Kulong ang dalawang nanay na nagbebenta umano ng mga child sexual exploitation materials ng kanila mismong mga anak!
Magkapatid nahaharap sa kasong child exploitation!
Dalawang magkapatid sa Caloocan City na kapwa mga ina ang iniharap ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang press conference. Ang magkapatid na ito ay sangkot umano sa paggawa at pagbebenta ng child sexual exploitation materials.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nalaman ng NBI na ang mga child sexual exploitation videos at photos na binebenta ng dalawang ina ay sa kanila mismong mga anak.
Sa report ni Migo Fajatin sa Abante TNT, nadiskubre umano ng NBI ang gawain na ito ng magkapatid nang makipag-ugnayan ang tanggapan sa Homeland Security Investigation Agency ng Amerika. Matapos nito ay nagsagawa nga ng operasyon ang NBI at huli sa akto ang isinasagawang krimen sa lungsod ng Caloocan.
Anim na menor de edad ang nasagip sa nasabing operasyon, kabilang na ang dalawang taong gulang na sanggol.
Samantala, mahaharap naman sa 14 na patung-patong na kaso ang mga suspek. Kabilang na rito ang CSAEM, qualified trafficking, at rape by sexual assault.
Pilipinas, sentro ng child sex abuse materials production
Mommy at daddy, alam mo bang malaking banta sa kaligtasan ng mga bata ang ganitong uri ng balita? Katunayan, ayon sa UNICEF noong 2016, ang Pilipinas ang tinuturing na sentro ng produksyon ng mga child sexual exploitation materials sa buong mundo. Tinatayang 80% ng mga kabataang Pilipino ang vulnerable sa online sexual abuse, kung saan ang ilan ay ang mismong magulang nila ang may kagagawan.
Bilang magulang, tungkulin natin na tiyakin ang kaligtasan ng ating mga anak mula sa mga ganitong uri ng pang-aabuso. Hindi dapat na sa atin pa mismo magmula ang kanilang ikapapahamak.
May karampatang parusa sa batas kapag napatunayan ang isang tao na gumawa ng ganitong krimen, sarili man niyang anak o hindi.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!