Child rape in Caloocan
Balita ngayon ang walang awang panggagahasa ng isang 17 years old na lalaki sa isang apat na taong gulang bata sa Caloocan.
17-year-old na bata, pinatay at ginahasa ang kapitbahay na 4-year-old
Abala raw sa paglalaro ang apat na taong gulang na batang babae nang ito ay mawala. Sa labis na pag-aalala, hinanap agad ito ng kaniyang ina at humingi ng tulong sa mga opisyal.
Ayon sa isang nakakita, huling nakitang kasama ng bata ang 17 years old na lalaki na kanilang kapitbahay. Ito ngayon ang suspek sa nasabing kaso na agad ring umamin sa ginawang krimen.
Nakita na lamang ang katawan ng batang babae sa likod ng isang abandonadong bahay sa Caloocan. Ito ay natatabunan ng mga dahon. Aminado ang binatilyo sa krimen na ginawa. Pagkatapos gahasain, ang batang babae ay walang awang hinampas sa ulo na agad ring ikinamatay.
Naglabas naman ng labis labis na sama ng loob ang tatay ng biktima. Ayon sa kaniyang interview, hindi niya kayang tignan ang sinapit ng kanyang anak.
“Hindi ko po kayang tingnan… Napakasakit po sa akin… Tatay po tayo eh. Hindi na nga po ako nakatulog kagabi dahil kagabi umiiyak na din kami.”
Napag-alamang lasing ang binatilyo at nainis sa bata dahil ito ay maingay. Ito ang naging dahilan kung bakit niya pinukpok sa ulo ang biktima.
Samantala, sinampahan naman ng kasong homicide at rape ang binatilyo. Ngunit dahil ito ay menor de edad, hindi pa tukoy kung ito ay matutuloy ikulong.
Mga dapat gawin para makaiwas at hindi kunin ng ibang tao ang iyong anak
Ang pag-iwas sa karahasan ay nagsisimula sa ating mga magulang. Bilang nakatatanda, kailangan nating bigyan ng paalala o pangaralan ang ating mga anak tungkol sa mga masasamang loob na nagkalat loob man ‘yan o labas ng bahay.
Narito ang ilang mga tips kung paano makaiwas sa masasamang loob.
1. Iwanan lang sa mga mapagkakatiwalaan
Tandaan mommies, ‘wag na ‘wag nating iiwan sa hindi kilala o hindi pinagkakatiwalaang tao ang ating mga anak. Makakaiwas tayo sa mga kidnap o pagkuha basta-basta ng iyong anak ng walang paalam. Kung aalis at iiwanan saglit ang iyong anak, mas mabuti kung ipaghabilin muna ito sa kamag-anak o malapit na tao.
2. Turuan ang iyong anak sa pakikisalamuha sa ibang tao
Mahalagang malaman ng ating mga anak na kung paano ang gagawin kung sakaling may kumausap sa kanilang hindi kilalang tao at niyayaya na sumama sa kanila. Sa bahay pa lamang, kausapin na agad ito na kung may kumausap man sa kaniyang hindi kilala o nag-aalok ng pagkain para sumama sa kaniya, ‘wag na ‘wag niya itong kakausapin at sumama.
3. Turuan ang bata ng salitang ‘Hindi’
Bilang magulang, kailangan nating ipaintindi sa ating mga anak na kailangang ‘wag tumanggap ng mga bagay katulad ng pagkain o laruan mula sa ibang tao kapalit ng kanilang kagustuhan. Ang mga laruan, matatamis na pagkain o ibang bagay na ito ay isang teknik nila para makuha ang atensyon ng mga bata.
4. Turuan ng basic self defense
Kung sakali mang nag pumilit ang taong kumakausap sa iyong anak at pilit siyang sinasama sa kaniya, turuan ito na kung mangyari man ito, matuto siyang tumakbo o kumawala sa mga taong masasama ang loob. Ang paghingi ng tulong sa ibang tao ay makakatulong rin para makalayo sa masamang loob.
5. Tutukan sa pag gamit ng gadgets
Talamak na rin sa social media ang mga sexual predators. Ang mga ito ay kadalasang naghahanap ng mabibiktima. Una nilang ginagawa ay makikipagkaibigan sa’yo at bibigyan ng mabubulaklak na salita ang mga batang kausap nito. Saka yayayain na makipagkita sa isang lugar o kaya naman pilit na humihingi ng pribadong larawan ng iyong anak. Bilang magulang, kailangan mabigyan natin sila ng proper guidance sa tamang pag gamit ng social media. Bigyan ng oras para sa screentime at paalalahanan na ‘wag makipag chat kung kani-kanino lalo na kung hindi ito kilala.
6. Mga mahahalagang impormasyon
‘Wag ring kakalimutan na ipakabisado sa iyong anak ang inyong address, buong pangalan niya, pangalan ng magulang o kaya naman contact number ng kaniyang guardian. Maaari namang gumawa ng ID na nakalagay rito lahat ng basic information niya na maaaring makita sa oras ng emergency.
Source:
BASAHIN:
Anak ni Sharon na si Frankie Pangilinan nakatanggap ng rape threat sa social media