Unang baby ko ‘to! Ang aga kong mag maternity leave, 7 months preggy pa lang ako noon. Imagine sa sobrang excited na may halong kaba – mas minabuti na maaga ako mag maternity leave.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paghahanda sa panganganak ng normal
- Matagal na labour
- Mga pinagdaanan ng isang ina sa pagle-labour at panganganak
Maraming preparations sa sarili, sa bahay, sa mga gamit ni baby at para na rin makapag-relax muna bago ang sinasabi nilang “Welcome to Sleepless Nights!”
Anu-ano ba ang mga preparations na dapat gawin? Bilang first time parent at naninirahan sa ibang bansa na kayo lang ni hubby ang magkatuwang sa buhay, dapat prepared kayong pareho.
Um-attend kayo ng PRENATAL CLASS.
Ang prenatal class ay makakatulong sa inyong dalawa kung paano maghanda sa pag-labour, sa panganganak, tamang breastfeeding, paano alagaan si baby sa unang mga taon at ang mga expected na pagbabago sa inyong buhay mag-asawa sa paglabas ni baby.
Dahil sa prenatal class, lumakas ang loob naming dalawa. Nabawasan ang kaba, pag-aalala at sobrang pag-iisip. Ibinahagi dito kung ano ang mga iba’t ibang paraan ng panganganak – normal delivery, bath delivery, home delivery, at cesarean delivery. Mas hinihikayat sa klaseng ito ang normal delivery kaya naman hindi na tinalakay pa ang cesarean delivery.
Sa klaseng ito, inihahanda ang isip ng mga nanay mula sa tamang breathing hanggang sa tamang oras ng pag-ire.
Kaya naman napagdesisyunan at buo ang aking loob sa normal delivery at walang epidural! Confident na confident na kaya ko ‘to!
Mataas ang aking pain tolerance at gusto kong maranasan ang sinasabi nilang “Ring of Fire!” Sa kaalaman ng nakakarami, hindi po ito bulkan! Ito ang oras na dadaan na ang ulo ni baby sa cervix ni Mommy.
Ito na, dumating ang pinakahihintay na due date – 40 weeks!
Masyado na akong praning sa oras na ito, check kay baby kung gumagalaw pa sa tyan ko. Kung ‘di siya gumagalaw ng ilang oras, panay inom ko ng malamig na tubig.
Panay tawag sa midwife, tanong dito, tanong doon. Lahat na ng mga scenario na pwedeng mangyari na lumabas si baby naisip ko na! Handa na din ako sa linyang “ My water bag broke!” Naaaaks! Hindi ba ito ang parating napapanood natin sa TV? Sabi ko, iyan makaka-relate na riin ako sa eksenang ito!
e41 weeks na, ayaw pa rin lumabas ni baby. Panay upo at exercise ko na sa birthing ball para mag-labour lahat na ginawa ko. Pero wala pa rin. Hanggang sa napagdesisyunan namin na mag induced labour na ako sa ika 41 weeks.
Induced labour sa ika-41 weeks ko ng pagbubuntis
9am – Nagsimula ang aking induced labour sa ospital. Hindi ako nag-almusal para mas madali makaire. Ginamitan ako ng Cervidil. Isa itong maliit na hook na ipapasok sa cervix para magsimula na akong mag-labour.
Nakahiga lang ako sa kama, madameng nakakabit na mga equipment para mamonitor ang heart rate ni baby at contraction ng aking tyan.
12 pm – Wala pa rin contraction. Gutom na ako at nanghihina. Pinayagan ako kumain ng doktor dahil sa kailangan ng lakas sa pag-ire.
Malayo ang canteen sa maternity ward, kaya mas lalo raw mainam ang paglalakad para makatulong na tumaas ang pressure sa aking cervix. Hindi rin ako pwedeng kumain ng marami dahil meron akong Gestational Diabetes. Monitored ang lahat ng maari kong kainin.
3 pm- Habang nakahiga, nagpapahinga at inaalala ang mga napag aralan sa prenatal class, napalingon ako sa maliit na lamesa katabi ng kama.
May nakita akong booklet doon, kinuha at binasa. Ito ang booklet tungkol sa cesarean. Naisip ko sa panahon na iyon, paano kung mag-emergency cesarean delivery na ba ako?
Kinabahan ako bigla dahil wala ito sa inaral namin. Wala akong alam kung ano, paano ang dapat gawin at mai-expect after ng cesarean delivery. Tulad ng pakiramdam ng isang estudyante na may pa-surprise quiz si teacher pero 10000x ang kaba. Hindi ako prepared pala. Hindi ako ready.
Hanggang sa nakaramdam ako ng isang malakas na agos ng tubig sa aking likod. Pakiramdam na may isang balde na natapon at biglang inalisan ng takip. Ito na nga un! “My water bag broke!” sabi ko, kaso si hubby kakalabas saglit ng kwarto, hindi ko tuloy nasabi ang na-practice ko!
Gamot para mag-contract na ang aking cervix
Inilipat na ako sa malaking kwarto, dito na raw ako manganganak. Kinabitan ako ng IV Drip sa aking braso – ang tinatawag na Picotin Induction.
Ito ang gamot para mapilitang magsimula nang mag-contract ang aking cervix. Sa una, wala akong masyadong maramdaman na sakit, pero sabi ng nurse, nagsisimula na raw ako mag-labour.
Sabi ko na nga ba, mataas talaga ang aking pain tolerance, ang pagyayabang ko sa aking mister at sa nurse. Around 1cm pa lang ang opening ng cervix ko.
5 pm – Nagugutom na ulit ako. Ayaw ako payagan kumain ng nurse. Pwede raw candy pero ‘wag raw solid food. Panay inom ko na lang ng Gatorade at tubig.
Sa oras na to, unti-unti ng tinataas ang dosage ng IV Drip. May mga cable na nakakabit sa aking tyan para malaman ang contraction.
Sa monitor, makikita ang intensity ng contractions. Ramdam ko na ang sakit ngunit nakukuha ko pang tumawa at nakikipagbiruan. Isang palatandaan na kinakabahan.
BASAHIN:
7 signs na malapit nang magsimula ang pag-labor ng buntis sa susunod na 24-48 hours
Ina, ibinahagi ang karanasan nang mawala ang bisa ng anesthesia sa panganganak
Buntis, tumangging magpa-emergency CS dahil hinihintay ang suwerteng araw ng panganganak
Pagsakit ng aking tiyan
Nagsimula ng sumakit ang aking tyan bandang alas-6 ng gabi. Humingi na ako ng Nitrous Oxide o mas kilala sa “Laughing Gas” – ito ay makakatulong para mabasawan ng kaunti ang sakit ng contraction.
Pataas ng pataas ang dosage ng IV Drip, kaya mas lalong mabilis ang interval ng contractions. Kahit masakit, kalangan ko pa rin pumunta sa toilet para umihi habang dala dala ang IV Drip.
Samantala, may isang buntis na kakarating lamang sa kabilang kwarto at nagsisimula na rin maglabour.
Nakadinig kami ng malakas na sigaw sa kabilang kwarto bandang alas-8 ng gabi at iyak ng baby! Oh my! Ang sabi ko, nakaraos na siya! Nakaramdam ako ng kaunteng pressure sa aking sarili habang tuloy-tuloy pa rin ang contractions ko. Masakit na masakit na ang tyan ko. Gusto ko na din lumabas si baby at makaraos!
Ilang oras na at hindi pa rin bumubuka ang cervix ko
Tuliro na ako pagsapit ng alas-dose ng madaling araw. Hindi na ako mapakali sa sakit. Hindi pa rin bumubuka ang cervix, nasa 3cm pa lang.
Ayaw pa rin lumabas ni baby! Nagsimula na akong humagulgol sa sakit sa tuwing may contractions. Hindi ko na kaya! Umabot ako sa nahila ko ang mattress bed na hinihigaan ko sa sobrang sakit.
Hindi pala mataas ang pain tolerance ko, hindi pala madali ang manganak, hindi pala ito basta-basta lang na masakit!
Madaming nurse at doktor ang nasa loob ng kuwarto. Nakakabit na ang cateter. Panay ang gamit ko ng laughing gas para maibsan ang sakit pero pinagbawalan na ako dahil nasobrahan na raw sa paggamit at hindi raw ito makakabuti.
Iyak na ako ng iyak sa sobrang sakit. Titigil na lang sa iyak kapag malapit na ang contraction. Lahat ng inaral at preparations sa panganganak ay parang ‘di ko nagamit.
Bumaba na ang heart rate ni baby at blood pressure ko.
Dito na ako sinabihan ng aking midwife na pwede raw ako mag-request ng Epidural. Sa sobrang sakit, hindi ko na maalala na may Epidural na pwedeng gamitin.
Dumating ang Anesthesiologist para ipaliwanag ang mga cons ng Epidural habang may contractions ako. Pumirma na kaming mag-asawa dahil hindi ko na kaya.
Hanggang pagsapit ng alas-2 ng madaling araw ay hindi pa rin bumubuka ang cervix ko na nasa less than 4cm pa din. Patuloy pa din ang contractions at naghihintay na bigyan ako ng Epidural.
Nakabalik na ang Anesthesiologist at dala-dala na ang apparatus. Habang sunod-sunod ang contractions, kinailagan ng tatlong tao ang humawak sa katawan ko para ‘di ako gumalaw habang tinutusok ng karayom ang spinal cord para sa Epidural.
Nakaramdam na ako na malapit nang himatayin dahil ilang oras na akong walang laughing gas, hindi na kinaya ang sakit ng induced labour.
Nagsisimula na akong pumikit. Tinapik-tapik ng midwife ang aking mga pisngi at ‘wag umano ako matutulog kahit anong mangyari para kay baby. Wala na din akong lakas kahit umiyak pa.
Ilang saglit, umepekto na ang Epidural, nakaidlip si mister dahil sa pagod na din. Nakapikit lang aking mga mata. Naririnig ang mga bulungan ng mga nurses, doctor at midwife, kalangan na raw ang Emergency cesarean delivery at itigil ang IV Drip dahil baka raw ma-overdose na ako sa Picotin at ‘di pa rin bumubuka ang cervix ko.
Nanng sinabi sa akin na kalangan na mag-cesarean delivery, sabi ko,
“Please, do whatever you need to do to save my baby and me.”
Bandag 6:30am nasa theatre room na kami. Nakaramdam ako ng takot. Nagsimulang nanlamig at kusang nanginig ang aking mga kamay. Normal eaw ito dahil sa anaesthesia.
Gising ako habang inooperahan. Paglipas ng ilang minuto, nadinig ang iyak ni baby. Dito ko naramdaman ang saya at tuwa ng madinig ang unang iyak ng aming anak. Ilang saglit, nilagay na si baby sa aking dibdib, ito ang tinatawag na “skin to skin”.
Emotional at napaluha kaming parehas ng mag-asawa. Nawala lahat ng pagod simula sa pagbubuntis, pag-labour, at panganganak nuong nasilayan namin ang aming anak na si Antonio. Nagpasalamat kami sa Panginoon sa napakagandang biyaya na natanggap naming mag-asawa sa araw na iyon.
Sa mga new parents, okay lang po na kabahan kayo, normal na pakiramdam ‘yan. Okay lang po na palagay niyo ‘di kayo maalam, magtanong tanong po kayo sa mga pamilya nyo, mga kaibigan na may mga anak na, at kung maaari mag-enroll po kayo sa prenatal class.
Maaari na ‘di niyo magamit ang mga inaral niyo doon pero at least prepared kayo mentally at psychologically. Dahil mas lalo kayong kakabahan kung ‘di kayo nakapaghanda. Follow your instincts at payo ng mga professionals para safe kayo parehas ni baby.