Pumalo sa lampas 18,000 ang bilang ng mga kaso ng child rights violations noong 2023 sa Pilipinas, ayon sa Council for the Welfare of Children (CWC).
Mababasa sa artikulong ito:
- Sexual exploitation pinakamataas na kaso ng children’s rights violations sa bansa
- Paano protektahan ang anak mula sa pang-aabuso?
Sexual exploitation pinakamataas ng child rights violations
Umabot na umano sa 18,756 na kaso ng children’s rights violation ang naitala ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center noong 2023.
Sa lampas 18K na kaso na ito, 17,304 ang kaso ng rape at acts of lasciviousness. Saad ni CWC executive director Angelo Tapales, ang dalawang kaso na ito ang top violations laban sa mga bata simula pa noong 2016.
Nakakabahala ang mga numerong ito kaya naman nananawagan ang CWC sa publiko na tumulong sa pagre-report ng mga child abuse cases at iba pang violations laban sa mga menor-de-edad. Maaaring tumawag sa Makabata helpline na 1383 para magsumbong at humingi ng tulong.
Paano protektahan ang anak mula sa pang-aabuso?
Narito ang ilang hakbang na maaaring gawin ng mga magulang upang protektahan ang kanilang mga anak laban sa pang-aabuso, child sexual exploitation, at iba pang paglabag sa karapatan ng bata:
- Turuan ang anak tungkol sa kanilang katawan – Ipaliwanag ang konsepto ng “private parts” at ang kahalagahan ng consent.
- Bantayan ang kanilang online activities – Limitahan ang screen time at bantayan ang social media at apps na ginagamit ng anak.
- Maglaan ng oras sa anak – Makipag-usap palagi at pakinggan ang kanilang mga saloobin upang hindi matakot magsabi kung may hindi magandang nangyayari.
- Maglaan ng sapat na pangangalaga sa mga bantay o ibang tao – I-verify ang background ng mga taong may access sa anak.
- Turuan ang anak kung paano magsabi ng “hindi” – Palakasin ang loob na tanggihan ang anumang hindi komportableng sitwasyon.
Mahalaga ang patuloy na suporta at gabay mula sa mga magulang para matulungan ang mga bata na maging ligtas.
Crisostomo, Shiela. (2024, November 2). 18,756 Children’s Rights Violations Recorded in 2023. Retrieved November 5, 2024, from PhilStar Global
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!