Ang bagong car seat law na naglalayong siguraduhin ang kaligtasan ng mga bata sa loob ng sasakyan, ipapatupad na sa Pilipinas sa mga susunod na buwan. Sa kasamaang palad, hindi ito na-implement nang mas maaga.
Nito lamang Lunes, Marso 25, nabundol ang isang babae sa Banna, Ilocos Norte ng isang 10-taong gulang na bata.
10-anyos, nakabangga
Isang 58-anyos na babae ang namatay matapos maipit ng isang sasakyang pinakialaman at pinaglaruan ng isang 10-anyos na bata.
Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, ay nasa bahay ng sekretarya ng barangay ang bata at ang ama nito ng mangyari ang aksidente. Naroon rin ang babaeng biktima na kinilalang si Flordelina Susa kasama ang dalawa pang kabarangay nila.
Nag-uusap umano ang mga ito sa labas ng bahay malapit lamang sa garahe.
Habang ang sasakyan ng mag-ama na naiwang umaandar ang makina ay nasa labas ng bahay. Hindi namalayan ng ama na bumalik pala sa sasakyan ang 10-anyos na bata.
Bigla nalang umano umandar at dumeretso ang sasakyan sa kung saan nag-uusap ang biktima, ama ng bata at iba pang kabarangay nila. Nakaiwas ang ama ng bata at iba pang kasama ngunit hindi ang biktimang si Susa na naipit sa pagitan ng pader at sasakyan.
Nadala naman agad sa ospital ang biktima ngunit binawian rin ito ng buhay habang ito ay ginagamot.
Paliwanag ng ama sa ginawa ng kaniyang anak, “Umaandar ang sasakyan na iniwan ko. Hindi ko alam na bumalik siya sa sasakyan. Siguro baka nilaro ‘yong kambiyo.”
Ayon naman sa mga pulis ay posibleng kinalikot at pinaglaruan nga ng bata ang sasakyan na may manual mechanism.
Samantala, hindi naman nasaktan ang bata ngunit na-trauma ito sa nangyari kaya naman isasailalim siya sa guidance counseling.
Dahil nga sa nangyari ay nahaharap sa reklamo ng paglabag sa Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 ang ama ng biktima.
Ito ay dahil sa kapabayaan diumano nito sa naturang insidente.
Ayon sa car seat law, hindi dapat naiiwan ang kahit sinong bata sa loob ng sasakyan nang hindi naka-secure sa car seat habang nakabukas ang makina ng sasakyan.
Car seat law sa Pilipinas
Ang car seat law o Child Safety in Motor Vehicles Act ang nakikitang paraan para mabawasan ang mga aksidente sa sasakyan kaugnay ang mga bata. Nilalayon nitong proteksyonan ang kaligtasan ng mga bata sa loob ng sasakyan sakaling may hindi inaasahang pangyayari o aksidente.
Sa ilalim ng batas na ito ay nire-require na ang pag-gamit ng car seat sa mga bata sa loob ng sasakyan na may gulang na 0-12 years old.
May height requirement na rin na hindi dapat bababa sa 150 centimeters o 4 foot and 11 inches ang taas ng mga batang mauupo sa passenger seat sa harap ng sasakyan. Pinagbabawalan din ng batas ang mga adult na iwanan sa loob ng sasakyan ang isang bata ng walang kasama.
Ang pagpirma at pag-apruba ni Pres. Rodrigo Duterte sa batas ay nailathala sa mga pahayagan noong March 13 kaya naman mula ngayon ay ipapatupad na ito sa Pilipinas.
Ang sinumang lalabag sa batas ay kailangan magbayad ng multa na P1,000 para sa first offense at P2,000 para sa second offense.
Kapag umabot ng third offense ay masususpinde na ang lisensya ng driver ng sasakyan ng isang taon.
Nakasaad rin sa batas na kailangan rin magsagawa ng nationwide information campaign tungkol rito sa loob ng anim na buwan matapos maisakatuparan ang batas.
Pangungunahan ang kampanya ng Department of Transportation (DOTr), Philippine Information Agency (PIA), Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), mga private agencies at organizations.
Sa gagawing kampanya ay dapat matukoy ang mga impormasyon tungkol sa proper installation ng car seat, paggamit at maintenance ng child restraint system nito.
Ang car seat law ang ay pinagsamang pwersa ng Senate Bill No. 1971 at House Bill No. 6938, na ipinasa sa Senado at House of Representatives noong Dec. 11, 2018.
Samantala, ang anumang batas na naaprubahan ng Pangulo ng Pilipinas ay nagiging epektibo 15 days matapos mailathala ito sa Official Gazette or sa dalawang national newspapers sa bansa.
Kahalagahan ng car seat law
Sa Pilipinas ay may naitalang bilang ng 600 na batang namatay dahil sa road crashes mula 2006 to 2014.
Kaya naman ayon sa World Health Organization o WHO, ang pagpapasakatuparan ng car seat law ay magbaba ng tiyansa ng pagkakaroon ng injury ng mga batang maiinvolve sa aksidente sa sasakyan ng hanggang 80%.
Sa guidelines na ginawa ng WHO ay may apat na klase ng car seat na nakadepende sa edad ng isang bata.
Dahil naman ang issue of affordability ng mga car seats ang pangunahing concern ng mga may-ari ng sasakyan ay isang survey ang ginawa ng WHO para maiaddress ito.
Mula sa resulta ng survey, narito ang lumabas na presyo ng mga car seats mula sa mga online stores.
Rear-facing only – P3,798.93 to P15,999.75.
Booster seats – P1,186.84 to P6,173.55
Combination – P4,273. 85 to P84,365
Paalaala ng kinauukulan sa mga magulang: ang dagdag na gastos sa pambili ng car seat ng inyong mga anak ay hindi kayang tapatan ang maibibigay nitong proteksyon at kaligtasan sa buhay niya.
Sources: Philippine Information Agency, ABS-CBN News, The Asian Parent, Rappler, WHO
Basahin: 11 things you need to know about the new mandatory car seat for kids law
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!