Ang mga huling araw bago ang iyong araw ng panganganak ay talaga naman nakakapagdulot ng kaba at excitement. Matagal na paghihintay ang iyong ginawa at ngayon sa wakas ay makakalabas na ang iyong mumunting anghel sa iyong sinapupunan at mahahawakan na sa iyong bisig.
Nariyan din ang pakiramdam na matatapos na ang iyong pagbubuntis at matitigil na ang mga limitasyon na dala nito sa iyo. Ang iyong gynecologist sa malamang ay nakapagbigay na sa iyo ng due date at ikaw’y nagbibilang na lamang ng mga araw sa nalalapit na pagdating ng iyong D-Day.
Habang may tiyansa pa rin na hindi magtutugma ang ibinigay na due date sa araw talaga ng iyong panganganak liban na lamang kung ikaw ay sasailalim sa C-Section. May mga senyales na magmumula sa iyong katawan na magsasabing nasa 24-48 hours na lamang ang layo nito.
Ito ay madalas na makikita sa pananakit ng ibabang bahagi ng likuran, pagbaba ng timbang, pagtatae, at ang pinakahalata ay ang pagputok ng panubigan.
Iyan ang pinakamadalas na senyales na dapat bantayan. Subalittandaan na magkakaiba ang bawat kababaihan at mararanasan sa iba’t ibang pamamaraan.
Ang panganganak sa iba ay maaaring parang simpleng paglalakad lamang ngunit napakakumplikado para sa iba.
Gayunpaman, malaking tulong na inyo ng alam ngayon na sandaling panahon na lamang ang inyong hihintayin at malapit na ang hinihintay na paglabas ng inyong mumunting anak.
Kaya naman aming mga mahal na ina, narito ang 7 paraan na magpapakita ng senyales ang iyong katawan na sa loob ng 24 o 48 hours ay manganganak na.
7 senyales na 24 o 48 hours na lamang ang layo ng iyong pagle-labor
Image Source: Unsplash
Ang pinakahalatang senyales ng labor ay ang pagputok ng iyong panubigan na dahilan ng pagkabasag ng iyong amniotic sac. Ito ang pinaglalagyan ni baby sa iyong sinapupunan na puno ng likido.
Pinoprotektahan din ng amniotic sac ang iyong baby habang siya ay lumalaki at nagde-develop sa iyong sinapupunan sa loob ng siyam na buwan.
Madalas na nasisira ang sac na ito dahil naglalagay ng pressure ang ulo ni baby rito. Sa pagputok ng amniotic sac, senyales na ito na ang iyong katawan ay naghahanda na para sa panganganak. Dapat nang magpunta sa ospital.
Habang ang ilang kababaihan, nakararamdam ng pagbuhos pababa ng tubig. Ang iba naman ay makararanas lamang ng paglabas ng kaunting tubig o maliit na pamamasa sa kanilang mga pang-ibaba.
2. Pagkatanggal ng tinatawag na mucus plug
Isa ito sa mga senyales ng labor kung saan ang makapal na koleksiyon ng mucus na nagsasara sa bukasan ng cervix. Ito ang pumipigil sa mga bacteria na makapasok sa matris ng nagbubuntis na ina. Gayunpaman, kapag malapit na ang panganganak, ang plug ay luluwag at saka mahuhulog.
Ang ibang mga babae, makakakita nang nalalaglag na mucus pagkatapos na gumamit ng palikuran. Habang ang iba naman ay makikita ito sa kanilang pang-ilalim (underwear) o matapos magpunas pagkatapos ng pag-ihi.
Ang isang senyales na dapat bantayan ay ang malinaw o kulay pink na mucus na maaari ring naglalaman ng dugo. Sinasabi ng mga eksperto na normal lamang ito at parte ng pagkatanggal ng mucus plug.
Sa karaniwan, natatanggal ang mucus plug ilang araw bago ang mag-labor. Ngunit maaari pa rin naman mag-iba sa pagitan ng mga linggo.
3. Pananakit ng ibabang bahagi ng likuran
Ang pananakit ng likod ay natural na sa pagdadalang tao lalo na kung nalalapit na ang araw ng panganganak. Ito ay dahil sa mga joints at ligaments na lumuluwag bilang preparasyon sa panganganak.
Ito ang dahilan kung bakit maaasahan ng mga soon-to-be moms ang pre-labor lower back pain na mas magiging dahilan upang hindi maging kumportable.
Isa itong senyales na 24 o 48 hours na lamang ang layo ng pagle-labor. Mararamdaman ito kaysa sa pangkaraniwan at aabot rin sa pelvic area. Maaaring magtagal ito kahit na matapos na ang panganganak.
4. Diarrhea
Awtomatikong nag-aadjust ang katawan sa paglapit ng pagtatapos ng pagbubuntis. At maglalabas ito ng hormone na tinatawag na relaxin upang lumuwag ang mga lasu-kasuhan.
Habang ito’y magiging sanhi ng pananakit sa ibabang bahagi ng likuran at pelvic area. Magiging dahilan din ito ng diarrhea. Nangyayari ito dahil ang mga muscles na nakapalibot sa rectum ay narerelax.
5. Pagbawas sa timbang
Ang mga soon-to-be mommies ay makararanas rin ng pagbaba ng timbang bago ang kanilang panganganak. Bagama’t hindi man ito nangyayari sa lahat ng kababaihang nagbubuntis, ang ilan nama’y maaaring magbawas ng nasa 1.5 kilo, isa o dalawang araw bago maglabor.
Ito ay nangyayari dahil ang katawan ay nagbabawas ng mga sobrang tubig na mayroon sa katawan habang nagbubuntis si mommy.
Ang isa sa pinakamalaking paraan para mabawas ang tinatawag na “water weight” na ito ay sa pamamagitan ng pagkawala ng amniotic fluid at pag-ihi ng mas madalas sa nakasanayan.
Ang sanggol ay gumagalaw sa mas mababang posisyon ay makadadagdag sa pressure na malalagay sa iyong pantog. Kaya naman mapapadami ang bilang ng pagbisita sa banyo.
Kung may makikitang katulad ng pagbaba ng timbang sa panahon na malapit na ang panganganak, isa itong senyales na dapat nang maghanda para sa paglabas ni baby.
6. Real contractions
Habang ang Braxton Hicks Contractions o false labor pain ay maaaring magsimula ilang buwan bago pa man ang due date, ang totoong contractions ay mangyayari sa pagitan ng ilang oras o araw.
Nangyayari ito dahil ang uterine muscles ay naghahanda na para sa panganganak. Kung ihahambing sa mga false contractions, ang mga ito ay mas malalakas at mangyayari ng mas madalas. Magtatagal ito ng mahaba pa sa isang minute at mauulit sa pagitan ng 4-5 minutes.
7. Cervical dilation
Sa paglapit ng iyong due date, titignan ng gynecologist ang iyong cervix kung gaano na kalaki ang ibinuka nito.
Ang iyong cervix ay kailangang mabukas upang madaling makalabas ang iyong baby sa birth canal. Sa pangkaraniwan, ang cervix ay dapat na magbuka ng nasa 10 cm o pataas para sa vaginal delivery.
Sa pagsisimula ng iyong labor, ang iyong cervix ay bubuka ng nasa 2-3 cm. Ito ay nangangahulugang ang pagle-labor ay nasa 24 hanggang 48 hours na lamang ang layo.
Sa karaniwang kaso, irerekomenda ng iyong doktor na ma-admit na sa ospital sa puntong ito.
Ang mga huling oras ng iyong pagbubuntis ay maaaring maging magulo at nakakapagod maging pisikal o emosyonal man. Siguraduhin na enjoyin lamang ang sandal at maging handa sa abot ng makakaya.
Maghanda ng birth plan kasama ang ospital na pag-a-admitan. Magsama na rin ng plan B upang maging madali ang mga bagay sa inyong dalawa ng iyong partner.
Ang mas maayos na preparasyon ay makatutulong upang ma-enjoy ang pagsisimula ng pagiging isang ina at mga karanasan na maibibigay nito sa inyo.
Ang artikulong ito ay orihinal na inilathala sa the Asianparent Singapore at isinalin sa wikang Filipino ni Charlen Mae Isip
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!