblastoma ay isa sa mga pangkaraniwang cancer na nakukuha ng mga bata.
Kuwento pa ng ina ni Molly, hindi raw niya alam ang gagawin nang marinig ang balita. Niyakap lang raw niya ng mahigpit ang anak, at umasa na magagamot ang kaniyang karamdaman.
Ayon sa mga doktor, nakuha raw ni Molly ang neuroblastoma dahil sa isang genetic mutation. Hindi agad nakikita ang mutation na ito habang nasa sinapupunan, at nadedetect lang kapag naipanganak na.
Sa kaso ni Molly, ang mga neuroblasts, o cells na responsable sa pagbuo ng adrenal glands, ay nagkaroon ng mutation. Dahil dito, dumami ng dumami ang cancerous na neuroblasts, kaya nagkaroon si Molly ng cancer.
Mapalad si Molly
Dahil maagang na-detect ang kaniyang cancer ay agad na nagsagawa ng panggagamot ang mga doktor. Kinailangan ni Molly na sumailalim sa paulit-ulit na chemotherapy sa loob ng 15 buwan.
Ayon sa kaniyang mga magulang, hindi raw naging madali ito para sa kanila. Nahihirapan silang makita na sumasailalim ng chemotherapy ang anak, ngunit malakas raw na bata si Molly. Bagama’t nanghihina sa chemotherapy, ilang araw lang ay babalik na ulit ang sigla ng bata.
Malaki ang naitulong ng kaniyang pagiging positibo at malusog, kaya’t ngayon ay in-remission na, o nawawala na ang cancer ng bata. Sa edad na 21-buwan ay isa si Molly sa mga pinakabatang cancer survivor, at tunay na nakaka-inspire ang kuwento nila ng kaniyang pamilya.
Nagkaroon lang raw ng side effect ang chemotherapy at naapektuhan ng bahagya ang pandinig ni Molly, pero wala naman raw ibang side effects bukod dito. Masigla na ulit si Molly, at hindi mapapansin na mayroon siyang mabigat na pinagdaanan dahil sa cancer.
Source: Daily Mail
Basahin: Inang may cancer, sinamahan ang anak sa graduation
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!